22 Disyembre 2024
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)
Ikapitong Araw ng Simbang Gabi
Mikas 5, 1-4a/Salmo 79/Hebreo 10, 5-10/Lucas 1, 39-45
Larawan: Ubaldo Gandolfi (1728–1781), The Visitation (c. 1767). Private Collection via Web Gallery of Art. Public Domain.
Nakasentro sa pagdating ng pag-asang ipinangako ng Diyos ang mga Pagbasa. Isang propesiya tungkol sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas ay itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inihayag sa propesiyang ito kung saan magmumula ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Magmumula sa Betlehem ang Mesiyas. Sa Salmong Tugunan at Ikalawang Pagbasa, ipinaliwanag kung bakit niloob ng Diyos na mangyari ito. Dumating si Kristo sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay nagdulot ng pag-asa sa lahat, katulad ng Kaniyang ipinangako nang paulit-ulit sa Lumang Tipan. Pinatunayan ng Diyos na tapat Siya sa Kaniyang mga pangako. Ipinangako ng Diyos na maghahatid Siya ng pag-asa sa lahat ng tao. Hindi Niya kinalimutan ang pangakong ito. Bagkus, tinupad ito ng Diyos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, dinalaw ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kamag-anak niyang si Elisabet na nagdadalantao rin katulad niya. Nang dumating sa bahay ni Elisabet ang Mahal na Birheng Maria, gumalaw sa tuwa sa sinapupunan ni Elisabet ang sanggol na si San Juan Bautista. Ang Sanggol na si Kristo Hesus na dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ay ang dahilan kung bakit napuspos ng tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista na dala naman ni Elisabet sa kaniyang sinapupunan.
Kahit na nasa loob siya ng sinapupunan ng kaniyang inang si Elisabet sa mga oras na yaon, ang Banal na Sanggol na si Kristo ay nakilala ng sanggol na si Juan Bautista. Sa mga sandaling yaon, napuspos ng tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista dahil sa presensya ng bukal ng tunay na pag-asa. Laging tapat sa Kaniyang mga pangako ang bukal ng tunay na pag-asa. Hindi Niya binabaon sa limot ang Kaniyang mga pangako. Tinutupad Niya ito sa panahong Kaniyang itinakda.
Ipinangako ng Diyos nang paulit-ulit sa Lumang Tipan na darating ang tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya sa panahong Kaniyang itinakda. Ang pangakong ito ay hindi kinalimutan ng Diyos kailanman. Bagkus, tinupad Niya ito sa panahong itinakda Niya sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno.
Sa pamamagitan ng pagdating ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, dumating rin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos, gaya ng Kaniyang ipinangako nang paulit-ulit. Buksan natin ang ating mga sarili sa tunay na pag-asang nagmumula sa Diyos nang sa gayon ay maipalaganap rin natin ito saan man tayo magtungo, katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento