08 Enero 2026
Huwebes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikasiyam at Huling Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 4, 19-5, 4/Salmo 71/Lucas 4, 14-22a
Screenshot: #QuiapoChurch 5AM LIVE MASS • 12 December 2025 • Feast of OUR LADY OF GUADALUPE (Quiapo Church YouTube channel)
Ang mga Pagbasa ay nakatuon sa katapatan ng Diyos. Hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong Kaniyang binitiwan. Lagi Niyang tinutupad ang mga ito sa mga panahong itinakda Niya bilang patunay ng Kaniyang katapatan. Nahahayag sa pamamagitan ng Kaniyang katapatan ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan.
Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Apostol San Juan kung bakit dapat tayong mag-ibigan. Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil una Niya tayong inibig (1 Juan 4, 19). Ang Diyos ay laging naging tapat sa atin. Kahit na mga makasalanan tayo, ipinasiya ng Diyos na mahalin tayo bilang patunay ng Kaniyang katapatang walang maliw. Ito ang tanging dahilan kung bakit naparito Siya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Buong linaw nga Niyang sinabi sa mga taong nagkatipon sa sinagoga sa Nazaret matapos basahin ang propesiya ni Propeta Isaias tungkol sa ipinangakong Mesiyas na natupad ang propesiyang yaon sa pamamagitan Niya. Kung tayong lahat ay mag-iibigan nang mayroong dalisay na puso at loobin, katulad ng tinagubilinan ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa, isinasabuhay natin ang mga salita sa Salmong Tugunan.
Bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno, ang hindi nakakalimot sa mga pangakong binitiwan, dakilain natin Siya nang taos-puso. Hindi ito ginagawa sa pamamagitan ng pagsampa sa andas sa maringal na prusisyon ng Traslacion mula sa Luneta papunta sa Kaniyang Basilika at Dambana sa distrito ng Quiapo sa araw ng ika-9 ng Enero na araw ng Kaniyang Kapistahan. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay ating dinarakila sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento