25 Disyembre 2024
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2,11-14/Lucas 2, 1-14
Larawan: Fra Bartolomeo (1472–1517), The Nativity (c. Between 1504 and 1507), Art Institute of Chicago, Public Domain.
Hindi nagmula sa buwan ang liwanag noong gabi ng unang Pasko. Kung nagmula sa buwan ang liwanag noong gabi ng unang Pasko, ang nasabing gabi ay magiging isang karaniwang gabi lamang. Subalit, ang gabi ng unang Pasko ay hindi isang karaniwang gabi. Ang liwanag ng nasabing gabi ay nagmula sa isang 'di inaaasahang ilaw.
Isiniwalat kung saan ang hindi pangkaraniwang liwanag noong gabi ng unang Pasko ay nagmula sa mga Pagbasa para sa Hatinggabi ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, ang biyayang ipagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa takdang panahon ay inilarawan ni Propeta Isaias. Hindi pangkaraniwan ang kaloob na ito. Ang kaloob na ito ay isang sanggol na lalaki. Sa Salmong Tugunan, ipinakilala kung sino ang nasabing sanggol na lalaki. Ang nasabing sanggol na lalaki ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na hinintay ng bayang Israel sa loob ng mahabang panahon. Sa Ikalawang Pagbasa, ang dulot ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo. Kaligtasan at liwanag ang kaloob ng Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa tanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang lahat ng mga anghel sa langit ay nagsiawitan matapos ibalita sa mga pastol na isinilang ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno.
Ang liwanag noong gabi ng unang Pasko ay hindi pangkaraniwan. Hindi ito nagmula sa buwan. Bagkus, nagmula ito sa isang 'di pangkaraniwang ilaw. Ang ilaw na ito ay walang iba kundi ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem. Katunayan, Siya mismo ay ang tunay na liwanag. Sa pamamagitan Niya, dumating sa sansinukob ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.
Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang gabi ng unang Pasko ay naging hindi pangkaraniwan. Ang karaniwan ay ginawa Niyang hindi pangkaraniwan. Ito ang natatanging dahilan kung bakit taun-taon natin itong ginugunita at ipinagdiriwang nang buong ligaya. Marami mang taon at siglo ang lumipas magmula noong nangyari ito (nakatatak na nga ito sa kasaysayan), patuloy pa rin natin itong gugunitain at ipagdiriwang nang buong ligaya taun-taon bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag dahil sa Kaniya.
Sa pamamagitan ng pagsilang ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, dumating ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa sansinukob. Ang Kaniyang liwanag ay sumasalamin sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil dito, naging 'di pangkaraniwan ang gabi ng unang Pasko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento