Sabado, Nobyembre 2, 2024

NAIS BA NATIN SIYA MAKAPILING?

29 Nobyembre 2024 
Biyernes ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Pahayag 20, 1-4. 11-21, 2/Salmo 83/Lucas 21, 29-33 


Ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa tagumpay ng Diyos sa wakas ng panahon. Sa huling digmaan sa pagitan ng Diyos at ng demonyong si Satanas, ang Diyos ay mananaig sa huli. Matapos magtagumpay ang Diyos laban sa demonyo, ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli ay makakapiling Niya sa bagong langit at bagong lupa. Tunay na pagbabago ang dulot ng tagumpay ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nagsalita tungkol sa Kaniyang muling pagdating sa wakas ng panahon. Darating Siya bilang maluwalhating Hari at Hukom. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay babalik sa wakas ng panahon bilang dakilang Hari at Hukom. Ang lahat ng mga mananatiling tapat sa Panginoong Jesus Nazareno hanggang sa huli ay Kaniyang ililigtas. Gagawin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang mga bagay na inilarawan sa Unang Pagbasa. 

Inilarawan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang ugnayan ng mga salita ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa mga bagay na nakita ni Apostol San Juan sa pangitaing kaniyang inilahad sa Unang Pagbasa. Nais ng Diyos na makapiling sa maluwalhati Niyang kaharian ang lahat magpakailanman. Iyon nga lamang, hindi Niya ito magawa sapagkat mayroon ring kalayaan ang bawat tao na magpasiya para sa kani-kanilang mga sarili. 

Walang ibang hangarin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi makapiling tayo magpakailanman. Kung ito rin ang ating naisin, dapat nating tahakin ang landas ng kabanalan bilang paghahanda para sa pamumuhay kasama Niya magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento