6 Enero 2025
Lunes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 3, 22-4, 6/Salmo 2/Mateo 4, 12-17. 23-25
SCREENSHOT: #QuiapoChurch 7PM #OnlineMass • 08 December 2024 • 2nd Sunday of #Advent #Peace (Facebook and YouTube)
Ang pagiging tapat sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan ng Inang Simbahan sa atin. Palagi tayong inaanyayahan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Kaniyang mga tapat na tagasunod sa bawat sandali ng ating buhay dito sa daigdig na ito na pansamantala lamang. Sa pamamagitan nito, ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit ay inaaalok Niya sa atin.
Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagsalita tungkol sa katapatan sa Diyos. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang tatag mismo ni Kristo, dapat tayong maging tapat sa Diyos. Dahil tayong lahat ay Kaniyang iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, walang dahilan upang hindi tayo maging tapat sa Kaniya. Hindi na tayo mga alipin o mga bihag. Mayroon na tayong kalayaan at pag-asa ang bawat isa sa atin. Ang katapatan sa Diyos ay buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Buong linaw at lakas na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay upang makapaglingkod ang lahat sa Diyos nang may dalisay at taos-pusong katapatan.
Dalisay at taos-pusong katapatan ang hinahanap ng Poong Jesus Nazareno sa bawat isa sa atin. Ang mga tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno ay yaong mga hindi magsasawang maging tapat sa Kaniyang taos-pusong paglilingkod at pamamanata sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento