3 Nobyembre 2024
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34
Larawan: Maarten van Heemskerck (1498–1574), Christ as Man of Sorrows with angels, Museum of Fine Arts Ghent (MSK), Web Gallery of Art, Public Domain.
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa pag-iibigan ng Diyos at ng sangkatauhan. Kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na makipag-relasyon sa tao. Hindi naman kailangan ng Panginoong Diyos na makipagrelasyon sa sangkatauhan, kung tutuusin. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Panginoong Diyos na makipag-relasyon sa sangkatauhan. Inaanyayahan pa nga ng Diyos mismo ang bawat tao na makipag-relasyon sa Kaniya.
Sa pinakamahalagang utos nakatuon ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Inihayag ni Moises sa mga Israelita nang buong lakas at linaw kung ano ang pinakamahalagang utos na dapat sundin. Katunayan, ang pinakamahalagang utos ay maaring ituring na isang maikling buod ng Sampung Utos ng Diyos. Dapat ibigin nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong lakas ang Diyos (Deuteronomio 6, 6). Sa Ebanghelyo, ang utos na ito ay buong lakas at linaw na binigkas ng Poong Jesus Nazareno bilang tugon sa tanong ng isa sa mga eskriba tungkol sa nasabing paksa.
Ipinasiya ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na isentro sa titulo at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang Dakilang Saserdote na kaloob ng Diyos para sa ikaliligtas ng lahat ang kaniyang pangaral na itinampok sa Ikalawang Pagbasa. Ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin bilang Dakilang Saserdote para sa ikaliligtas ng lahat ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang iba kundi ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, ang Diyos ay nagpasiyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.
Bilang tugon sa paanyaya ng Panginoong Diyos na makipag-relasyon sa Kaniya, ang mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay buong lakas, linaw, at katapatang nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pag-ibig, pananalig, at pagsamba sa Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinapahayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang taos-pusong naising makipag-relasyon sa Panginoong Diyos na unang umibig sa lahat.
Hindi para sa mga piling tao ang paanyaya ng Diyos na makipag-relasyon sa Kaniya. Para sa lahat ang paanyayang ito. Nais ng Diyos na makipag-relasyon sa atin. Ito ang dahilan kung bakit inaanyayahan Niya tayong makipag-relasyon sa Kaniya. Tayo ang magpapasiya kung makikipag-relasyon tayo sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento