27 Disyembre 2024
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-4/Salmo 96/Juan 20, 2-8
Larawan: Pasqualino di Niccolò (1463–), The Virgin and Child with SS. Mary Magdalene, John the Evangelist, Joseph (?), an Unidentified Saint and the Donor (c. 1502), National Gallery Prague, Public Domain.
Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang ika-27 ng Disyembre, ang nasabing araw ay inilaan ng Inang Simbahan para sa Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita. Sa tuwing ipinagdiriwang ng Inang Simbahan ang Kapistahang ito, itinutuon ang ating mga pansin sa tunay, tapat, at dalisay na pag-ibig para sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa Libingang Walang Laman. Agad na tumakbo patungo sa libingan ng Panginoong Jesus Nazareno sina Apostol San Pedro na hinirang at itinalaga upang maging unang Santo Papa ng Simbahan at si Apostol San Juan na nagpakilala bilang alagad na minamahal ng Panginoon. Nasusulat rin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na si Apostol San Juan ay naniwala agad na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Poong Jesus Nazareno nang makita ang mga kayong lino na ginamit bilang pambalot sa bangkay ng Mahal na Poon. Tunay at dalisay na pag-ibig para sa Panginoong Jesus Nazareno ang umudyok kay Apostol San Juan na maniwala agad sa Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno.
Ipinaliwanag naman ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa kung ano ang kaniyang misyon bilang apostol at misyonero. Ang kaniyang misyon at tungkulin ay ipakilala sa lahat kung sino ang dapat mahalin ng lahat nang buong katapatan hanggang sa huli. Si Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, ay ang dapat nating mahalin nang taos-puso hanggang sa huli. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan, Siya mismo ang dahilan kung bakit nagagalak ang mga masunuri't matapat sa Kaniya.
Tayong lahat ay pinaaalalahanan sa araw na ito kung sino ang dapat nating ibigin nang may taos-pusong katapatan at pananalig hanggang sa huli - ang Panginoong Jesus Nazareno na Siyang bukal ng tunay na pag-asa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento