Lunes, Disyembre 9, 2024

KORDERONG NAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

3 Enero 2025 
Paggunita sa Kabanal-Banalang Ngalan ng Ating Panginoong Jesus Nazareno 
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 2, 29-3, 6/Salmo 97/Juan 1, 29-34 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch 3PM #OnlineMass • 08 December 2024 • 2nd Sunday of Advent (Facebook and YouTube)

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa titulo ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Kordero ng Diyos sa araw na ito. Kusang-loob na ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na dumating sa daigdig bilang Kordero ng Diyos. Buong kababang-loob na tinanggap ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang pananagutan. Sa halip na dumating sa daigdig taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos, ang Poong Jesus Nazareno ay dumating bilang isang maamong kordero na ipinagkaloob ng Amang nasa langit. Alang-alang sa ating lahat, si Jesus Nazareno ay dumating sa daigdig bilang Kordero ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala ni San Juan Bautista sa lahat bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan (Juan 1, 29). Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Juan ang natatanging dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na iwanan ang Kaniyang walang hanggan at maluwalhating kaharian sa langit upang pumarito sa lupa bilang Kordero ng Diyos. Ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa lupa bilang Kordero ng Diyos dahil nais Niya tayong iligtas mula sa kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay ipinakilala ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan bilang Manunubos. Sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. 

Dumating sa mundong ito ang Poong Jesus Nazareno bilang Kordero ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, nagdulot Siya ng tunay na pag-asa sa lahat. May kulay at kabuluhan ang buhay ng lahat ng mga tapat sa Kaniya dahil sa tunay na pag-asang dulot ng Kordero ng Diyos. Hindi ligalig, takot, pangamba, sindak, at kapahamakan ang dulot Niya sa lahat kundi kaligtasan, liwanag, at pag-asa. 

Hindi napilitan si Jesus Nazareno na dumating sa lupa bilang Kordero ng Diyos. Ang pagdating ni Jesus Nazareno sa lupa bilang Kordero ng Diyos na bigay ng Amang nasa langit ay kusang-loob Niyang ipinasiyang gawin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento