Sabado, Nobyembre 30, 2024

NAIS TAYONG MAKAPILING NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

21 Disyembre 2024 
Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 


Ipinapaalala sa atin sa araw na ito kung ano ang nais ng Diyos. Mayroong dahilan kung bakit Siya dumating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno. Nais ng Diyos na makapiling at makasama tayo. Upang makapiling at makasama tayo sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit, kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na tubusin tayong lahat sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay nagdulot ng tunay na pag-asa sa ating lahat. 

Ang pagdating ng Diyos sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay inihalintulad sa pagdating ng isang manunuyo. Isinalungguhit nang buong linaw sa Unang Pagbasa kung paanong nagdudulot ng galak at pag-asa sa lahat ang pagdating ng Panginoon. Ang lahat ng mga umiibig, nananalig, at sumasamba sa Panginoong Diyos nang may taos-pusong katapatan ay napupuspos ng galak at tuwa sa Kaniyang pagdating. Nakasentro rin sa tunay na galak at pag-asang dulot ng pagdating ng Panginoong Diyos ang tampok na pahayag sa alternatibong Unang Pagbasa. 

Sa Ebanghelyo, dinalaw ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang kamag-anak na si Elisabet. Nang dumating sa bahay ni Elisabet ang Mahal na Birheng Maria, gumalaw sa tuwa sa sinapupunan ni Elisabet ang sanggol na si San Juan Bautista. Isa lamang ang dahilan kung bakit natuwa ang sanggol na si San Juan Bautista. Dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ang ipinangakong Mesiyas na pinanabikan ng lahat - ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang presensya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay naghahatid ng kaligayahan sa mga tunay na umiibig, nananalig, at sumasamba sa Kaniya.

Buong linaw na isinalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan kung ano ang dapat nating maging tugon sa paglapit sa atin ng Panginoon. Tayong lahat ay laging nilalapitan ng Panginoon. Hindi Siya tumitigil sa paglapit sa atin. Kaya naman, ipinapaalala sa atin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na dapat tayong maging bukas sa Kaniya. Dapat nating buksan ang ating mga sarili sa Kaniya. 

Lagi tayong nilalapitan ng Panginoon upang idulot sa bawat isa sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, inihahayag Niya sa atin ang Kaniyang nais na makapiling at makasama tayo sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento