Linggo, Nobyembre 3, 2024

PAG-ASANG DULOT NG KANIYANG PAGDATING

1 Disyembre 2024 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36


Ang bawat Liturhikal na Taon ay laging sinisimulan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpasok sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tiyak na kilala ng nakararami sa tawag na Adbiyento. Sa panahong ito ng Adbiyento, isinasalungguhit ang halaga ng mataimtim at puspusang paghihintay at paghahanda para sa pagdating ni Kristo. 

Sa panahong ito, ang Simbahan ay nakasentro sa dalawang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas at ang Kaniyang ikalawang pagdating bilang Hari at Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao na magaganap sa wakas ng panahon. Noong una Siyang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan, dumating si Kristo bilang isang munting sanggol na lalaki na ipinanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Buong galak itong ginugunita ng Inang Simbahan tuwing sasapit ang ika-25 araw ng Disyembre taun-taon. Subalit, hindi lamang iyon ang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa panahong ito. Nakatuon rin ang Simbahan sa ikalawang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang maluwalhating Hari at Hukom na magaganap sa wakas ng panahon sa panahong ito. Hindi man natin alam ang eksaktong araw at oras kung kailan magaganap ito, tayong lahat, bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan, ay naniniwalang babalik muli sa wakas ng panahon ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom. 

Bagamat ang Kaniyang ikalawang pagdating ay hindi magiging katulad ng Kaniyang unang pagdating, ang isinagawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno noong una Siyang dumating ay muli Niyang isasagawa sa Kaniyang ikalawang pagdating. Magiging iba nga lamang ang paraan nito. Subalit, kung ano ang Kaniyang isinagawa noong una Siyang dumating, iyon pa rin ang Kaniyang gagawin sa Kaniyang muling pagdating sa mundong ito. Ito'y walang iba kundi ang maghatid ng kaligtasan, tuwa, galak, at pag-asa sa tanan. Noong una Siyang pumarito sa mundong ito, ginawa ito ng Panginoong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Sa muling pagparito ng Poong Jesus Nazareno sa lupa, muli Niya itong gagawin bilang dakilang Hari at Hukom sa pamamagitan ng pagligtas sa lahat ng magpapasiyang manatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. 

Nakatuon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito sa pag-asang hatid ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa Unang Pagbasa, ipinangako ng Panginoong Diyos na darating ang Mesiyas upang iligtas ang Kaniyang bayan. Ang mga salitang ito mula sa Panginoong Diyos na inilahad ng propetang si Jeremias ay mga salitang naghahatid ng pag-asa. Isa lamang ang dahilan kung bakit nagbitiw Siya ng ganitong uri ng pangako - nais ng Panginoong Diyos na magbigay ng pag-asa sa Kaniyang bayan. 

Ipinaalala ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na isa lamang ang nagdudulot ng tunay na pag-asa sa tanan. Ang Diyos lamang ang nagdudulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Katunayan, Siya pa nga mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi ito matatagpuan o masusumpungan sa mundo. Bagkus, matatagpuan lamang natin sa Panginoong Diyos ang tunay na pag-asa.

Gaya ng pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias nang buong linaw sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagbitiw ng mga salitang nagbibigay ng pag-asa sa mga apostol sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagsasalita sa mga apostol tungkol sa Kaniyang ikalawang pagdating sa salaysay na itinampok sa Mabuting Balita, ang Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng pag-asa sa Kaniyang mga tagasunod. 

Hindi ikinahiya ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pag-asa sa Panginoong Diyos. Katunayan, buong pananalig pa nga niyang ipinagmalaki na sa Panginoong Diyos lamang nagmumula ang kaniyang pag-asa. Sa kabila ng iba't ibang mga hirap, pagsubok, tiisin, at sakit sa buhay dito sa mundo, puspos pa rin siya ng pag-asa, galak, at tuwa dahil sa Panginoong Diyos. 

Walang balak magdulot ng sindak, takot, at pangamba sa lahat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang Kaniyang dulot sa lahat ay kaligtasan at pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento