15 Disyembre 2024
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18
Larawan: Bernardo Strozzi (1581–1644), The Sermon of St. John the Baptist (c. 1644), Kunsthistorisches Museum, Public Domain.
Ang Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon o Adbiyento ay kilala rin bilang Linggo ng Kagalakan (Gaudete). Sa Linggong ito, nakasentro sa galak na dulot ng pagdating ng Mahal na Poon ang pagninilay ng Simbahan. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Linggong ito na ang pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nagdudulot ng takot, sindak, at pangamba. Bagkus, ito ay nagdudulot ng galak. Darating ang bukal ng pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang magdulot ng galak. Sa Kaniya nagmumula ang pag-asang nagdudulot ng galak.
Nakasentro sa galak na dulot ng pag-asang kaloob ng Panginoon ang mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag na tutubusin ng Panginoong Diyos ang Kaniyang bayan. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos na Kaniya namang isasakatuparan sa panahong Kaniyang itinakda ay magdudulot ng galak sa Kaniyang bayan. Ito rin ang binigyan ng pansin ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Galak ang dulot ng pag-asang nagmumula sa Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa pagbabalik ng Poong Jesus Nazareno. Darating muli ang Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, upang magdulot ng tunay na galak sa tanan. Sa Ebanghelyo, nagsalita si San Juan Bautista sa lahat ng kaniyang mga tagapakinig tungkol sa paghahanda para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. May mga kailangan silang gawin upang maging handa sila para sa pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno.
Galak ang dulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay nagdudulot ng tunay na galak sa tanan. Sa pamamagitan nito, pinalalakas at pinapanatag ng Poong Jesus Nazareno ang ating mga puso at loobin. Pinatutunayan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na lagi natin Siyang maaasahan at mapagkakatiwalaan.
Hindi dumating ang Poong Jesus Nazareno upang maghasik ng lagim, takot, sindak, at pangamba. Wala Siyang balak magdulot ng kapahamakan at kawalan ng pag-asa. Bagkus, naparito ang Poong Jesus Nazareno upang ipagkaloob sa lahat ang tunay na galak na dulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Nagbibigay ng pag-asa sa lahat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagdudulot ng galak. Ipinasiya itong isagawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan.
Sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno lamang natin matatagpuan ang tunay na galak. Ang tunay na galak na kaloob Niya sa lahat ay bunga ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento