Biyernes, Disyembre 6, 2024

KALINISAN AT KALAYAANG DULOT NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

28 Disyembre 2024 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18 


Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang ika-28 ng Disyembre, ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na Walang Kamalayan, mga martir. Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Inang Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa dugo. Marahil mayroong mga magtataka kung bakit ang nasabing Kapistahan ay ipinagdiriwang sa panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno. Taliwas ito sa masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan. 

Ang salaysay ng madugong kaganapang itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Isa lamang ang dahilan kung bakit dumanang ang dugo ng mga batang lalaki sa Betlehem. Dumanak ang dugo ng mga nasabing batang lalaki dahil kay Haring Herodes na ayaw bumitaw sa kaniyang kapangyarihan. Nang marinig niyang isinilang ang tunay na Haring si Jesus Nazareno, hindi siya natuwa. Bagkus, labis siyang nataranta sa balitang ito. Para sa kaniya, si Jesus Nazareno ay isang banta sa kaniyang pagkahari. Handa siyang gawin ang lahat upang mawala ang lahat ng mga banta laban sa kaniyang pagkahari.

Sa halip na buksan ang kaniyang puso at isipan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tunay na Hari at ang bukal ng tunay na pag-asa, ipinasiya ni Haring Herodes na patigasin ang kaniyang puso at isipan. Para kay Haring Herodes, isa lamang karibal at kaagaw sa trono ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Handa siyang gawin ang lahat upang ang mga banta sa kaniyang trono tulad na lamang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay mawala nang tuluyan. Ito ang dahilan kung bakit si Haring Herodes ay gumamit ng kamay na bakal. 

Isinentro ni Apostol San Juan ang kaniyang pangaral sa Unang Pagbasa sa pag-asang dulot ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ang Dugo ng Poong Jesus Nazareno ay naghahatid ng pag-asa sa pamamagitan ng paglilinis at pagligtas sa atin mula sa kasalanan. Sa Salmong Tugunan, inihalintulad sa mga ibong nakalaya mula sa mga tanikala ang bayan ng Diyos. Dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinasiyang linisin, iligtas, at palayain tayo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Dugo ng Poong Jesus Nazareno. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang pintuan ng ating mga puso at isipan ay hindi dapat isara sa Kaniya. Maging bukas nawa tayo sa biyaya ng Kaniyang paglilinis at pagligtas sa atin mula sa kasalanan. Sa pamamagitan ng pagliligtas at pagligtas sa atin mula sa kasalanan, ipinapaalala sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na Siya lamang ang tangi nating maaasahan. Kaya, sa Kaniya tayo dapat maging tapat. 

Nais tayong linisin, dalisayin, iligtas, at palayain ng Poong Jesus Nazareno. Ano ang ating tugon sa Kaniya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento