22 Oktubre 2023
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 45, 1. 4-6/Salmo 95/1 Tesalonica 1, 1-5b/Mateo 22, 15-21
This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1516) The Tribute Money by Titian (1490–1576), as well as the actual work of art itself from the Staatliche Kunstsammlungen Dresden and the Gemäldegalerie Alte Meister via the Web Gallery of Art is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the public domain term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1576. This work is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928.
Madalas na binabatikos ng maraming tao, lalo na ng mga masugid na tagasuporta ng ilang mga pulitiko sa kasalukuyang panahon, ang Simbahan dahil nakikialam raw ang Simbahan sa mga usaping pampulitika. Para sa kanila, ang estado at ang Simbahan ay dapat magkahiwalay. Ang Simbahan ay dapat nakatutok lamang sa mga usaping pang-espirituwal, mga panalangin, at mga talata sa Bibliya, lalung-lalo na yaong mga talata tungkol sa pag-ibig, habag, at awa. Separation of Church and State ang sigaw nila. Ginagamit pa nga ng ilan sa kanila sa kanilang pangnatwiran para sa Separation of Church and State ang mga salitang binigkas ng Panginoon sa Ebanghelyo para sa Linggong ito: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos" (Mateo 22, 21).
Ano nga ba ang kahulugan ng mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito? Binigkas ba ni Jesus Nazareno ang mga salitang ito upang pagbawalan ang Kaniyang mga tagasunod at ang Simbahan na magsalita tungkol sa mga usaping pampulitika? Ibig sabihin ba ng mga salitang ito na namutawi mula sa mga labi ng Poong Jesus Nazareno na dapat manahimik na lamang tayo sa harap ng pang-aapi at kasamaan sa lipunan ang Simbahan?
Pinagbawalan nga ba talaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Simbahan na magsalita tungkol sa mga usaping pampulitika? Hindi. Katunayan, ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito ay isang paalala ng Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos para sa lahat. Sabi sa Unang Utos ng Sampung Utos ng Diyos ay: "Ako ang Panginoon mong Diyos; huwag kang magkakaroon ng ibang diyos maliban sa Akin" (Exodo 20, 2-3). Isa lamang ang ibig sabihin ng mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa huling bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito: si Cesar at ang iba pang mga pulitiko ay hindi mga diyos o bathala na dapat sambahin.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Propetang Kaniyang hirang na si Propeta Isaias na hinirang Niya si Ciro upang maging hari na tutulong sa mga Israelita pagdating ng panahon. Sa pamamagitan ni Ciro, muling patutunayan at ihahayag ng Panginoong Diyos sa lahat ang Kaniyang kadakilaan. Napakalinaw sa nasabing pahayag na si Ciro ay naging hari upang tulungan ang mga Israelita dahil lamang sa Diyos. Sa Panginoong Diyos mismo nagmula ang papel na gagampanan ni Ciro bilang hari. Sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito, taos-pusong inihayag nina Apostol San Pablo, San Timoteo, at Silas, ang kanilang papuri at pasasalamat sa Diyos dahil ang mga ginawa ng mga Kristiyanong taga-Tesalonica ay nagpahayag ng taos-puso nilang pagtanggap at pagbibigay-halaga sa biyaya, pag-ibig, at habag ng Panginoong Diyos na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. Dahil naging mulat sila sa kadakilaan ng Diyos na inihayag Niya sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang mga instrumentong sina Apostol San Pablo, San Timoteo, at Silas, ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay naudyok na isabuhay ang mga salitang inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito nang buong pananalig at tiwala sa Diyos: "Dakilang kapangyarihan ng Panginoo'y idangal" (Salmo 95, 7b). Tinanggap at sinamba ng mga Kristiyano sa Tesalonica bilang tunay at walang hanggang Diyos at Hari ang Panginoong Diyos. Pinili ng mga taga-Tesalonicang Kristiyano ang tunay at nag-iisang Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Diyos.
Oo, dapat igalang ang iba't ibang mga pinuno sa mundong ito, lalung-lalo na yaong mga nasa mundo ng pulitika. Subalit, hindi ito nangangahulugang ituring silang mga diyos at bathala. Ito lamang ay dahil isa lamang ang Diyos - ang Panginoon.
Nakakalungkot nga lamang isipin na mayroong mga patuloy na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga pang-aapi at garaplang pag-abuso sa katarungan sa lipunan, lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. Lalo't higit kapag hinikayat ng mga pinunong yaon na ipagpatuloy ang mga ganitong masasamang gawain. Sa halip na tumindig at ipaglaban ang mabuti at tama, mas pinili nilang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan bilang pagsuporta sa mga nasabing pinuno. Katunayan, higit na importante ang ikabubuti at kalagayan ng pinunong kanilang sinusuportahan kaysa sa pangkalahatang kabutihan. Ang mga pinunong ito, kahit maliwanag na sila'y mga gahaman, sakim, at tiwali, ay ipagtatanggol pa rin nila. Ipinagpalit nila ang tunay at walang hanggang Diyos na Panginoon. Nakakalungkot.
Tinatanong tayo ng Simbahan sa Linggong ito: Sino ang iyong Diyos? Sino ang pipiliin mong maging iyong Diyos? Ang tunay na Diyos at Haring walang hanggan na walang iba kundi ang Panginoon? Ang taos-puso nating katapatan, pananalig, at pagsamba ay handa ba nating ialay sa Kaniya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento