Sabado, Disyembre 7, 2024

GALAK NA HATID NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

30 Disyembre 2024 
Ikaanim na Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


"Magalak ang kalangitan at daigdig ay magdiwang" (Salmo 95, 11a). Sa mga salitang ito ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito sa loob ng Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang tanging dahilan kung bakit dapat tayo magalak ay walang iba kundi ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ito ang aral na nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. 

Itinampok sa Ebanghelyo si Ana, ang kabiyak ng puso ni Simeon. Matapos ihandog sa Templo ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, napuspos siya ng galak. Nakita ni Ana sa sandaling yaon ang katuparan ng pangako ng Diyos. Ang pangako ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Hindi binaon sa limot ang pangakong binitiwan sa Lumang Tipan. Sa pamamagitan nito, nagdulot ng pag-asa sa lahat ang Diyos. Hindi tulad ng pag-asang dulot ng mundo ang pag-asang dulot ng Diyos. Ang pag-asang dulot ng Diyos ay ang tunay na pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, tayong lahat ay pinaalalahanan ni Apostol San Juan na hindi natin dapat tanggapin ang pag-asang dulot ng mundong ito. Hindi matatagpuan sa mundo ang tunay na pag-asa. Ang tunay na pag-asa ay nagmumula lamang sa Panginoong Diyos. Ito ang pag-asang dapat nating tanggapin. Kung ibubukas natin ang ating mga puso at isipan sa tunay na pag-asang dulot ng Panginoong Diyos, mapupuspos tayo ng tunay na galak na Kaniyang kaloob. Sa Diyos tayo dapat umasa, hindi sa mundo. 

Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay na Simbahang tatag ni Kristo, alam natin kung saan nating matatagpuan ang tunay na pag-asa. Hindi natin ito matatagpuan at masusumpungan sa daigdig na ito. Matatagpuan at masusumpungan lamang natin ito sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento