25 Oktubre 2024
Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 4, 1-6/Salmo 23/Lucas 12, 54-59
"Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid?" (Lucas 12, 57). Isa ito sa mga tanong ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga tao sa Banal na Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng nasabing tanong, ang katotohanan tungkol sa mga nakararami ay Kaniyang isinalungguhit. Ang pagiging matuwid, mabuti, at banal ay hindi binibigyan ng halaga ng nakararami.
Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa ilan sa mga aspeto ng pananampalatayang Kristiyano. Gaya ng kaniyang mga kasamahan noon at ng iba pang mga banal na tao na sumunod sa kanila sa paglipas ng panahon, ang pananampalatayang Kristiyano ay ipinasiyang pahalagahan ni Apostol San Pablo hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay sa mundong ito. Kahit na ang naging kapalit nito ay ang kaniyang sariling buhay, taos-puso pa ring ipinasiya ni Apostol San Pablo na pahalagahan, ipalaganap, at manindigan para sa Simbahan.
Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang katangian ng bayan ng Panginoong Diyos. Ang bayan ng Diyos ay dumudulog sa Kaniya dahil taos-puso ang kanilang pananalig at pagsamba sa Kaniya bilang Diyos at Panginoon. Ang pagpapahalaga nila sa Diyos ay lagi nilang pinatutunayan sa pamamagitan ng taos-pusong pakikinig at pagsunod sa Kaniya na Siyang unang umibig sa kanila.
Nais ng Poong Jesus Nazareno na pahalagahan natin ang kabutihan, katuwiran, at kabanalan dahil ito ay kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Kapag ginawa natin ito, pinatutunayan nating tapat at dalisay ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento