6 Disyembre 2024
Biyernes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 29, 17-24/Salmo 26/Mateo 9, 27-33
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagpapagaling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa dalawang bulag na lalaki. Isinalamin ng paglapit at pagdulot ng dalawang bulag na lalaking ito sa Poong Jesus Nazareno ang kanilang pananalig at pag-asa sa Kaniya. Nanalig at umasa silang pagagalingin sila ni Jesus Nazareno. Ang hiling ng dalawang bulag na lalaking ito ay pinagbigyan ng Nazareno bilang tugon sa kanilang pananalig at pag-asa sa Kaniya.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos. Ang mga salitang inilahad ni Propeta Isaias ay mga salitang nagdudulot ng pag-asa. Hindi takot at pangamba kundi pag-asa. Ito ang layunin ng pangako ng Panginoong Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Nais ng Panginoong Diyos na umasa lamang sa Kaniya ang Kaniyang bayan dahil hindi Siya nakakalimot.
Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan sa lahat ang kaniyang pag-asa sa Diyos. Sa Diyos lamang siya umaaasa sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa mundo. Ipinagkakatiwala niya sa Diyos ang lahat ng bagay. Laging panatag ang loob ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan dahil lagi siyang umaasa sa Panginoong Diyos.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na mayroon tayong maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay. Ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Umasa tayo sa Kaniyang habag, pag-ibig, kagandahang-loob, at awa. Hindi Niya tayo bibiguin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento