1 Enero 2025
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalo at Huling Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Kapayapaan
Ikalawang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
Larawan: Bartolomé Esteban Murillo (1617–1682), Virgin and Child (c. 17th century), National Museum of Fine Arts of Cuba, Public Domain.
Ang isang panibagong taon sa sekular na kalendaryo ay nagsisimula sa unang araw ng buwan ng Enero. Sa Liturhikal na Kalendaryo, ang kalendaryo ng Santa Iglesia, ang unang araw ng buwan ng Enero ay isang napakahalagang petsa dahil ito ang petsang inilaan para sa isang mahalagang pagdiriwang na walang iba kundi ang maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Verbong nagkatawang-tao na si Kristo, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay kinikilala natin bilang Ina ng Diyos. Iyan ay dahil hinirang at itinalaga ng Diyos si Maria upang maging ina ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Kristo.
Kung sasaliksikin natin nang mabuti ang titulong Ina ng Diyos, matutuklasan nating hindi sa Mahal na Birheng Maria nakasentro ang titulong ito. Nakasentro ang titulong ito ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang Anak na si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang Anak niyang si Jesus Nazareno ay tunay na Diyos at tunay na tao. Bagamat tunay na Diyos, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang maging isang tunay na tao alang-alang sa ating lahat. Dahil dito, isinilang si Jesus Nazareno ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko.
Layunin ng Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong ringal sa araw na ito ay ituro sa atin kung kanino tayo dapat umasa. Itinuturo rin ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa bawat isa sa atin. Sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno tayo dapat umasa. Wala ni isa man sa lahat ng mga umasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na nabigo dahil sa Kaniya. Hinding-hindi Niya tayo tatalikuran at pababayaan. Maaasahan natin Siya sa bawat sandali ng ating buhay.
Sa Unang Pagbasa, ang pagiging mahabagin, maawain, at mapagpala ng Panginoong Diyos ay buong linaw Niyang isinalungguhit sa rito ng pagbabasbas na ibinigay Niya kay Moises upang ipagamit sa kapatid niyang si Aaron at sa kaniyang mga anak sa pagbebendisyon sa mga Israelita. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Tunay ngang mapagpala, maawain, at mahabagin ang Diyos. Nakatuon naman sa pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa tanan ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Inilahad naman sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagdalaw ng mga pastol sa Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Nakita ng mga pastol na ito na nagpasiyang tumungo sa Betlehem upang dalawin ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa tanan. Nahayag sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, ang tunay na Haring walang hanggan at ang ipinangakong Mesiyas, ang kadakilaan ng habag at awa ng Diyos.
Nais ng Diyos na umasa tayo sa Kaniya. Ito ang tanging dahilan kung bakit hindi Niya ipinagkakait sa ating lahat ang Kaniyang awa, habag, at pagpapala. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan at hinihikayat ng Diyos na umasa sa Kaniya. Wala Siyang ibang hangad kundi ang ating ikabubuti. Dahil dito, laging ipinapakita ng Diyos sa atin ang Kaniyang pagiging maawain, mahabagin, at mapagpala.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno, dapat tayong umasa sa Kaniya. Lagi nating maaasahan sa bawat sandali ng ating pamumuhay at paglalakbay dito sa mundong ito na pansamantala lamang ang Mahal na Poon. Tayong lahat ay hindi Niya bibiguin, tatalikuran, iiwanan, at pababayaan kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento