16 Disyembre 2024
Unang Araw ng Simbang Gabi
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36
Larawan: Giovanni di Paolo (–1482), Ecce Agnus Dei (c. 1455/60), Art Institute of Chicago, Public Domain.
Sa simula ng tradisyong tinatawag na Simbang Gabi, ang Pagsisiyam o Nobenaryo sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, itinutuon ng Inang Simbahan ang ating mga pansin sa tunay na dahilan ng pagdating ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa lupa bilang isang munting sanggol na ipinaglihi at isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko. Kahit na hindi naman Niya kinailangang gawing iyon, kusang-loob pa ring ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundo bilang isang munting sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko. Bakit kaya?
Inilahad ni Propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Sa pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Panginoong Diyos na darating Siya upang tubusin ang bayang Kaniyang hinirang at itinalaga upang maging Kaniya. Sa Ebanghelyo, inihayag nang buong linaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Siya mismo ang katuparan ng pangako ng Diyos sa Matandang Tipan. Dumating Siya sa mundong ito upang tuparin ang misyong ibinigay sa Kaniya ng Ama.
Ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno sa mundo bilang katuparan ng pangako ng Diyos sa Lumang Tipan ay patunay na ang Diyos ay ang bukal ng pag-asa. Dumating Siya sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang magdulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang pumarito sa lupa upang tuparin ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Poong Jesus Nazareno ay nagdulot ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. Pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ito na Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa.
Nakatuon sa halaga ng taos-pusong pag-aalay ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Itinuturo ng mang-aawit sa Salmong Tugunan kung paano tayo dapat tumugon sa Diyos na nagdudulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Bilang tugon sa tunay na pag-asang idinudulot Niya sa ating lahat, taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba ang dapat nating ihandog sa Kaniya.
Kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na magdulot ng tunay na pag-asa sa ating lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pinatunayan ng Diyos na Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa sa pamamagitan nito. Samakatuwid, marapat lamang na handugan natin Siya ng taos-pusong papuri, pasasalamat, pananalig, at pagsamba hanggang sa huli.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento