27 Oktubre 2024
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Jeremias 31, 7-9/Salmo125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52
"Ano ang ibig mong gawin Ko sa iyo?" (Marcos 10, 50). Ito ang tanong ng Poong Jesus Nazareno kay Bartimeo sa Ebanghelyo. Bagamat hindi Niya kinailangang tanungin ito dahil nababatid naman Niya kung ano ang nais ni Bartimeo, tinanong Niya ito upang bigyan si Bartimeo ng pagkakataong maging totoo sa sarili. Nais Niyang marinig mula sa mga lumalapit sa Kaniya kung ano ang tunay na laman ng kanilang mga puso. Sa pamamagitan nito, lalo pang lalalim ang kanilang pananalig sa Kaniya.
Bilang tugon sa tanong sa kaniya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, si Bartimeo ay hindi nagpaligoy-ligoy. Sa halip na magpaligoy-ligoy, nagpakatotoo si Bartimeo. Ang katotohanan tungkol sa kaniyang tunay na hangarin ay hindi niya ikinubli at itinago. Nang bigyan siya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong ipahayag ang tunay niyang hangarin, buong pananalig niyang ginamit ang pagkakataong ito. Hindi sinayang ni Bartimeo ang pagkakataong magpakatotoo sa Mahal na Poon.
Ipinahiwatig ng sagot ni Bartimeo sa tanong sa kaniya ng Poong Jesus Nazareno ang kaniyang pananalig at tiwala sa mga salita sa Unang Pagbasa. Nanalig si Bartimeo na tutuparin ng Panginoong Diyos ang pangakong ito sa takdang panahon. Kaya naman, nang mabalitaan niyang dumaraan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lugar na kung saan siya namamalimos, hindi niya sinayang ang pagkakataong idulog sa Poong Jesus Nazareno ang kaniyang hiling. Hindi ikinahiya ni Bartimeo ang tunay na laman ng kaniyang puso at loobin. Ang kaniyang pananalig ay nanaig.
Sa Ikalawang Pagbasa, si Jesus Nazareno ay ipinakilala bilang dakilang saserdote na hinirang at itinalaga ng Diyos bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ipinasiya itong gawin ng Diyos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig. Kaya naman, gaya ng sabi ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, napupuspos tayo ng tuwa dahil sa dakilang gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga. Gaya ni Bartimeo na natuwa nang labis matapos siyang pagalingin ni Jesus Nazareno, tayong lahat ay puspos ng galak at tuwa dahil sa Kaniya, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Tayong lahat ay binibigyan ng Poong Jesus Nazareno na buksan natin ang ating mga sarili at magpakatotoo sa Kaniya. Kahit nalalaman naman Niya kung ano ang laman ng ating mga puso, nais pa rin Niya ito marinig mula sa atin. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan Niyang magpakatotoo sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento