Huwebes, Disyembre 5, 2024

KUMPLETO ANG PASKO DAHIL SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17.22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1,18-25)


"Maligayang Pasko!" ang bati natin sa bawat isa tuwing sasapit ang ika-25 araw ng buwan ng Disyembre, ang araw na inilaan ng para sa pagdaraos ng taunang maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Buong linaw na isinasalungguhit ng pagbating ito ang pagiging maligaya ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon ay isang araw ng kaligayahan. 

Subalit, ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay isang araw upang maging maligaya? Mga masasarap na pagkain sa hapag-kainan? Mga regalo? Ano ba ang mayroon sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at dapat maging masaya ang lahat sa pagsapit ng araw ng nasabing pagdiriwang? Ano ba ang dapat ikatuwa at ikasaya ng lahat, lalung-lalo na't hindi na mabilang ang mga krisis at problemang hinaharap ng komunidad, lipunan, at pati na rin ang buong mundo sa sobrang dami ng mga ito? 

Ipinapaalala sa ating lahat ng mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang bukod-tanging dahilan kung bakit ang nasabing araw ay isang araw upang ang bawat tao sa daigdig na ito ay mapuspos ng tuwa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni Propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos para sa Kaniyang bayan. Darating ang Panginoon upang maghatid ng kaligayahan at pag-asa sa Kaniyang bayan. Inilarawan naman ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Ang pag-ibig ng Diyos na walang maliw ay ang dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na tuparin ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Buong linaw na ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa mga nagkatipon sa isang sinagoga sa Antioquia sa salaysay ng kaganapang itinampok sa Ikalawang Pagbasa kung paanong tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan. Tinupad ng Diyos ang pangakong Kaniyang binitiwan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ni San Mateo ang katapatan ng Diyos na kahit kailan ay hindi magmamaliw. Nang sumapit ang takdang panahon, isinilang ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Diyos ang Kaniyang walang maliw na katapatan. 

Noong gabi ng unang Pasko, sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng kapanganakan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, dumating sa mundo ang tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob Niyang mangyari ito. 

Hindi tungkol sa iba't ibang bagay gaya na lamang mga masasarap na pagkain, mga palamuti, mga regalo, mga salu-salo, at maging ang malamig na simoy ng hangin ang taunang maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan. Bagkus, ang pagdiriwang ng Pasko ay tungkol sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos na kusang-loob na nagpasiyang magdulot ng kaligayahan at pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Bugtong na Anak. Kaya naman, may kasama man o wala, magarbo man o simple, masaya pa rin ang pagdiriwang ng Pasko.

Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos, may kaligayahan ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang Panginoong Diyos ay dumating sa lupa upang ang sangkatauhan ay iligtas sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan nito, kinumpleto ng Diyos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento