Biyernes, Nobyembre 8, 2024

PAG-ASANG DULOT NG TAGAPAGLIGTAS

8 Disyembre 2024
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6 


Ang Ebanghelyo tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento ay laging tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan. Ito ang misyong ibinigay sa kaniya ng Panginoong Diyos. Buong katapatang tinupad ni San Juan Bautista ang kaniyang misyon at tungkulin bilang tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit na walang iba kundi ang kaniyang kamag-anak na si Jesus Nazareno. 

Marahil maitatanong ng marami kung ano naman ang napala ni San Juan Bautista sa pamamagitan ng pagtupad sa misyong ito na kaloob sa kaniya ng Diyos. Hindi lingid sa kaalaman ni San Juan Bautista na mayroong mga matitigas ang ulo na tutungo sa Ilog Jordan upang umusiyoso lamang at hindi isasapuso ang kaniyang mga pangaral tungkol sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas. Ang mga turo ni San Juan Bautista tungkol sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay papasok sa isang tainga at lalabas sa kabilang tainga. Hindi naman nila isasabuhay ang mga ito, ilang ulit mang mangaral sa tanan si San Juan Bautista tungkol sa mga nasabing paksa. 

Kung alam ni San Juan Bautista na hindi lahat ay makikinig sa kaniya, bakit pa rin niya ito ipinagpatuloy? Bakit hindi siya nagreklamo sa Panginoong Diyos at sinabing wala namang saysay ang misyong ito dahil hindi naman makikinig sa kaniya ang lahat ng taong pupunta sa kaniya sa Ilog Jordan? Isa lamang ang dahilan kung bakit hindi ito ginawa ni San Juan Bautista - ang humirang at nagtalaga sa Kaniya ay ang mismong bukal ng pag-asa. Sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. 

Nakatuon ang mga Pagbasa sa pagiging bukal ng pag-asa ng Panginoong Diyos. Mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa Herusalem ang inilahad sa Unang Pagbasa. Hindi magtatagal ang pamumuhay ng mga taga-Herusalem sa kadiliman. Darating rin ang panahong mamumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa Panginoong Diyos. Buong linaw na nagpahayag tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmo Responsoryo. Sa pamamagitan nito, naging mensahero ng bukal ng pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa sa Ikalawang Pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa wakas ng panahon. Muling babalik ang Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon upang maghatid ng pag-asa sa lahat ng mga magpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Hindi takot, ligalig, at pangamba. Bagkus, ang dulot ng Panginoong Diyos ay pag-asa sa lahat. Siya ang bukal ng pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento