Sabado, Disyembre 7, 2024

PILIIN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

31 Disyembre 2024 
Ikapitong Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
Unang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 2, 18-21/Salmo 95/Juan 1, 1-18 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito na napapaloob sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang ay nakasentro sa dapat nating piliin. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahan, mayroon tayong dapat piliin sa lahat ng oras. Isa lamang ang dapat nating piliin at pagkatiwalaan. Sa Kaniya lamang natin dapat ipagkatiwala ang lahat ng bagay ng nauukol sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagbigay ng babala sa lahat laban sa mga anti-Kristo. Walang ibang hangarin ang mga anti-Kristo kundi ang ikapapahamak ng lahat ng mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo. Upang ang hangaring ito ay maisakatuparan, lilinlangin nila tayo. Gagamitin nila ang Poong Jesus Nazareno upang manlinlang at manamantala. 

Ipinakilala ni San Juan sa Ebanghelyo ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Panginoong Jesus Nazareno ay ang tunay na Diyos na kusang-loob na nagpasiyang dumating sa daigdig upang tayong lahat ay tubusin at palayain mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Hindi Niya hangad ang ating kapahamakan. Bagkus, ang tanging hangarin ng Salitang nagkatawang-taong si Jesus Nazareno ay ang ating kaligtasan at kalayaan. 

Tayong lahat ay inaanyayahan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na magalak at magdiwang. Ang Verbong nagkatawang-tao na walang iba kundi si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay ang dahilan kung bakit tayong lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ay dapat magalak at magdiwang. Siya ang ating pag-asa. 

Bilang mga Kristiyano, isa lamang ang dapat nating piliin at pagkatiwalaan sa bawat sandali ng ating buhay. Ang dapat nating piliin at pagkatiwalaan sa lahat ng oras ay walang iba kundi ang bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao alang-alang sa atin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento