8 Nobyembre 2024
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 3,17-4, 1/Salmo 121/Lucas 16, 1-8
SCREENSHOT: #QuiapoChurch 11AM #OnlineMass • 11 October 2024 • FRIDAY of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Facebook and YouTube)
Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tila nakakalito. Tila pinupuri ng Poong Jesus Nazareno ang pagiging tiwali at mandaraya ng katiwalang itinampok sa talinghagang Kaniyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Kung ano pa yaong hindi makatarungan at hindi matuwid, ito pa yaong pinupuri ng Poong Jesus Nazareno. Lumalabas na maaari ring pumasok ang mga tiwali at mandaraya sa maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit dahil sa talinghagang ito ng Poong Jesus Nazareno.
Tunay ngang nakakagulat ang talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Ang bukal ng lahat ng kabutihan ay tila kumukunsinti sa katiwalian at pandaraya. Kung sino pa yaong bukal ng kabutihan, Siya pa mismo ang pumupuri at nagtatampok sa mga tiwali. Parang hindi ito ang Mahal na Poong Jesus Nazarenong kilala natin at kinasanayan natin. Bakit Niya pinupuri at itinatampok ang isang taong garapal na mandaraya? Hindi ba dapat kinokondena Niya ito?
Oo, sa unang tingin, tila pinupuri ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tiwali at mandarayang katiwala sa talinghangang Siya mismo ang nagsalaysay sa Mabuting Balita. Subalit, hindi iyon ang puntong nais isalungguhit ng Poong Jesus Nazareno sa talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo. Bagkus, isinasalungguhit ng Panginoon kung gaano kahalaga gumawa ng paraan at isakatuparan ito.
Sabi ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan: "Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D'yos" (Salmo 121, 1). Isa lamang ang dahilan kung bakit - ito ay pinahintulutan at niloob ng Diyos. Ang Diyos ay gumawa ng paraan upang ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong makapasok sa Kaniyang tahanan. Katunayan, ang mga gusaling Simbahang itinayo sa mundong ito ay nagsisilbing patikim at pasilip sa walang hanggan at maluwalhating kaharian ng Diyos sa langit. Bakit? Gumawa ng paraan ang Diyos upang mangyari ito. Ipinakilala sa Unang Pagbasa kung paano ito ginawa ng Diyos. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ipinagkaloob Niya sa atin bilang Manunubos. Dahil dito, mayroon tayong pagkakataong makapiling ang Mahal na Poon sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito.
Hindi tayo makakapasok sa langit sa pamamagitan ng katiwalian at pandaraya. Ang bawat isa sa atin ay makakapasok sa langit kung lagi tayong gagawa ng paraan upang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay gumawa ng paraan upang tayong lahat ay tulungang makapasok sa langit kung saan makakapiling natin Siya magpakailanman. Huwag natin itong balewalain at sayangin dahil nais Niya tayong makasama sa langit magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento