Martes, Marso 31, 2026

ANG KADAKILAAN NG TAGAPAWI NG MGA LUHA

7 Abril 2026 
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18


Tunay na pagbabago ang dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ang aral na buong linaw na isinasalungguhit sa mga Pagbasa. Ang lahat ng mga iniibig at kinahahabagan Niya nang lubusan ay dinudulutan Niya ng tunay na pagbabago. Nais Niyang gawing banal at dakila ang mga iniibig at kinahahabagan Niya. Subalit, hindi pinipilit ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang bawat isa na ang biyayang ito ay tanggapin. Mayroong kalayaan ang bawat isa sa atin na tanggapin ito. 

Sa Unang Pagbasa, ipinasiya ng mga nakarinig sa pangaral ng unang Santo Papa na walang iba kundi si Apostol San Pedro na ang biyaya ng pagbabagong idinudulot ng buong galak at giting niyang pinatotohanan na walang iba kundi ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay tanggapin nang taos-puso. Bukal sa puso ang kanilang pasiya. Hindi sila napilitang gawin yaon. Ang tunay na pagbabagong ito ay naidulot rin kay Santa Maria Magdalena sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Nagpakita sa kaniya sa labas ng libingan ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Pinawi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang mga luha ni Santa Maria Magdalena. 

Inihayag sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na idulot ang tunay na pagbabago sa bawat isa sa atin. Puno Siya ng pag-ibig at awa para sa bawat isa sa atin. Dahil dito, nais ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na gawin tayong banal at dakila. 

Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, dapat nating tanggapin nang taos-puso ang pagbabagong Kaniyang dulot sa atin. Pahinutulutan natin Siya na baguhin ang ating buhay nang sa gayon ay makapagpatotoo tayo tungkol sa Kaniya nang may galak at giting sa ating mga puso at loobin. Taos-pusong pagdakila ang handog sa Kaniya ng mga sumasaksi sa Kaniya nang buong galak at giting. 

Sabado, Marso 28, 2026

GALAK AT GITING NA DULOT NG ATING DINARAKILA

6 Abril 2026 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15


Ang unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro ay nagpatotoo sa mga tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno taglay sa kaniyang puso at loobin ang kagitingang idinulot sa kaniya ng Espiritu Santo noong sumapit ang araw ng Pentekostes sa salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Wala siyang kinatatakutan sa mga sandaling yaon. Bagkus, nagpatotoo siya nang buong giting sa harap ng maraming tao tungkol sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita rin sa mga apostol, gaya ng Kaniyang ginawa para sa mga babaeng dumalaw sa libingan sa Ebanghelyo. 

Itinuturo ng Inang Simbahan sa bawat isa sa atin sa araw na ito na hindi tayo dapat matakot sumaksi sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay dapat sumaksi sa Kaniya nang buong giting sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang mga sumasaksi sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng mga salita at gawa nang buong giting sa bawat sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Sa pamamagitan ng palagiang pagdakila sa Kaniya nang taos-puso, buong linaw nilang ipinapahayag ang kanilang katapatan sa Kaniya. 

Bilang mga magigiting na saksi ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, dapat isabuhay ng bawat isa sa atin ang mga salita sa Salmong Tugunan. Taglay sa puso at loobin ng bawat isa sa atin ang kagitingan at galak na Kaniyang kaloob, dapat nating dakilain ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya nang buong katapatan. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, ito ay ating magagawa. Lagi Niya tayong tatangkilikin, iingatan, at papatnubayan, gaya ng nakasaad sa Salmong Tugunan. Kaya naman, wala tayong dapat ikatakot.

Hindi tayo dapat matakot sumaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dapat tayong sumaksi sa Kaniya nang buong galak at kagitingan bilang tanda ng ating katapatan sa Kaniya. Ipakilala at ipagmalaki natin Siya at ibahagi ang mga biyayang kaloob Niya sa kapwa. Magagawa natin ito araw-araw sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Sa pamamagitan nito, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay ating dinarakila nang taos-puso. 

Biyernes, Marso 27, 2026

BUONG GALAK NATING DAKILAIN ANG NAGKAMIT NG TAGUMPAY

5 Abril 2026 
Araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9


Nang sumapit ang ikatlong araw, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay lumabas mula sa Kaniyang Banal na Libingan taglay ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. Hindi Siya nanatiling patay. Walang laban sa Kaniya ang mga puwersa ng kadiliman at kamatayan. Tinalo Niya ang mga puwersang ito. Sa pamamagitan nito, ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ay nahayag. 

Ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Ang araw na ito ay isang araw ng pagbubunyi at pagdiriwang. Taglay ang biyaya ng tunay na galak na dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, dapat tayong magdiwang. Walang laban ang kamatayan sa Kaniya. Hindi kinaya ng kamatayan na panatilihing bangkay ang Panginoong Jesus Nazareno. Tinalo ng Panginoong Jesus Nazareno ang kamatayan. Bumangon Siya nang matagumpay at lumabas mula sa libingan.

Buong giting na nagpatotoo sa bahay ni Cornelio ang unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro tungkol sa Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa Unang Pagbasa. Nakatuon sa biyaya ng bagong buhay na dulot sa atin ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Katunayan, nakatuon rin sa nasabing biyaya na tunay ngang dakila ang pangaral ni Apostol San Pablo na sa alternatibong Ikalawang Pagbasa. Ang pagkatuklas sa libingang walang laman ay isinalaysay sa Ebanghelyo. Patunay ito na tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Tapos na ang panahon ng pagluluksa, hapis, at dalamhati. Sumapit na ang panahon upang magbunyi at magdiwang nang buong galak. Nagwagi ang Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Pinawi Niya ang mga sakit, luha, dalamhati, hapis, at pagtangis. Ang mga sakit, luha, dalmhati, hapis, at pagtangis ay Kanyang pinalitan ng galak at tuwa. Handugan natin Siya ng taos-pusong pagdakila taglay sa mga puso at loobin natin ang biyaya ng tunay na galak at tuwa. Kasama natin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY! ALELUYA! 

Huwebes, Marso 26, 2026

WALANG HANGGAN ANG KANIYANG KADAKILAAN

4 Abril 2026 
Sabado de Gloria: 
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 104 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10 

Hindi nanatili sa loob ng libingan ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Bagkus, nang ang ikatlong araw ay sumapit, muli Siyang nabuhay. Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay buong galak na nagbubunyi at nagdiriwang. Puspos tayo ng galak at tuwa dahil nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Ang Kaniyang kadakilaan bilang tunay na Diyos ay nahayag sa pamamagitan nito. 

Gaya ng buong linaw na winika ng anghel na nakaupo sa ibabaw ng batong nakatakip sa banal na libingan sa dalawang Mariang tumungo roon, ang Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno ay ang katuparan ng mga salitang binigkas Niya nang buong linaw tungkol sa Kaniyang sarili (Mateo 28, 6). Pinatunayan Niya sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw ang mga salitang Kaniyang binigkas tungkol sa Kaniya. Hindi Siya nagsinungaling tungkol sa Kaniyang sarili kahit kailan. Bagkus, ang mga sinabi Niya tungkol sa Kaniyang sarili ay totoo. 

Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, nahayag ang walang maliw at kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos. Hindi magmamaliw ang kadakilaan ng Diyos. Mananatili ang kadakilaan ng Diyos magpakailanman. Ito ay pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, buong galak at tuwa nating ipagbunyi at ipagdiwang ang dakilang tagumpay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nahayag sa pamamagitan ng dakilang tagumpay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang walang hanggan at kahanga-hangang kadakilaan. Buong linaw Niya itong inihayag sa buong santinakpan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong tunay na galak at tuwa. 

MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY! ALELUYA!

Larawan: Guido Reni (1575–1642), Le Christ réssuscité. Museum of Fine Arts of Nancy. CC BY-SA 3.0.

Miyerkules, Marso 25, 2026

DAKILANG PAG-IBIG

3 Abril 2026 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


Hindi karaniwan ang mga naganap noong sumapit ang unang Biyernes Santo. Buong linaw na isinalungguhit ng mahabang salaysay ng mga kaganapang ito na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang katotohanang ito. Katunayan, kung ating papansining mabuti at maigi, ang haba ng salaysay ng mga nasabing kaganapan na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ay dalawang buong kabanata. Ang katangiang ito ng nasabing salaysay ay isang malinaw na pahiwatig nito. Mayroong naganap na hindi karaniwan noong sumapit ang unang Biyernes Santo. 

Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ipinakilala sa propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa bilang isang lingkod na magbabata ng maraming hirap at pagdurusa. Inilarawan sa mahabang salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung paano natupad ang propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Nang sumapit ang unang Biyernes Santo, namatay sa Krus na Banal ang Kordero ng Diyos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Sa paghahandog ng buong sarili ng Nazarenong si Kristo Hesus sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok na tinatawag na Golgota o Kalbaryo nakasentro ang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. 

Bagamat alam ng Poong Jesus Nazareno na kailangan Niyang magbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa, gaya ng nasasaad sa propesiyang itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at tuparin ang Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi naman Niya kailangang maging Mesiyas at Manunubos. Kung tutuusin, hindi naman mahalaga sa Kaniya ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Mga abo lamang sila. Walang mawawala sa Kaniya kung mapahamak silang lahat dahil lugmok sila sa kasalanan. Subalit, kahit na lugmok sa kasalanan ang sangkatauhan magmula sa sandaling sinuway nina Adan at Eba ang utos na ibinigay ng Diyos sa kanila sa Halamanan ng Eden, ipinasiya pa rin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na ipahayag sa lahat ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagligtas sa sangkatauhan. 

Sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa mundo habang nakabayubay sa Krus sa bundok ng Kalbaryo, ang mga salita sa Salmong Tugunan ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno (Salmo 30, 6; Lucas 23, 46). Matapos Niyang ialay ang buo Niyang sarili sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo bilang Kordero ng Diyos, binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito. Nakiusap Siya sa Amang nasa langit na tanggapin at kalugdan ang Kaniyang ginawa bilang Kordero ng Diyos. 

Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiya maging Mesiyas at Manunubos na ipinangako - ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil tunay nga Niya tayong iniibig, ipinasiya Niyang maging ating Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipinasiya Niyang ialay sa kahoy ng Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo ang buo Niyang sarili. Hindi napilitan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kusang-loob Niya itong ginawa. 

Para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang sangkatauhan ay napakahalaga. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang maging Mesiyas at Manunubos na ipinangako. Sa kabila ng pagkalugmok ng sangkatauhan sa kasalanan, iniibig at pinahahalagahan pa rin Niya sila. Kaya naman, bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, inalay Niya sa Krus na Banal ang Kaniyang buong sarili. Ang Mesiyas at Manunubos ay kilala rin sa tawag na Kordero ng Diyos dahil sa Kaniyang ginawa alang-alang sa atin. Nahayag sa buong santinakpan sa pamamagitan nito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. 

Martes, Marso 24, 2026

SA PAMAMAGITAN NG PAGHAHANDOG NG BUONG SARILI, NAHAYAG ANG KANIYANG KADAKILAAN

2 Abril 2026 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


"Mahal [ni Kristo Hesus] ang Kaniyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo'y ipakikita Niya kung hanggang saan ang Kaniyang pag-ibig sa kanila" (Juan 13, 1). Ang liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa takipsilim ng Huwebes Santo ay nakatuon sa mga salitang ito mula sa pambungad ng salaysay ng paghugas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga paa ng mga apostol na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo para sa nasabing liturhiya. Sa kabila ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagpasiya pa ring bumaba sa daigdig upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kaniyang Misteryo Paskwal. Nahayag nang buong linaw sa pamamagitan nito ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Sinisimulan ng Simbahan sa pamamagitan ng Misa sa Takipsilim ng Huwebes Santo ang Banal na Tatlong Araw o Banal na Triduo na inilaan ng Inang Simbahan para sa maringal na pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno. Ito ang rurok ng ating pananampalataya. Ang biyaya ng pagligtas ng Diyos ay ipinagkaloob Niya sa ating lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Niloob ng Diyos na mangyari ito dahil tunay Niya tayong inibig. 

Kung paanong ipinasiya ng Diyos na tubusin ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto, gaya ng nasasaad nang buong linaw sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Paskuwa na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa, gayon din naman, hindi Niya pinabayaang mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Bagkus, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ito ang tanging dahilan kung bakit dumating ang Poong Jesus Nazareno sa daigdig nang sumapit ang takdang panahon. Patuloy Siyang dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak sa bawat pagkakataong ipagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, gaya ng buong linaw na isinalungguhit sa pangaral sa Ikalawang Pagbasa. 

Itinampok at inilahad sa Banal na Ebanghelyo ang salaysay ng paghugas sa mga paa ng mga apostol. Sa pamamagitan nito, inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ano ang dapat gawin. Gaya ng Kaniyang winika sa huling bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo: "Kung Akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugasan ng paa" (Juan 13, 14). Hinugasan Niya ang mga paa ng mga apostol upang ilarawan ang pasiya Niyang ihandog ang buo Niyang sarili. Kung hindi ipinagkait ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang buong sarili para sa atin, gayon din naman, hindi natin dapat ipagkait ang ating mga sarili sa kapwa. Taos-pusong pagdakila ang inihahandog natin sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung ang bawat isa sa atin ay maghahandog ng buong sarili sa kapwa. 

Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ihandog ang Kaniyang buong sarili alang-alang sa atin. Hindi Siya napilitang gawin ito. Kusang-loob Niyang ginawa ito. Iniligtas Niya tayong lahat dahil sa Kaniyang pasiyang ito. Bilang tugon, dapat natin Siyang dakilain nang taos-puso sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pamamagitan ng taos-pusong paghahandog ng buong sarili sa kapwa, gaya ng Kaniyang ginawa para sa atin. 

Sabado, Marso 21, 2026

HUWAG IPAGKAIT SA KANIYA ANG TAOS-PUSONG PAGDAKILA

1 Abril 2026 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 

Huwag magtitiwala nang basta-basta sa mga hindi kakilala. Ito ang madalas na ituro sa mga bata. Tiyak na naalala ng marami ang nasabing bilin. Katunayan, isa rin itong paalala para sa mga taong may sapat na gulang na. Sila rin ay pinaalalahanang mag-ingat, lalung-lalo na't maraming mapagsamantala sa kasalukuyang panahon. Maging ang mga may sapat na gulang ay kailangang paalalahanang maging maingat. Walang ligtas mula sa mga manloloko at mapagsamantala, lalung-lalo na sa kasalukuyan. 

Tuwing sasapit ang Miyerkules Santo taun-taon, buong kataimtimang pinagninilayan ng Inang Simbahan ang kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa nasabing araw. Nakipagsabwatan sa Sanedrin si Hudas Iskariote. Kahit na si Hudas Iskariote ay isa sa Labindalawa, ipinasiya pa rin niyang makipagkasabwatan sa mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno. Si Hudas Iskariote ay pumayag na talikdan at ipagkanulo ang Poong Jesus Nazareno sa halaga ng 30 piraso ng pilak. Binaon niya sa limot ang tatlong taong nakasama niya ang Poong Jesus Nazareno bilang isa sa mga alagad at kaibigang Kaniyang inibig nang lubusan upang tulungan ang Kaniyang mga kaaway na dakpin Siya. 

Batid ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na matutupad sa pamamagitan nito ang mga nasasaad tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa Lumang Tipan, gaya na lamang ng mga salita sa propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa. Pati na rin ang mga salita sa Salmong Tugunan ay nakatuon rin sa sasapitin ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Subalit, kahit na alam Niyang kailangang mangyari ang mga ito nang sa gayon ay matupad ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas na ipinangako sa Lumang Tipan, hindi ito nangangahulugang hindi Siya nasaktan sa ginawa ni Hudas Iskariote. 

Pinahalagahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tatlong taong nakasama Niya si Hudas Iskariote. Iyon nga lamang, hindi pinahalagahan ni Hudas Iskariote ang mga taong nakasama niya ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, nasaktan nang lubos ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi pa man naganap sa mga sandaling yaon ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote sa Kaniya sa Halamanan ng Hetsemani, ang Kaniyang Kabanal-Banalang Puso ay puspos na ng matinding sakit. 

Lagi tayong pinahalagahan ng Panginoong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. Bilang tugon, dapat lagi natin Siyang handugan ng taos-pusong pagdakila. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag natin nang buong linaw na taos-puso ang ating pagpapahalaga sa Kaniya na unang nagpahalaga sa atin.

Biyernes, Marso 20, 2026

NARARAPAT SIYANG IPAGMALAKI AT DAKILAIN

31 Marso 2026 
Martes Santo  
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38

Buong linaw na inihayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung ano ang gagawin ng dalawa sa mga apostol sa mga sandali ng Kaniyang pagpapakasakit. Ipagkakanulo Siya ni Hudas Iskariote sa Halamanan ng Hetsemani. Kasunod nito, ang hinirang at itinalaga Niya bilang unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag na walang iba kundi si Apostol San Pedro ay mapupuno ng takot na magiging dahilan kung bakit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tatlong ulit niyang ipagkakaila. 

Isinalungguhit nang buong linaw ang katotohanan tungkol sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Mahirap maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, lalung-lalo na kung wala namang ibang gumagawa nito. Baka ito ang magiging dahilan kung bakit lalayuan at iiwasan tayo ng marami. Para sa marami, wala na ito sa uso. Sa halip na gawin ito, mas mainam pang huwag isabuhay ang pasiyang maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Kung ano ang uso at ginagawa ng marami sa lipunan, iyon na lamang ang dapat gawin. 

Hindi lingid sa Mahal na Poong Jesus Nazareno kung gaano kahirap maghandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ito ay dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naging tunay na tao nang sumapit ang panahong itinakda. Bilang tunay na tao, naranasan Niya kung gaano kahirap tuparin at sundin ang kalooban ng Amang nasa langit. 

Subalit, sa kabila ng mga hirap, sakit, at pagsubok sa buhay sa daigdig, naisagawa pa rin ng Poong Jesus Nazareno ang misyon at tungkuling ibinigay sa Kaniya ng Amang nasa langit. Ang kahanga-hangang kadakilaang taglay Niya bilang tunay na Diyos ay Kaniyang inihayag sa pamamagitan nito. Ginawa Niya pa rin ito, kahit na napakahirap gawin ito, dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Dapat lagi nating isabuhay ang ating pasiyang dakilain ang Diyos nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, ang mga salita sa Salmong Tugunan ay lagi nating isinasabuhay. Gaya ng lingkod na itinampok at ipinakilala sa Unang Pagbasa, ang bawat isa sa atin ay gagamitin ng Diyos bilang Kaniyang mga instrumento sa paghahayag ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan sa lahat. Ito ang nararapat na tugon sa Diyos na hindi nagdalawang-isip na ipamalas ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan nang ang takdang panahon ay sumapit sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Lagi nating dapat ipagmalaki ang Diyos sa pamamagitan ng palagiang paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan. Ito ang nararapat na gawin dahil ang bawat isa sa atin ay hindi Niya pinagkaitan ng Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila. 

Huwebes, Marso 19, 2026

KINALULUGDAN NIYA ANG MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

30 Marso 2026 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Matapos ang Kaniyang mga paa ay pahiran ng mamahaling pabango ni Santa Maria na taga-Betania, ipinagtanggol ng Mahal na Poong Jesus Nazareno si Santa Maria na taga-Betania mula kay Hudas Iskariote na nagreklamo tungkol sa nasabing pabango sa pamamagitan ng mga salitang ito: "Ano't siya'y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ang Kaniyang pagtatanggol sa ginawa ni Santa Maria na taga-Betania para sa Kaniya noong mga sandaling yaon ay ang Kaniyang tugon sa nasabing Santa. Buong linaw Niyang inihayag na lubos Niyang kinalulugdan ang ginawa ni Santa Maria na taga-Betania. Hinandugan niya ng taos-pusong pagdakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito. Ito ang dahilan kung bakit nalugod ang Mahal na Poong Jesus Nazareno kay Santa Maria ng Betania. Nakita Niyang taos-puso ang pagdakila sa Kaniya ng nasabing Santa. 

Ipinapaalala sa atin na nalulugod ang Diyos sa mga dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Gaya ni Santa Maria na taga-Betania sa Ebanghelyo, ang Diyos ay dapat nating dakilain nang taos-puso. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan ang hinahanap Niya sa atin. Lubos na nalulugod ang Diyos sa sinumang maghandog nito sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ipinakilala ng Diyos bilang pinakadakilang biyayang ipagkakaloob Niya sa Kaniyang bayan. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay idudulot ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Mahahayag ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan Niya. Ipinakilala Siya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan bilang tunay na tanglaw at kaligtasan dahil dito. 

Bilang tugon, ang Poong Jesus Nazareno ay lagi nating dapat dakilain nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Pinatutunayan natin sa pamamagitan nito na tunay ngang bukal sa ating mga puso at loobin ang taimtim na debosyon at pamamanata sa Kaniya. Ito ang nararapat gawin. Lubos Niyang kalulugdan ang mga magpapasiyang dakilain Siya nang taos-puso. 

Linggo, Marso 15, 2026

"VIVA POONG JESUS NAZARENO!"

29 Marso 2026 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Mateo 21, 1-11 (Prusisyon at Pagbabasbas sa mga Palaspas) 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) 


Noong pumasok sa Herusalem ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno, sinalubong Siya ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas habang buong tuwa nilang isinigaw: "Osana sa Anak ni David!" (Mateo 21, 9). Dinakila Siya ng mga tao, gaya ng inilarawan nang buong linaw sa salaysay ng Kaniyang maringal na pagpasok sa Herusalem na itinampok at inilahad sa unang Ebanghelyo na inihayag sa unang bahagi ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Linggo ng Palaspas na kung saan ang mga palaspas ay binabasbasan. 

Ang mga taong sumalubong sa Mahal na Poong Jesus Nazareno noong pumasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno na dumakila sa Kaniya sa pamamagitan ng kanilang pagwawagayway ng mga palaspas habang sumisigaw ng papuri ay maaring ihalintulad sa mga nagdedebosyon, namimintuho, at namamanata sa Kaniya nang buong kataimtiman sa kasalukuyang panahon, lalung-lalo na yaong mga masisidhing tumutungo sa Simbahan ng Quiapo linggo-linggo. Noong pumasok sa Herusalem ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno, isinigaw nila nang may ligaya sa kanilang mga puso: "Osana sa Anak ni David!" Sa kasalukuyang panahon, sa pagsapit ng ikasiyam na araw ng Enero taun-taon, buong tuwang isinisigaw ng mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno: "Viva Poong Jesus Nazareno! Viva!" 

Gaya ng mga taong sumalubong sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno noong araw na pumasok Siya sa Herusalem nang buong ringal, dinarakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, sa loob ng ilang araw, nag-iba ang mga sigaw ng mga tao nang makita ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang mga sigaw ng papuri at pasasalamat ay hindi nagtagal. Nang iharap Siya ni Poncio Pilato sa mga tao sa napakahabang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa ikalawang Ebanghelyo sa Banal na Misa para sa Linggo ng Palaspas, buong lakas nilang isinigaw: "Ipako sa Krus!" (Mateo 27, 22-23). Buong lakas nga rin nilang hiniling na palayain si Barrabas (Mateo 27, 21). 

Bagamat batid ng Poong Jesus Nazareno na kailangang mangyari ang mga ito, gaya ng buong linaw na ipinahayag sa propesiya sa Unang Pagbasa, nadurog pa rin nang lubusan ang Kaniyang Kabanal-Banalang Puso. Kahit na tinupad pa rin Niya ito bilang tanda ng Kaniyang taos-pusong pagtalima sa plano ng Amang nasa langit nang may kababaang-loob, gaya ng buong linaw na inilarawan sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, hindi ito nangangahulugang hindi Siya lubusang nasaktan. Ito ang ipinahiwatig Niya noong ihayag Niya nang buong lakas mula sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya ang mga salita sa awiting itinampok at inilahad sa Salmo: "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" (Mateo 27, 46; Salmo 21, 2).

Pinakikiusapan tayo ng Inang Simbahan sa araw na ito. Hindi dapat manatili lamang sa loob ng Simbahan, lalung-lalo na ng Simbahan ng Quiapo, ang mga salitang buong ligaya nating sinisigaw bilang tanda ng ating pagpupugay, pagpupuri, at pasasalamat na walang iba kundi ang "Viva Poong Jesus Nazareno!" Bagkus, dapat isabuhay ang mga salitang ito. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tunay at taos-puso ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno.

Hindi dapat manatiling sigaw ang mga salitang "Viva Poong Jesus Nazareno!" Dapat isabuhay ang mga salitang ito. Sa pamamagitan nito, dinarakila natin Siya nang taos-puso. Ito ang dapat nating gawin bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno. 

Sabado, Marso 14, 2026

BIYAYANG SUMASALAMIN SA KANIYANG KADAKILAAN

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikapito at Huling Wika (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 


Nakasentro sa pagiging sagrado ng buhay ang Ikapito at Huling Wika ni Kristo Hesus bago malagutan ng hininga sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya. Isang biyaya mula sa Diyos ang buhay. Ang buhay ay hindi natin pag-aari. Bagkus, ito ay mula sa Diyos. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng biyayang ito. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, ipinasiya ng Diyos na ipahiram sa atin ang nasabing biyaya sa loob ng pansamantalang panahon (kahit na mukha itong mahaba para sa ilan). 

Kapag pumanaw ang isang tao, sinasabi nating binawian siya ng buhay. Hindi man ito napapansin ng marami, subalit, ipinapaalala natin sa isa't isa na may pinagmulan ang buhay ng bawat isa sa atin sa pamamagitan nito. Sa wakas ng ating pansamantalang pamamalagi at paglalakbay sa lupa, ang dakilang biyaya ng buhay na kusang-loob na ipinahiram sa atin ng Diyos ay isasauli natin sa Kaniya. Ang mga bagay na ipinahiram ay dapat isauli sa huli. 

Dahil ipinahiram sa atin ng Diyos ang biyaya ng buhay, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang pamamalagi at paglalakbay sa lupa sa pag-aalay ng taos-pusong pagdakila sa Kaniyang Ngalan sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Nararapat lamang itong gawin bilang tugon sa Kaniyang pasiyang ipamalas at iparamdam sa atin ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa sa atin. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Kaniyang kabutihan. Kaya naman, hindi natin dapat ikahiyang ipagmalaki at ipakilala Siya sa lahat. Isabuhay natin ang ating pasiyang handugan Siya ng taos-pusong pagdakila. 

Hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kaniyang kabutihan. Ipinagkaloob Niya sa bawat isa sa atin ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak. Dahil dito, dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Gamitin natin ang biyaya ng buhay na kusang-loob na Kaniyang ipinahiram sa atin upang dakilain Siya nang taos-puso.

Biyernes, Marso 13, 2026

LUBOS TAYONG PINAHAHALAGAHAN NG DIYOS NA DAKILA

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikaanim na Wika (Juan 19, 30): 
"Naganap na." 


Hindi sapilitan ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kusang-loob Siyang dumating sa lupa upang gawin ito. Ang Kaniyang pasiyang dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay tunay nga namang bukal sa Kaniyang puso at loobin. Tinupad Niya ang pangakong paulit-ulit na binitiwan ng Diyos sa pamamagitan ng mga propetang hinirang at itinalaga Niya sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Kaniyang kusang-loob na pagtupad sa misyon at tungkuling Kaniyang tinanggap bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Noong dumating Siya sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, hindi Siya hinandugan ng lahat ng taos-pusong pagtanggap at pagdakila. Sa halip na handugan Siya ng taos-pusong pagtanggap at pagdakila, walang tigil na pagtatakwil at poot na tunay ngang napakatindi ang kanilang ibinigay at ipinaramdam sa Kaniya. Katunayan, ang Kaniyang buhay ay nalagay sa matinding panganib noong isa o dalawang taong gulang pa lamang Siya dahil ayaw ng noo'y hari na si Haring Herodes na mawala sa kaniya ang kaniyang trono at kapangyarihan. Dahil dito, kinailangan Siyang itakas ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Ehipto. Hindi nawala ang mga panganib at banta noong lumaki Siya. Kinapootan Siya nang lubusan ng Kaniyang mga kaaway sa loob ng tatlong taon ng Kaniyang pagmiministeryo. Nagkasundo at nagkaisa sila sa pagbubuo ng mga plano upang ipapatay Siya. Ang kanilang plano ay natupad noong unang Biyernes Santo. Sa bundok ng Kalbaryo, si Jesus Nazareno ay ipinako sa Krus. Dahil dito, punung-puno sila ng tuwa at saya sa mga sandaling yaon. 

Bago pa man mangyari ang mga ito, alam na ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na haharapin, dadanasin, at titiisin Niya ang mga ito kung pansamantala Niyang iiwanan ang Kaniyang kaharian sa langit upang dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na magliligtas sa sangkatauhan. Kung tutuusin, ito ay isang sapat na dahilan upang manatili na lamang Siya sa langit. Maaari na lamang Niyang pabayaang mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan na nalugmok sa kasalanan upang hindi Siya magkaroon ng sakit ng ulo at katawan. 

Subalit, kahit na alam Niyang hindi Siya tatanggapin at dadakilain nang taos-puso ng mga taong ililigtas Niya, ipinasiya pa rin ni Jesus Nazareno na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Para kay Jesus Nazareno, ang lahat ng tao ay napakahalaga. Mayroong saysay at halaga sa pagligtas sa sangkatauhan. Hindi Niya hangad na mapahamak nang tuluyan ang sangkatauhan. Kahit na nalugmok sila sa kasalanan, hindi nawala ang kanilang halaga sa paningin ni Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit nabigkas Niya ang mga salitang "Naganap na!" (Juan 19, 30). 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, buong linaw Niyang inihayag na tayong lahat ay Kaniyang pinahahalagahan. Bilang tugon, tanggapin at dakilain natin Siya nang taos-puso. Isabuhay natin araw-araw ang ating taos-pusong pagtanggap at pagdakila sa Kaniya. 

Huwebes, Marso 12, 2026

DAKILANG PAG-IBIG ANG KANIYANG TUGON

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikalimang Wika (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako." 


Bukod sa pagiging tunay na Diyos, si Jesus Nazareno ay naging tunay na tao rin nang sumapit ang takdang panahon. Sa kabila ng Kaniyang pagiging Diyos, ipinasiya pa rin ni Jesus Nazareno na maging isang tunay na tao alang-alang sa atin. Hindi napilitang maging tunay na tao si Jesus Nazareno. Ang Kaniyang pasiyang gawin ito ay kusang-loob. Niyakap at tinanggap Niya ang mga katangian ng tao, maliban sa kasalanan. 

Ang Ikalimang Wika na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal ay nakatuon sa Kaniyang pagiging tunay na tao. Katulad ng bawat isa sa atin, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nakaranas rin ng pagkauhaw. Habang naghihingalo sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya, inihayag Niya nang buong linaw na tunay rin Siyang tao. Bilang tunay na tao, nakaranas rin Siya ng pagkauhaw, gaya ng bawat isa sa atin. Sa kabila ng Kaniyang pagiging tunay na Diyos, ipinasiya pa rin Niyang magpasakop sa mga limitasyon at kahinaan ng tao upang tubusin mula sa kasalanan ang lahat ng tao sa lupa. Naging limitado at mahina Siya, ngunit hinding-hindi Siya nagkasala kailanman. 

Inilahad ni San Juan sa kaniyang salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na Banal ng Panginoong Jesus Nazareno ang konteksto sa likod ng Ikalimang Wikang binigkas Niya habang nakabayubay sa Krus. Sabi sa bahagi ng salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Jesus Nazareno kung saan namutawi mula sa Kaniyang mga labi ang Kaniyang Ikalimang Wika mula sa Krus na Banal na alam Niyang "naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi Niya, 'Nauuhaw Ako!'" (Juan 19, 28). Tila isinasalungguhit ng Panginoong Jesus Nazareno nang buong linaw habang nakabayubay sa Krus na hindi nakakalimot sa mga pangakong binitiwan ang Diyos. Natupad sa pamamagitan Niya ang pangakong binitiwan ng Diyos nang paulit-ulit sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan mismo ng Taong ipinako sa Krus na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. 

Matapos bigkasin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Ikalimang Wika, agad na binigyan Siya ng isang esponghang itinubog sa maasim na alak na ikinabit sa isang isopo (Juan 19, 29). Sa pamamagitan nito, natupad ang mga salitang ito tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na isusugo ng Diyos sa Kaniyang bayan: "Sa halip na pagkain, nang Ako'y magutom, ang dulot sa Aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom" (Salmo 69, 21). Kahit na dumating Siya sa daigdig upang ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan ay tuparin, hindi Siya tumanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa mga ililigtas Niya. 

Huwag nating limuting hindi naman kinailangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na pumarito sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Alam Niyang hindi Siya tatanggapin at dadakilain nang taos-puso ng Kaniyang mga ililigtas. Sa halip na taos-pusong pagtanggap at pagdakila, pagtatakwil, galit, at poot ang tinanggap Niya mula sa kanila. Kaya naman, mapapatanong na lamang tayo kung bakit pa rin Niya ito ginawa. Dapat nanatili na lamang Siya sa langit, yaman din lamang pagtatakwil ang Kaniyang tinanggap mula sa kanila. Pinabayaan na lamang Niya mapahamak ang tao dahil sa kanilang pagkalugmok sa kasalanan.

Kahit na alam Niyang hindi Siya tatanggapin at dadakilain nang taos-puso, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na pumarito sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Ito ang Kaniyang dakilang tugon sa lahat ng tao. Tunay nga Niyang iniibig, kinahahabagan, at kinaaawaan ang tanan.

Miyerkules, Marso 11, 2026

TUNAY NGANG DAKILA ANG KANIYANG PAG-IBIG

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikaapat na Wika (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34): 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 


Habang nakabayubay sa Krus na Banal, ipinakilala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng Kaniyang Ikaapat na Wika. Ang mga salita sa simula ng ika-22 kabanata ng aklat ng mga Salmo ay Kaniyang binigkas sa sandaling ito. Bukod sa pagiging isang panalangin sa panahon ng pagdurusa, isa ring propesiya tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang nasabing kabanata ng aklat ng mga Salmo. Inilarawan nang buong linaw sa kabanatang ito ng aklat ng mga Salmo kung ano ang mangyayari sa mga huling sandali ng buhay ng ipinangakong Mesiyas.

Nasasaad sa isa sa mga taludtod ng Salmong yaon: "Pinaghati-hati nila ang damit Ko sa katawan, ang hinubad na tunika'y dinaan sa sapalaran" (22, 19). Ang mga salitang ito ay natupad noong unang Biyernes Santo. Habang nakapako si Jesus Nazareno sa Krus na Banal, ang Kaniyang damit ay pinaghati-hati at pinagsapalaran ang Kaniyang tunika (Juan 19, 23-24). Maraming iba pang inilarawan sa Salmong ito na natupad sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Isa lamang itong patunay na ang Mesiyas at Manunubos na ipinangako ay walang iba kundi si Jesus Nazareno mismo. 

Batid ng Poong Jesus Nazareno na mangyayari ang lahat ng ito sa Kaniya kung ang planong pagligtas sa sangkatauhan ay Kaniyang ipinasiyang ituloy. Kahit na pumarito Siya sa daigdig upang ang pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan ay tuparin, hindi Siya tatanggapin ng tanan. Sa halip na taos-pusong pagdakila, pagtatakwil ang tinanggap Niya sa mga tao. Tinuloy pa rin Niya ito, kahit na alam Niya ang mga ito. Isa lamang ang dahilan kung bakit - tunay nga Niya tayong iniibig. 

Kahit na alam ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi Siya tatanggapin at dadakilain ng mga taong tutubusin Niya, ipinasiya pa rin Niyang ituloy ang pagsasakatuparan ng planong ito. Pinatunayan Niya sa pamamagitan nito na tunay nga Niya tayong iniibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang maging Kordero ng Diyos. 

Martes, Marso 10, 2026

HINDI DINAAN SA MGA SALITA LAMANG ANG KANIYANG PAGDAKILA SA DIYOS

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikatlong Wika (Juan 19, 25-27): 
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina." 


Ang Ikatlong Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal ay Kaniyang binigkas nang makita Niya ang Mahal na Birheng Maria at ang kumatawan sa Kaniyang Simbahan sa mga sandaling yaon na walang iba kundi ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Sa pamamagitan ng Kaniyang Ikatlong Wika, naging bahagi ng pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Simbahang tanging Siya mismo ang nagtatag. Bilang bahagi ng Kaniyang pamilya, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay lagi nating hinahandugan ng taos-pusong pagdakila. 

Huwaran ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa lupa, lagi niyang piniling dakilain ang Diyos. Lagi niyang isinabuhay ang kaniyang "Fiat" o "Oo" sa kalooban ng Diyos. Ang kaniyang "Fiat" na una niyang binigkas noong magpakita sa kaniya sa kaniyang tahanan sa Nazaret ang Arkanghel na si San Gabriel upang ang magandang balita tungkol sa pagkahirang at pagtalaga sa kaniya ng Diyos bilang Ina ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ay iparating sa kaniya, ay palagi niyang isinabuhay. Kahit na napakahirap itong gawin, ipinasiya niyang laging dakilain ang Diyos nang taos-puso. 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria na hindi sapat ang mga salita lamang sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos. Bagkus, lagi itong dapat isabuhay sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa lupa. Pinaghahandaan natin ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit sa pamamagitan nito. Dakilain natin ang Diyos taglay sa ating mga puso at loobin ang katapatang dalisay sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa habang pansamantala nating nilalakbay ang daigdig na ito. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon upang ipagpaliban ang pagsasabuhay nito. 

Kasama natin sa paghahandog ng taos-pusong pagdakila sa Diyos sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa ang Mahal na Birheng Maria. Lagi niya tayong tinutulungang isabuhay ang pasiyang ito. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina rin natin. Ganyan tayo ka-mahal ng Poong Jesus Nazareno. 

Lunes, Marso 9, 2026

BIYAYANG KALOOB SA MGA DUMARAKILA SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
Ikalawang Wika (Lucas 23, 43): 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 


Mula noong dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani, ang Poong Jesus Nazareno ay tumanggap ng maraming masasakit na salita. Walang tigil Siyang nilait at kinutya ng Kaniyang mga kaaway. Ang mga hirap, sakit, at pagdurusang Kaniyang binata noong unang Biyernes Santo ay hindi lamang pisikal. Bagkus, nagbata rin Siya ng emosyonal na mga hirap, sakit, at pagdurusa noong araw na yaon. Ito ay dulot ng walang tigil na panlalait at pangugutya ng Kaniyang mga kaaway. 

Lubos na nasaktan ang Poong Jesus Nazareno noong unang Biyernes Santo. Bukod sa pisikal na pagpapakasakit at pagdurusang binata Niya mula noong dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani, nagbata rin Siya ng emosyonal na pagdurusa. Tunay nga namang durog na durog sa mga sandaling yaon ang Poong Jesus Nazareno. Kahit na pawang kabutihan at kabanalan lamang ang Kaniyang mga ginawa, itinakwil Siya ng tanan. Walang tigil ang panlalait at pangungutya ng Kaniyang mga kaaway. 

Subalit, habang naghihingalo Siya sa Krus na Banal na pinagpakuan sa Kaniya noong unang Biyernes Santo, nagkaroon ng isang sandaling naibsan ang lahat ng mga hirap at pagdurusang Kaniyang binabata. Kahit saglit lamang iyon, nakaranas ng aliw ang Poong Jesus Nazareno habang nakabayubay sa Krus na Banal. Dala ito ng taimtim at taos-pusong pagtitika ng salaring kilala sa tradisyon sa pangalang Dimas. 

Noong hiniling ni Dimas sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na isama siya sa langit, agad siyang pinagbigyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang dakilang biyaya ng buhay na walang hanggan ay hindi Niya ipinagkait kay Dimas. Ito ang Kaniyang tugon kay Dimas. Dahil ipinasiya ni Dimas na dakilain nang taos-puso ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng kaniyang taos-pusong pagtitika, ipinagkaloob sa salaring si Dimas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. 

Gaya ni Dimas, mayroon tayong pagkakataong makapiling si Jesus Nazareno sa langit kung saan Siya naghahari magpakailanman. Lagi nating dakilain Siya nang taos-puso sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Kinalulugdan Niya nang lubos ang mga dumarakila sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa, lagi natin Siyang piliin. Ihandog natin sa Kaniya ang nararapat, katulad ng ginawa ni Dimas. 

Linggo, Marso 8, 2026

ANG KANIYANG KAHANGA-HANGANG KADAKILAAN

Pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno
Unang Wika (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 

Larawan: Antonio de Torres, The Elevation of the Cross (c. 1718). Los Angeles County Museum of Art. Public Domain

Nang dumating Siya sa daigdig, ang Poong Jesus Nazareno ay hindi nakatanggap ng taos-pusong pagdakila. Sa kabila ng kadakilaan Niyang tunay ngang kahanga-hanga, hindi Siya dinakila nang taos-puso ng mga tao. Kahit na naparito Siya sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, walang naghandog ng taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Poot at galit ang Kaniyang natanggap mula sa mga tao noong una Siyang dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Mabuti ang pakay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong una Siyang pumarito sa lupa. Subalit, sa halip na handugan Siya ng taos-pusong pagdakila, ang tugon ng mga tao ay pagtatakwil at mga banta laban sa Kaniyang buhay. Bago sumapit ang unang Biyernes Santo, paulit-ulit na pinagtangkaan ang Kaniyang buhay. Hindi nila dinakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno nang taos-puso. Walang lumipas na sandali na hindi nila pinagtangkaan at pinagbantaan ang Kaniyang buhay. 

Ipinagkait nila sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang nararapat. Dala ng matinding poot at galit sa kanilang mga puso, agad nila Siyang itinakwil. Kahit na marami Siyang ginawang himala dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa mga tao sa tatlong taon ng Kaniyang pampublikong ministeryo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi tinanggap at dinakila. Paulit-ulit nilang pinagtangkaan at pinagbantaan ang Kaniyang buhay. Isang halimbawa nito ay ang pagpupulong ng Sanedrin matapos buhayin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kaibigang si San Lazaro. 

Kaya naman, noong sumapit ang unang Biyernes Santo, sa bundok ng Kalabaryo na tinatawag ring Golgota, nagsaya nang lubusan ang mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa wakas, nagtagumpay sila sa kanilang planong ipapatay Siya. Ang lalaking ito na nagmula sa Nazaret ay hindi na magiging isang problema. Matatahimik na rin sila. Hindi na sila makakarinig ng mga balita tungkol sa mga pangaral at mga himala ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na kinapopootan nila nang lubos. Hindi na Siya tatawaging Mesiyas ng ilan. 

Habang nagsasaya nang lubos dahil ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naipako na rin sa Krus, walang awa nila Siyang nilibak at kinutya. Sa pamamagitan nito, buong linaw nilang inihayag sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kanilang pagtatakwil sa Kaniya. Para sa kanila, isa lamang Siyang mapagpanggap at lapastangan. Dahil dito, ang walang tigil na paglibak at pagkutya bilang tanda ng pagtakwil nila sa Kaniya ay tunay ngang nararapat. 

Bilang tugon sa walang tigil na paglilibak at pagkutya ng Kaniyang mga kaaway na paulit-ulit na nagbanta laban sa Kaniyang buhay hanggang sa sandaling ipinako Siya sa Krus na Banal, taimtim na nanalangin sa Amang nasa langit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit na sila mismo ang dahilan kung bakit naghirap at nagdusa Siya nang lubos mula sa sandaling dinakip Siya sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa makarating Siya sa bundok ng Kalbaryo na pasan-pasan ang Krus na pinagpakuan sa Kaniya, ipinasiya pa rin Niyang manalangin sa Amang nasa langit para sa kanila. Ang taimtim na panalangin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Krus ay ang biyaya ng pagpapatawad ng Amang nasa langit sa Kaniyang mga kaaway. 

Sa pamamagitan ng pananalangin para sa Kaniyang mga kaaway na walang tigil na lumilibak at kumukutya sa Kaniya, kahit na unti-unti Siyang nagdurusa hanggang sa mamatay Siya sa Krus na Banal, ipinamalas ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan bilang tunay na Diyos. Kahit na walang tigil nila Siyang nililibak at kinukutya, hindi Niya ipinagkait sa kanila ang Kaniyang habag at awa. Ito ang kahanga-hangang kadakilaan ng Poong Jesus Nazareno.