2 Nobyembre 2024
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 103/Roma 8, 31b-35. 37-39/Juan 14, 1-6
Larawan: Albert Anker (1831–1910), At the cemetery (1872), Sotheby's, Zurich, 27 May 2008, lot 28. Public Domain.
Mula sa pagkabata, ang bawat tao ay mayroong mga pinapangarap sa buhay. Hindi lamang para sa sarili ang mga pinapangarap sa buhay ng marami. Mayroon ring mga pangarap para sa pamilya, kaibigan, at iba pang mga mahal sa buhay ang ilan. Pati na rin ang mga lingkod-bayang tunay ngang umiibig at nagmamalasakit sa mga bayang kanilang pinaglilingkuran, mayroon rin silang mga pangarap at hangarin.
Kung tayong mga tao ay mayroong mga pangarap sa buhay dito sa lupa, ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na dapat magkaroon rin tayo ng pangarap para sa buhay sa kabila. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan na may kabilang buhay na dapat paghandaan. Dalawa lang naman ang pagpipilian - langit o impyerno.
Inilaan ng Simbahan ang araw na ito para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano. Ang araw na ito ay inilaan ng Inang Simbahan para sa taimtim na pananalangin para sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Hindi mananatili sa Purgatoryo magpakailanman ang mga kaluluwang naroroon. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili roon. Naroroon sila sa Purgatoryo upang lalo pa silang linisin bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa walang hanggan at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Kailangan nila ang ating mga panalangin para sa kanila upang lalo pang mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit.
Sa Unang Pagbasa, nanalangin si Judas Macabeo para sa mga yumao dahil naniwala rin siya na muli silang bubuhayin ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, buong pananalig at tiwalang inihayag ni Apostol San Pablo na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili bilang Daan, Katotohanan, at Buhay.
Ang Diyos ay ipinakilala bilang Diyos na tunay ngang mapagmahal at maawain sa tanan at kaligtasan ng lahat ng mga tapat at banal sa Salmong Tugunan (Salmo 103, 8a; Salmo 36, 39a). Isa lamang ang pinapangarap ng mga kaluluwang dinadalisay sa Purgatoryo - makapiling ang Panginoong Diyos na puspos ng awa, habag, at pag-ibig magpakailanman. Lagi tayong manalangin sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Daan, Katotohanan, at Buhay, para sa kanila. Manalangin tayo na nawa'y ipakita sa kanila ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang awa, habag, at pag-ibig nang sa gayo'y lalong mapabilis ang proseso ng kanilang pagpasok sa langit kung saan ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling ay kanilang matamasa.
Gaya ng mga banal sa langit at ng mga kaluluwa sa Purgatoryo, maging pangarap rin natin ang pagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa maluwalhati Niyang kaharian sa langit. Ilaan rin natin ang bawat sandali ng pansamantala nating buhay sa lupa sa puspusang paghahanda ng ating mga sarili para sa kabilang buhay - sa buhay na kapiling ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento