Biyernes, Nobyembre 29, 2024

KASAMA NATIN ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

18 Disyembre 2024  
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi 
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24 


Tampok sa Ebanghelyo ang pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa isang panaginip. Ipinaliwanag ng nasabing anghel kay San Jose ang dahilan kung bakit nagdadalantao ang Mahal na Birheng Maria bago sila ikinasal. Hindi nakiapid si Maria. Bagkus, nagpasakop siya sa kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Ang Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay hindi bunga ng pakikiapid. Bagkus, ang Banal na Sanggol na dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ay ang mismong bukal ng tunay na pag-asa. Niloob mismo ng Diyos ang pagdadalantao ng Mahal na Inang si Maria, kahit na hindi pa siya kasal sa lalaking kaniyang mapapangasawa na si San Jose dahil inihayag Niya noon pa man na gagawin Niya ito. Tinutupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang bitiwan noon pa man sa pamamagitan nito. Ang lahat ng mga nangyari ay bahagi ng plano ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos na magmumula sa lahi ni Haring David ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang Panginoong Diyos na ipinakilala sa Salmong Tugunan bilang patnubay at gabay ng lahat ng mga hari sa bayang Kaniyang hinirang at itinalaga na walang iba kundi ang Israel at Tagapagligtas rin ng tanan ay nagpasiyang magdulot ng pag-asa sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Kaya naman, isinalungguhit sa Ebanghelyo ang plano ng Diyos na Kaniyang inihayag noon pa mang una. Hindi Niya kinalimutan ang Kaniyang pangako. Wala Siyang balak limutin ang Kaniyang pangako. Tapat Siya sa mga pangakong Kaniyang binitiwan. Ang takdang panahon ay hinintay lamang Niya. Nang sumapit ang takdang panahon, ang panahong Siya mismo ang nagtakda, tinupad ng Diyos ang pangakong binitiwan Niya sa Lumang Tipan. Dumating Siya upang ang Kaniyang bayan ay Kaniyang makasama. Ang Poong Jesus Nazareno ay ang katuparan ng pangakong ito. Patunay lamang na hindi nililimot ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan. 

Nangako ang Diyos na darating Siya upang ang bayang Kaniyang hirang ay Kaniyang makapiling. Tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. 

Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Diyos ay tapat sa mga pangakong Kaniyang binitiwan - nais Niyang magdulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga pangakong Kaniyang binitiwan, ipinapalaganap ng Diyos ang tunay na pag-asa na nagmumula lamang sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento