26 Disyembre 2024
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22
Larawan: Hans von Aachen (1552–1615), The lapidation of Saint Stephen (c. 1600), Church of St. Stephen in Kraków, Public Domain.
Kapag ang ika-26 ng Disyembre ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, ang nasabing petsa ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Esteban, ang Unang Martir ng Simbahan. Tiyak na may mga magtataka kung bakit isang martir ang itinatampok at ipinagdiriwang sa araw na kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang na isang araw para sa isang makulay at maligayang pagdiriwang. Kung tutuusin, maaari namang ipagdiwang ang Kapistahang ito sa ibang araw na malayo-layo naman mula sa araw ng Kapaskuhan.
Itinatampok sa araw na kasunod ng pagdiriwang ng Kapaskuhan si San Esteban dahil sa kaniyang pasiyang manatiling tapat sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Hindi niya ikinatakot ang pagdaloy ng sarili niyang dugo alang-alang sa Poong Jesus Nazareno. Bagkus, kusang-loob na ipinasiya ni San Esteban na gawin ito bilang tanda ng kaniyang katapatan sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Ang pasiya ni San Esteban ay maging tapat na tagahatid ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na ipinasiya Niyang ipagkaloob sa bawat tao sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno.
Ang buhay at pagkamartir ni San Esteban ay itinampok sa Unang Pagbasa. Buong linaw na isinalungguhit sa maikling talambuhay ng Unang Martir ng Simbahan na si San Esteban na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang kaniyang taos-pusong pasiyang maging tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Ipinasiya ni San Esteban na isabuhay ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan at ang mga salitang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo bilang tanda ng kaniyang taos-pusong katapatan hanggang sa huli.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo, mayroon tayong tungkuling maging mga tagapagpalaganap ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Huwag nawa tayong matakot maging tapat sa Poong Jesus Nazareno hanggang sa huli. Gaya ni San Esteban, tumindig tayo para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento