Biyernes, Nobyembre 1, 2024

PAG-IBIG AT HABAG NG TUNAY NA WALANG HANGGAN AT DAKILANG HARI

27 Nobyembre 2024
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan [B] 
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37 


Tuwing Taon B sa Kalendaryo ng Simbahan, ang Ebanghelyo para sa huling Linggo sa Kalendaryo ng Simbahan na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (Kristong Hari) ay tungkol sa paliwanag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno tungkol sa Kaniyang pagkahari sa harapan ni Poncio Pilato. Bilang tugon sa mga tanong ni Pilato tungkol sa mga ipinaratang ng Sanedrin laban sa Kaniya, inilarawan ng Poong Jesus Nazareno kung anong uri Siyang hari at ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundong ito. 

Sa Unang Pagbasa, nagsalita si Propeta tungkol sa kaluwalhatian ng tunay at walang hanggang Hari na walang iba kundi ang Panginoon, gaya ng kaniyang nakita sa isang pangitain. Nakatuon rin sa paksang ito ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ito rin ang paksang pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa kaniyang pahayag sa Ikalawang Pagbasa. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang tunay at nag-iisang walang hanggan at dakilang Hari. Pansamantala lamang ang pagkahari o pamumuno ng lahat ng mga hari at pinuno dito sa mundong ito. Walang hanggan ang maluwalhating pagkahari ng Poong Jesus Nazareno. 

Kaya naman, maaaring ituring na isang kabalintunaan ang kaganapang tampok sa salaysay sa Mabuting Balita para sa Linggong ito. Ang Hari ng mga hari, ang tunay na walang hanggan at dakilang Hari, na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay nililitis ng isang gobernador, ang gobernador ng Judea na walang iba kundi si Poncio Pilato. Hindi ba hari si Jesus Nazareno habang gobernador lamang si Pilato? Bukod pa roon, wala ring saysay ang mga paratang laban kay Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, tahimik si Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon. Bakit? Hindi ba dapat ginamit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos at Hari upang patunayan kay Pilato na Siya nga ang Hari ng mga Hari? Bakit hindi ito ginawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? 

Ang Poong Jesus Nazareno na mismo ang nagsabi kung bakit hindi Siya gumamit ng dahas upang maipagtanggol ang Kaniyang sarili at patunayan ang Kaniyang pagiging hari. Sabi ng Poong Jesus Nazareno nang buong linaw kay Pilato na hindi nagmula o matatagpuan sa sanlibutang ito ang Kaniyang kaharian (Juan 18, 36). Bukod pa roon, idinagdag ng Poong Jesus Nazareno na naparito Siya sa mundo upang magpatotoo sa katotohanan (Juan 18, 37). Ipinasiya ng Hari ng mga Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na iwan ang maningning at maluwalhati Niyang kaharian sa langit at pumarito sa lupa upang magpatotoo sa katotohanan sa tanan. 

Hindi naman kinailangang bumaba mula sa langit ang Poong Jesus Nazareno upang magpatotoo sa katotohanan sa sangkatauhan. Kung tutuusin, hindi naman Niya tayo kailangan. Sasambahin naman Siya ng lahat ng mga anghel sa Kaniyang kaharian sa langit. Maaari na lamang Niya pabayaan ang sangkatauhan na tuluyang mapahamak dulot ng kasinungalingan. 

Bagamat hindi kinailangang bumaba mula sa langit ang Panginoong Jesus Nazareno upang magpatotoo sa katotohanan sa sangkatauhan, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin. Ipinaliwanag sa Ikalawang Pagbasa kung bakit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay nagpasiyang bumaba mula sa langit at pumarito sa mundong ito upang magpatotoo sa katotohanan sa lahat. Sabi sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay Kaniyang inibig (Pahayag 1, 5). Pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, ang Hari ng mga Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay dumating sa daigdig upang magpatotoo sa katotohanan sa tanan. 

Isa lamang ang tunay na walang hanggan at dakilang Hari. Ang Haring ito ay tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Hindi Niya tayong pinabayaang mapahamak dahil sa panlilinlang at pananamantala sa atin ng mga puwersa ng kadiliman at kasalanan. Bagkus, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang pagpapatotoo sa katotohanan na isinasalamin ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ang Haring ito ay walang iba kundi si Kristong Hari, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento