Biyernes, Oktubre 18, 2024

BABALIK SA WAKAS NG PANAHON

17 Nobyembre 2024 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14.18/Marcos 13, 24-32 


Sa bahaging ito ng Taong Liturhikal, nakatuon ang pansin ng Inang Simbahan sa mga magaganap sa wakas ng panahon. Hindi mananatili magpakailanman ang mundong ito. Ang mundong ito ay pansamantala lamang. Darating ang panahong guguho nang tuluyan ang mundong ito. Gaano mang katibay ang mga gusali at pati na rin ang mga punong nakikita natin, guguho rin ang mga ito pagdating ng takdang panahon. May hangganan ang lahat ng bagay sa mundo - hindi lamang ang ating mga buhay. 

Ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa muli Niyang pagdating sa wakas ng panahon sa Ebanghelyo. Inihayag Niya nang buong linaw sa mga apostol na muli Siyang darating sa wakas ng panahon taglay ang Kaniyang buong kapangyarihan at karangalan bilang Diyos. Hindi Siya darating muli sa mundong ito upang gawing isang bakasyunan ang mundong ito. Bagkus, muli Siyang darating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang iligtas ang mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Gaya ng inilarawan ni Propeta Daniel sa pangitaing kaniyang inilahad sa Unang Pagbasa at ng ginawa mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong una Siyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, darating Siya muli sa wakas ng panahon upang iligtas ang mga tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Isang taos-pusong dalangin ang itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Ang mga salitang ito mula sa panalanging binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay laging isinabuhay ng lahat ng mga nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Wala silang ibang hangarin kundi ang kalugdan ang Panginoong Diyos na iniibig at pinaglilingkuran nila nang taos-puso at nang buong katapatan hanggang sa huli. Pinapatunayan nila sa pamamagitan nito ang kanilang pag-ibig at pag-asa sa Kaniya na hindi nagpabaya sa kanila kailanman.

Kailan ang wakas ng panahon? Kailan babalik ang Poong Jesus Nazareno? Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na mismo ang nagsabi sa Ebanghelyo na walang sinuman ang nakakaalam kung kailan ang eksaktong araw at oras maliban sa Ama. Ang Ama lamang ang nakakaalam kung kailan ang wakas ng panahon. Dahil dito, dapat nating simulan ang taimtim at puspusang paghahanda ng sarili para sa araw na iyon. Dapat pahalagahan at gamitin ang panahong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos upang maihanda natin ang ating mga sarili para sa muling pagdating ng Mahal na Poon. 

Babalik muli ang Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang iligtas ang lahat ng mga tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Upang mapabilang sa mga pagkakalooban Niya ng biyaya ng Kaniyang pagliligtas, dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Mahal na Poon at mamuhay ayon sa Kaniyang kalooban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento