Huwebes, Oktubre 17, 2024

PAGHAHANDA PARA SA KANIYANG PAGDATING

15 Nobyembre 2024 
Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
2 Juan 4-9/Salmo 118/Lucas 17, 26-37


Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa muling pagdating ng Poong Jesus Nazareno bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Gaya ng nasasaad sa Kredo, si Jesus Nazareno na ating Panginoon at Tagapagligtas ay muling babalik sa wakas ng panahon bilang Hari at Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay. Isinentro Niya sa kaganapang ito ang Kaniyang pangaral sa mga apostol na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Layunin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na palakasin ang loobin ng Kaniyang mga tagasunod upang maipagpasiyahan nilang manatiling tapat sa Kaniya, gaano mang kahirap itong gawin, hanggang sa huli. 

Batid ng Panginoong Jesus Nazareno na hindi magiging madali ang magiging buhay ng Kaniyang mga tagasunod. Kaya naman, ang mga salitang inilahad sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay Kaniyang binigkas sa mga apostol upang tulungan sila sa kanilang paghahanda para sa kinabuksan. Ayaw ng Panginoong Jesus Nazareno na mapahamak ang Kaniyang mga tagasunod dulot ng maling pasiyang suwayin, itakwil, at talikuran Siya. Iyan ang pag-ibig ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Juan ang kaniyang pangaral sa pagiging tapat sa Panginoong Diyos. Sa Salmong Tugunan, inihayag na matatamasa ng lahat ng mga mananatiling tapat sa Panginoong Diyos ang Kaniyang pagpapala. Isa lamang ang kailangan nating gawin upang tayong lahat ay kalugdan ng Panginoong Diyos - laging maging tapat at masunurin sa Kaniya. 

Darating muli ang Panginoong Jesus Nazareno. Ano kaya ang Kaniyang madadatnan sa muli Niyang pagbalik? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento