1 Nobyembre 2024
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a
"Panginoon, ang bayan Mo ay dumudulog sa Iyo" (Salmo 23, 6). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Ang mga banal sa langit na pinararangalan natin sa araw na ito ay bumubuo sa tinatawag na Simbahang Nagtagumpay. Ito ang tawag sa kanila sapagkat napagtagumpayan nila ang lahat ng mga tukso at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Gaano mang karami at katindi ang mga tukso at pagsubok sa buhay sa lupa, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. Kaya naman, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang natamasa. Namumuhay sila kapiling ng Diyos sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Juan ang kaniyang mga nakita sa isang pangitain tungkol sa langit. Nagkaroon siya ng pangitain tungkol sa buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Ang lahat ng mga nagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay nagpupuri at sumasamba sa Kaniya nang walang humpay.
Inilarawan sa pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang mga katangian ng mga tunay na mapapalad sa paningin ng Diyos. Ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ay kinalulugdan ng Diyos. Kung ninanais nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kinakailangan nating isabuhay ang mga katangiang inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Matutuwa ang Diyos sa atin kapag nakikita Niyang isinasabuhay natin ang mga birtud na ito.
Ano naman ang ugnayan ng Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo? Isa lamang ang nais isalungguhit ng mga ito - tayong lahat ay mayroong pagkakataong maging bahagi ng bayan ng Diyos. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging bahagi ng Kaniyang bayan. Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ito ang pasiya ng Panginoon. Pag-ibig. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa ating lahat, niloob Niyang anyayahan tayong lahat na maging bahagi ng Kaniyang bayan.
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, mayroon tayong pagkakataong maging bahagi ng Kaniyang bayan. Tinanggap ng lahat ng mga banal sa langit ang paanyayang ito ng Panginoong Diyos. Kaya naman, ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit ay kanilang natamasa. Ano ang ating pasiya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento