24 Disyembre 2024
Ikasiyam at Huling Araw ng Simbang Gabi
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79
Inilahad sa Ebanghelyo ang awit-papuri ng ama ni San Juan Bautista na si Zacarias na kilala ng nakararami sa tawag na Benedictus. Sa awiting ito, nagpatotoo si Zacarias tungkol sa walang maliw na katapatan ng Diyos. Hindi Siya nakakalimot sa Kaniyang pangako. Ang mga pangakong binitiwan ay Kaniyang tinutupad sa panahong itinakda Niya. Patunay lamang ito ng kabutihan, biyaya, pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa ng Panginoong Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ang pangako ng Panginoong Diyos kay Haring David. Una itong inihayag ng Panginoong Diyos kay Propeta Natan. Ipinangako ng Panginoong Diyos kay Haring David na isa sa kaniyang mga anak ang papalit sa kaniya sa sandali ng kaniyang pagpanaw. Tinupad nga ng Panginoong Diyos ang pangakong ito. Isa sa kaniyang mga anak, si Solomon, ang pumalit sa kaniya bilang hari. Nang maging hari, hindi pinabayaan ng Panginoon si Solomon. Lagi Niyang tinulungan, pinatnubayan, at ginabayan si Haring Solomon. Iyon nga lamang, sa bandang huli, sinuway ni Solomon ang Panginoong Diyos at nagsimulang sumamba sa mga diyus-diyusan dahil sa pag-udyok ng kaniyang mga asawa at mga asawang-alipin. Sa halip na manatiling tapat, binaon na lamang sa limot ni Haring Solomon ang kabutihan ng Diyos.
Ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay sumasalamin sa nilalaman ng kaniyang puso. Tunay nga niyang iniibig ang Panginoong Diyos. Dahil sa kaniyang taos-pusong pag-ibig para sa Panginoon, nais ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan na ipalaganap ang tunay na pag-ibig at pag-asang nagmumula lamang sa Panginoon saan man siya magtungo.
Katulad ni Propeta Natan sa Unang Pagbasa at ng mang-aawit sa Salmong Tugunan, si San Juan Bautista ay hinirang at itinalaga ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang misyong ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos ay binigyan ng pansin ng ama niyang si Zacarias sa isa sa mga taludtod ng kaniyang awit-papuri na inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kaniyang misyon, ang tunay na pag-asa sa Diyos lamang nagmumula ay kaniyang ipinalaganap sa lahat.
Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay hinirang at itinalaga upang ipalaganap ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Maging bukal nawa sa ating mga puso at loobin ang pagtanggap at pagtupad sa misyong ito na bigay sa atin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento