Biyernes, Enero 31, 2025

ANG DAPAT NATING IPAKILALA

1 Pebrero 2025
Ika-37 Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Nazareno 
Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Hebreo 11, 1-2. 8-19/Lucas 1/Marcos 4, 35-41


"Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?" Ito ang mga salitang binigkas ng mga apostol matapos nilang masaksihan kung paanong pigilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang unos. Ang mga apostol ay namangha nang makita nila kung paanong pinatahimik ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang matinding bagyo. Hindi nila akalaing pati ang kalikasan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Nazareno. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tanong na ito ng mga apostol hingil sa pagkakilanlan ng Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo. Ang Nazarenong ito ay hindi isang hamak na salamangkero. Katunayan, hindi kayang gawin ng sinumang salamangkero ang Kaniyang ginawa sa Ebanghelyo. Bagkus, ang Nazarenong ito ay ang Bugtong na Anak ng Diyos. Dahil diyan, pati ang kalikasan ay Kaniyang napasunod. Sumunod ang kalikasan sa Kaniya sapagkat Siya mismo ang lumikha sa kalikasan. 

Nakasentro sa pananalig sa Diyos ang tampok na pangaral sa Unang Pagbasa. Ang ama ng pananampalatayang si Abraham ay itinampok sa pangaral sa Unang Pagbasa bilang huwaran ng taos-pusong pananalig sa Diyos. Sa kabila ng mga mahihirap na sitwasyon sa buhay, ipinasiya pa rin ni Abraham na manalig at umasa sa Diyos. Kahit hindi madaling unawain ang mga sitwasyong kaniyang hinarap sa buhay, nanalig at umasa pa rin si Abraham sa Diyos. 

Tampok sa Salmong Tugunan ang mga salita mula sa Magnificat, ang Awit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Buong isinalungguhit sa mga salitang ito na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay dapat panaligan at asahan sa lahat ng oras. Hindi Siya nambibigo.

Kay Jesus Nazareno tayo manalig. Sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Tunay nga Siyang maaasahan. Ipagmalaki natin ito sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento