22 Nobyembre 2024
Paggunita kay Santa Cecilia, dalaga at martir
Pahayag 10, 8-11/Salmo 118/Lucas 19, 45-48
Larawan: Luca Giordano (-1705), Expulsion of the Moneychangers from the Temple (c. 1675), Hermitage Museum, Public Domain.
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa paglilinis sa Templo. Pinalayas ng Panginoong Jesus Nazareno ang mga nagpapalit ng salapi at mga nagtitinda ng mga kalapati at mga tupa mula sa Templo. Ang Unang Pagbasa naman ay tungkol sa isa sa mga pangitain ni Apostol San Juan sa aklat ng Pahayag. Sa pangitaing inilahad sa Unang Pagbasa para sa araw na ito, kinain ni Apostol San Juan ang kasulatang hawak ng anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, gaya ng iniutos sa kaniya ng anghel na iyon. Pagkatapos gawin iyon, si Apostol San Juan ay inutusan ng nasabing anghel na magpahayag tungkol sa mga tao, wika, hari, at bansa.
Tiyak na mayroong ilang magtataka kung ano ang ugnayan o koneksyon ng pangitain ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa at ng kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ano ang ugnayan ng pangitain ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa sa isinagawang paglilinis sa Templo na isinalaysay sa Ebanghelyo?
Buong linaw na inihayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "O kay tamis na namnamin ang utos Mong bigay sa 'min" (Salmo 118, 103a). Inilarawan niya sa pamamagitan nito ang halaga ng pakikinig at pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos. Pinapatunayan ng mga taos-pusong nakikinig at sumusunod sa mga utos at loobin ng Diyos ang kanilang taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba para sa Kaniya. Ang nararapat sa Panginoong Diyos ay kanilang inihahandog sa Kaniya.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito kung ano ang dapat lagi nating gawin. Ang bawat sandali ng ating buhay sa pakikinig at pagsunod sa mga utos at loobin ng Diyos nang buong katapatan. Sa pamamagitan nito, taos-puso nating inialay sa Diyos kung ano ang nararapat. Nararapat lamang Siyang mahalin, panaligan, at sambahin nang may taos-pusong katapatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento