10 Nobyembre 2024
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24-28/Marcos 12, 38-44 (o kaya: 12, 41-44)
Pagbibigay ng lahat. Buong-buong pagbibigay. Ito ang nais isalungguhit at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Katunayan, nakasentro sa buong-buong pagbibigay ng lahat ang mga Pagbasa. Ang buong sarili ay kusang-loob na iniaalay at ibinibigay sa Diyos na Siyang pinagmulan ng lahat ng mga biyaya. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay pinahihintulutang maging Hari ng lahat.
Sa Unang Pagbasa, kusang-loob na ipinasiya ng babaing balo na gumawa ng tinapay para kay Propeta Elias. Matapos ipangako ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Elias na hindi siya kukulangin sa mga kasangkapan para sa pagluluto ng tinapay, kusang-loob na ipinasiya ng babaing balo na si Propeta Elias ay paglutuan ng tinapay, gaya ng iniutos sa kaniya ni Propeta Elias. Sa pamamagitan nito, ipinagkatiwala ng babaing balo sa Diyos ang buo niyang sarili. Pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa kung paanong hindi ipinagkait ng Poong Jesus Nazareno ang buo Niyang sarili alang-alang sa atin. Alang-alang sa atin, kusang-loob na ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na ialay ang buo Niyang sarili sa Kaniyang Kabanal-Banalang Krus upang tayong lahat ay maligtas mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Sa Ebanghelyo, pinuri ng Poong Jesus Nazareno ang babaing balo na kusang-loob na nagpasiyang ibigay ang lahat ng kaniyang tinaglay, kahit na dalawang kusing lamang ang kaniyang inihulog. Kahit na iyon lamang ang kaniyang taglay, ipinasiya pa rin ng babaing balo na ibigay ito bilang tanda ng kaniyang pasiyang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat.
Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay mga salita ng isang nagpasiyang ipagkatiwala sa Panginoong Diyos ang buo niyang sarili. Ipinaliwanag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan kung bakit ipinasiya niyang ipagkatiwala sa Diyos ang buo niyang sarili. Sa pamamagitan nito, hinihikayat rin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang lahat na tularan siya. Nais ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan na ipaalam sa lahat na maaasahan ang Diyos sa lahat ng oras. Dahil dito, dapat nating ipagkatiwala sa Panginoong Diyos ang buo nating sarili.
Isa lamang ang ating maaasahan sa lahat ng oras - ang Panginoong Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. Kaya naman, dapat nating ipagkatiwala sa Kaniya ang buo nating sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento