Sabado, Oktubre 12, 2024

SIMBAHANG BANAL

9 Nobyembre 2024 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


"Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!" (Juan 2, 16). Inilarawan sa mga salitang ito na buong lakas na binigkas ng Poong Jesus Nazareno habang ang Templo ay Kaniyang nilinis sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo kung bakit sagrado ang Templo. Ang Templo ay itinayo upang maging tahanan ng Diyos sa daigdig. Kahit na hindi naman kailangan itong gawin ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niyang italaga ang Templo bilang Kaniyang tahanan dito sa daigdig na ito dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa Kaniyang bayan. Dahil sa presensya ng Panginoong Diyos, banal ang Templo. Ang problema, hindi pinahalagahan ng mga tao ang presensya ng Panginoong Diyos na nagpapabanal sa Templo sapagkat nais Niyang iparamdam sa lahat ng mga bumubuo sa bayang Kaniyang hirang ang Kaniyang pagiging malapit sa kanila. Kaya naman, nagalit ang Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. 

Sa mga salitang ito ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang ika-9 ng Nobyembre ay inilaan para sa isang natatanging pagdiriwang. Ito ay walang iba kundi ang taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma. Layunin ng taunang pagdiriwang na ito ay ipaalala sa atin kung bakit napakahalaga ang lahat ng mga gusaling Simbahang itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Ang mga gusaling Simbahan ay nagsisilbing mga daluyan ng biyaya ng Diyos. Kung tutuusin, ang Templo ng Diyos ay inilarawan bilang batis o daluyan sa pangitain ni Propeta Ezekiel na inilahad sa Unang Pagbasa. Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang dinudulot ng mga biyaya ng Diyos. Dahil sa mga biyaya ng Diyos, ang lahat ay puspos ng galak at tuwa. Ipinaalala ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na tampok sa Ikalawang Pagbasa na tayong mga Kristiyano ang bumubuo sa Simbahan. Tayong lahat ay itinalaga ng Diyos upang maging Kaniyang Templo. Kaya naman, banal ang katawan ng bawat isa sa atin. 

Pinababanal ng presensya ng Panginoon ang Simbahan. Kaya naman, ang Simbahan ay dapat nating pahalagahan. Ito ang aral na laging ipinapaalala sa atin ng lahat ng mga gusaling itinayo bilang mga bahay-dalanginan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento