8 Enero 2025
Miyerkules kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 4, 11-18/Salmo 71/Marcos 6, 45-52
Larawan: Paul Bril (circa 1553/1554–1626) and Frederik van Valckenborch (1566–1623), Jesus walking on the Sea of Galilee (c. 1590s). Museum of John Paul II Collection. Sotheby's Collection. Public Domain.
"Huwag kayong matakot, si Hesus ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!" (Marcos 6, 50). Sa mga salitang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol habang naglalakad sa ibabaw ng tubig sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan na dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit upang idulot sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang ito na nagmumula lamang sa Poong Jesus Nazareno ay nagdudulot ng lakas at kapanatagan ng loob sa lahat.
Sa Unang Pagbasa, itinutuon ni Apostol San Juan ang ating mga pansin sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang ihatid sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Ang Diyos ay hindi napilitan. Kusang-loob Niya ipinasiyang gawin. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay mayroong misyon at tungkulin na ihatid at ipalaganap sa kapwa ang biyayang ito na kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Kapag ipinasiya nating tuparin nang mabuti ang ating misyon at tungkulin bilang mga tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang kaloob sa atin ng Panginoon, isinasabuhay natin ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang pagtupad natin sa misyong ito nang bukal sa ating mga puso ang magpapatunay na iniibig rin natin Siya nang tapat. Dahil buong katapatan rin nating iniibig ang Diyos, ang Kaniyang kalooban ay ating tinutupad at sinusunod.
Dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan. Inihatid Niya sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya na nagdudulot ng lakas ng loob. Bilang Kaniyang mga tapat na deboto at tagasunod, kailangan nating ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Panginoon sa tanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento