Biyernes, Nobyembre 29, 2024

HINDI TAYO BIBIGUIN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

19 Disyembre 2024 
Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 


Ang pagiging maaasahan ng Panginoong Diyos ay muling pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Lagi nating maaasahan ang Panginoong Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Hindi binibigo ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Ilang mga araw, sanlinggo, buwan, taon, at siglo man ang lumipas, nananatili pa rin ang katapatan ng Diyos. Sa lahat ng oras at panahon, tunay ngang maaasahan ng Diyos. Kasaysayan na rin ang magpapatunay ng katotohanang ito. Walang binigo ang Panginoon kailanman. 

Sa Unang Pagbasa, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa asawa ni Manoa upang ibalita sa kaniya na hinirang at itinalaga siya ng Panginoong Diyos upang maging ina ng Hukom na si Samson. Niloob ng Diyos na isilang ng kabiyak ng puso ni Manoa ang Hukom na si Samson sa kabila ng kaniyang pagiging baog. Bagamat wala nang pag-asang magkaanak ang kabiyak ng puso ni Manoa sa mata ng lipunan noon dahil sa kaniyang pagka-baog, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na magkaroon ng anak ang magkabiyak ng puso. Tinupad ng Diyos ang mga salita ng anghel. Sa Ebanghelyo, ang anghel ng Panginoon na si Arkanghel San Gabriel ay nagpakita kay Zacarias sa loob ng Templo upang ibalita sa kaniya na hinirang at itinalaga silang dalawa ng kaniyang kabiyak ng pusong si Elisabet upang maging mga magulang ni San Juan Bautista, ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon.

Inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan kung ano ang dapat maging tugon ng bawat isa sa atin. Bilang tugon sa kabutihang laging ipinapakita sa atin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon, nararapat lamang na handugan natin Siya ng taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba. Ang Diyos ay hindi nambibigo. Katunayan, wala Siyang binigo kailanman. Dahil diyan, hindi tayo dapat mag-alinlangan. Hindi natin dapat pagdudahan ang Panginoon. Bagkus, dapat manalig at umasa sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan ang bawat isa sa atin. 

Mayroon tayong maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay - ang Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin. Wala Siyang binigo kailanman. Ang pinakadakilang patunay nito ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dumating sa mundo ang Diyos upang ipalaganap ang tunay na kabutihan at pag-asa na tanging sa Kaniya lamang nagmumula, gaya ng Kaniyang ipinangako noon pa mang una. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento