Lunes, Marso 3, 2025

WALANG BINIBIGO ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

9 Marso 2025 
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13 

Tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma taun-taon, laging itinatampok ang salaysay ng pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang sa Ebanghelyo. Sa kabila ng matinding pagkagutom at kahinaan ng Kaniyang Katawan dulot ng matinding pag-aayuno sa ilang sa loob ng 40 araw, ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nagpatalo sa demonyo. Hindi Siya bumigay sa mga tukso ng demonyo. Bagkus, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na manatiling tapat sa kalooban ng Amang nasa langit. Pinili ng Poong Jesus Nazareno na maging masunurin sa Amang nasa langit, gaano mang kahirap gawin ito. 

Layunin ng Inang Simbahan sa pamamagitan ng palagiang pagtatampok sa salaysay ng pagtukso sa Poong Jesus Nazareno sa ilang tuwing sasapit ang Unang Linggo ng Kuwaresma taun-taon ay isalungguhit kung kanino tayo dapat umasa. Ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ay dapat nating asahan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang huwag magpadaig at magpatalo sa demonyong tumutukso sa Kaniya, tayong lahat ay tinuturuan at pinaalalahanan ng Poong Jesus Nazareno na huwag isuko ang ating pananalig at pag-asa sa Diyos. Huwag na huwag nating ipagpalit ang Diyos. Sa Diyos lamang tayo dapat manalig at umasa bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa pagiging maaasahan ng Diyos ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Moises sa pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos sa bawat sandali at oras ang kaniyang pahayag sa mga Israelita. Inutusan ni Moises ang mga Israelita na banggitin ang pagligtas ng Panginoong Diyos sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto sa kanilang saysay habang inilalagay ng mga saserdote ang kanilang mga handog sa dambana. Buong linaw ring isinalungguhit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos. Hindi Siya nagpapabaya. Sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa mundo, palagi Niya silang ipinagsasanggalang, tinutulungan, ginagabayan, at sinasamahan. Patunay lamang ito na lagi Siyang maaasahan ng lahat. Tinalakay rin ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang pagiging maaasahan ng Diyos. Walang binibigo ang Panginoong Diyos. Lagi Siyang maaasahan. 

Ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. Siya lamang ang makapagdudulot ng tunay na pag-asa dahil ang biyayang ito ay nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil dito, lagi natin Siyang maaasahan. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, sa Diyos tayo dapat manalig at umasa sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa. Ipagkatiwala natin sa Kaniya ang lahat ng nauukol sa atin. Ang araw-araw nating pamumuhay ay dapat maging patunay na sa Diyos lamang tayo nananalig at umaaasa nang buong puso. 

Linggo, Marso 2, 2025

DAHIL NAIS NIYANG MAGHATID NG PAG-ASA

7 Marso 2025 
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Isaias 58, 1-9a/Salmo 50/Mateo 9, 14-15 


"Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na Siya, saka pa lamang sila mag-aayuno" (Mt 9:15). Ito ang tugon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanong ng mga alagad ni San Juan Bautista tungkol sa pag-aayuno sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo. Nakasentro sa sagot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanong ng mga tagasunod ng Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista tungkol sa pag-aayuno sa wakas ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Katunayan, ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay napakaikli. Subalit, sa kabila ng ikli nito, mayroon pa rin tayong mapupulutang aral. 

Ang mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa tanong ng mga tagasunod ng Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista tungkol sa pag-aayuno sa wakas ng napakaikling salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay isang napakaikling paliwanag kung bakit Siya naparito sa lupa. Pumarito Siya sa lupa upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Inilarawan rin Niya sa mga salitang ito kung papaano Niya ito isasagawa. Matatagpuan at masusumpungan lamang sa piling ng Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asa. Dahil dito, puno ng kaligayahan ang mga alagad. Subalit, darating ang oras na mapupuspos ng hapis at dalamhati ang Kaniyang mga alagad sapagkat hindi nila Siya makakapiling, gaya ng buong linaw na ipinahayag ng mga propeta sa Lumang Tipan. Nangyari nga ito noong unang Biyernes Santo. Sa kadiliman ng gabi, ang Poong Jesus Nazareno ay dinakip sa Halamanan ng Hetsemani. 

Isang napakalinaw na pahiwatig kung ano ang Kaniyang haharapin at dadanasin ang mga salitang binigkas ni Jesus Nazareno sa mga tagasunod ni San Juan Bautista sa wakas ng napakaikling salaysay sa Ebanghelyo. Buong linaw Niyang ipinahiwatig sa Kaniyang tugon sa tanong ng mga alagad ni Juan Bautista tungkol sa pag-aayuno na darating ang oras kung kailan mawawala Siya sa piling ng Kaniyang mga minamahal na alagad. Dadakipin Siya ng Kaniyang mga kaaway at magbabata Siya ng maraming hirap at sakit hanggang sa mamatay Siya sa Krus alang-alang sa sangkatauhan. 

Kahit na hindi kinailangang isagawa ito ni Jesus Nazareno, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang isagawa ito dahil sa Kaniyang habag at awa. Dahil sa Kaniyang habag at awa, si Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit. Sa pamamagitan nito, idinulot Niya sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Bilang tugon sa isinagawa ng Panginoong Jesus Nazareno alang-alang sa atin, dapat handugan natin Siya ng mga pusong tapat, dalisay, at busilak. Ito ang buong linaw na isinalungguhit sa pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ng Kaniyang propetang dakila na si Isaias sa Unang Pagbasa at ng mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Maging bukas tayo sa tunay na pag-asang Kaniyang kaloob. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay ating pahintulutang baguhin ang ating mga puso at sarili upang maging kalugud-lugod tayo sa paningin ng Diyos. 

Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan kung gaano katindi ang mga hirap, sakit, at pagdurusang kinailangang harapin at batain ni Jesus Nazareno maidulot lamang sa bawat isa sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Subalit, sa kabila nito, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang isagawa dahil tunay nga Siyang mahabagin, maawain, at mapagmahal. 

Sabado, Marso 1, 2025

BUMALIK SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

5 Marso 2025 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6.16-18 


Ang Miyerkules ng Abo ay ang unang araw ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kuwaresma. Sa pagsapit ng banal na panahong ito taun-taon, itinutuon ang ating pansin sa halaga ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Inilaan ang panahong ito sa pakikipagkasundo sa Diyos na lubusan tayong minamahal sa kabila ng paulit-ulit nating pagsuway sa Kaniya. Dahil tayong lahat ay tunay nga Niyang iniibig at kinahahabagan nang lubusan, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Habang nagpapatuloy ang ating pansamantalang paglalakbay dito sa lupa, lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya. Mayroong pag-asa para sa atin dahil ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Nakasentro sa halaga ng pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos, binubuksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ito ang dahilan kung bakit nakasentro sa pagbabalik-loob sa Panginoon ang Kuwaresma. Katunayan, ito ang panawagan ng Inang Simbahan para sa atin sa panahong ito. Ang Kuwaresma o ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay inilaan upang imulat muli ang ating mga sarili sa katotohanang nagmumula lamang sa Panginoong Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asa.  

Inilahad ni Propeta Joel ang panawagan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Ang panawagan ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan ay magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Matapos ilahad ang nasabing panawagan, ipinaliwanag ni Propeta Joel sa bayan ng Diyos kung bakit ipinasiya itong gawin ng Diyos. Dahil sa Kaniyang habag at awa, nanawagan ang Diyos sa Kaniyang bayang hinirang na magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. Katunayan, isinalungguhit ng Unang Pagbasa ang ugnayan ng habag at awa ng Diyos sa tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Ang biyaya ng tunay na pag-asang kaloob ng Diyos ay bunga ng dakila Niyang habag at awa. Dahil dito, ang Diyos ay ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Pinatotohanan ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kadakilaan ng habag at awa ng Diyos. Dahil sa habag at awa ng Panginoong Diyos, tayong lahat ay mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kaniya. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito dahil sa dami ng ating mga kasalanang nagawa laban sa Kaniya, ang Panginoong Diyos ay hindi tumitigil sa pagkakaloob ng biyayang ito sa atin habang patuloy tayong namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa daigdig na ito. 

Hindi dapat ipagpaliban ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito ang paalala ni Apostol San Pablo sa lahat ng mga Kristiyano sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Pansamantala lamang tayo mamumuhay at maglalakbay dito sa lupa. Mayroong hangganan ang ating buhay sa lupa. Dahil dito, ang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ay kailangan nating gawin agad. Buksan natin agad ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin ay hindi dapat balewalain kailanman. 

Buong linaw na inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging taos-puso. Ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nalulugod sa mga taos-puso. Hindi mga alagad ng sining o mga payaso ang hanap Niya. Mga pusong tapat at dalisay ang Kaniyang hinahanap. Katunayan, ito ang pakiusap Niya para sa ating lahat. Pinakikiusapan tayong maging taos-puso tayo sa pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya na kusang-loob naman Niyang ipinagkakaloob sa atin. 

Layunin ng Simbahan sa tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma na tayong lahat ay tulungang maging mulat muli sa katotohanang nagmumula lamang sa Diyos ang tunay na pag-asa. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos, namumuhay sa mundong ito ang bawat isa sa atin. Kaya naman, ang Diyos ay dapat handugan ng isang pusong tapat at busilak. Buksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang Kaniyang kaloob. Gawin natin ito nang taos-puso.