29 Disyembre 2024
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus Maria at Jose
1 Samuel 1, 20-22. 24-28 [o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6.12-14)]/Salmo 83 (o kaya: Salmo 127)/1 Juan 3,1-2. 21-24 (o kaya: Colosas 3, 12-21)/Lucas 2, 41-52
Larawan: James Tissot (1836–1902), Jesus Found in the Temple (c. Between 1886 and 1884), Brooklyn Museum, Public Domain.
Ang larawan ng pamilya bilang isang biyaya mula sa Diyos ay binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito. Hindi tayo dumating sa mundong ito sa isang misteryosong paraan. Bagkus, nagmula tayo sa isang pamilya. Niloob ng Diyos na tayong lahat sa mundong ito ay maging bahagi ng isang pamilya nang sa gayon ay makaranas tayo ng pag-ibig at pagkalinga.
Sa Unang Pagbasa, si Samuel ay ipinagkaloob ng Panginoong Diyos kay Ana upang maging kaniyang anak. Nakatuon naman sa kusang-loob na pasiya ng Diyos na ang bawat isa sa atin ay ibilang sa Kaniyang pamilya ang pangaral ni Apostol San Juan na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Ang salaysay ng paghahanap sa Batang Jesus Nazareno ay itinampok at inilahad naman sa Ebanghelyo. Isang bagay lamang ang nais isalungguhit nang buong linaw ng kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Hindi pangkaraniwan ang Batang Poong Jesus Nazareno. Siya mismo ay ang Bugtong na Anak ng Diyos na nagpasiyang magkatawang-tao upang tayong lahat ay iligtas.
Hindi naman kinailangan ng Poong Jesus Nazareno na bumaba mula sa langit bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kung tutuusin, kung ninais lamang ng Poong Jesus Nazareno, hindi Niya kakailanganin pang dumating sa mundo ayon sa proseso ng buhay ng tao. Maaari na lamang Siya dumating sa mundo taglay ang buo Niyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos. Sa totoo lamang, mas madaling gawin iyon at mas maginhawa. Bukod pa roon, 'di hamak na mas marami pa Siyang magiging mga tagasunod kung ipinasiya lamang Niyang gawin iyon. Puwede rin nating sabihing ang Simbahang Kaniyang itinatag ay mas maagang magsisimula kung ginawa Niya iyon.
Oo, 'di hamak namang mas madali at mas maginhawa para sa Panginoong Diyos na magpakitang-gilas sa tanan sa simula pa lamang. Nilikha Niya ang proseso ng buhay ng tao. Subalit, sa kabila nito, kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na magpasakop sa proseso ng buhay na likha Niya. Ipinasiya Niyang maging bahagi ng isang pamilya na binubuo nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno dahil nais Niyang idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.
Buong linaw na isinalungguhit sa Salmong Tugunan na mayroong pagkakataon ang lahat na makapiling ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ibinilang ng Diyos ang lahat upang maging bahagi ng Kaniyang pamilya. Katunayan, niloob ng Panginoong Diyos na maging bahagi ng isang pamilya ang lahat ng mga tao nang sa gayon ay may mga magpapakilala sa Kaniya sa mga susunod na henerasyon.
Niloob ng Diyos na maging bahagi tayo ng pamilya upang makaramdam tayo ng pag-ibig at pag-aruga. Sa pamamagitan nito, ipinapasilip ng Panginoong Diyos sa atin ang buhay na walang hanggan kung saan magkakapamilya tayo sa Kaniya. Tayong lahat ay dinudulutan Niya ng tunay na pag-asa tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento