2 Enero 2025
Paggunita sa Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at Pantas ng Simbahan
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 2, 22-28/Salmo 97/Juan 1, 19-28
Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tungkulin ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi sapilitan ang Kaniyang pagdating sa daigdig. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawang ito, idinulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni San Juan Bautista nang buong linaw sa mga saserdote at mga Levita na hindi siya ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na hinihintay ng lahat sa loob ng mahabang panahon. Subalit, sa kabila nito, mayroong ugnayan ang kaniyang misyon at ang misyon ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Si San Juan Bautista ay hinirang at itinalaga ng Diyos upang mauna sa ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na kaniyang kamag-anak. Sa pamamagitan ng kaniyang tungkulin bilang tagapagpauna ng kaniyang kamag-anak na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang lahat ng mga Israelita ay inihanda niya para sa pagdating ng bukal ng tunay na pag-asang nagliligtas.
Isinalungguhit nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang kaligtasang dulot ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Dumating ang Poong Jesus Nazareno upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, ipinalaganap ng Poong Jesus Nazareno ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Sa Unang Pagbasa, ang pakiusap ni Apostol San Juan para sa lahat ay inilahad. Hindi tayo dapat magpalinlang, magpaloko, at magpatalo sa mga anti-Kristo. Bagkus, ang bawat isa sa atin ay dapat manatiling tapat sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gaano man kahirap gawin ito dahil sa dami ng mga pagsubok sa buhay, ito pa rin ang dapat nating gawin. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tunay nga tayong umaasa sa Mahal na Poon.
Dumating ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno upang iligtas tayo. Sa pamamagitan nito, si Jesus Nazareno ay nagdulot ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa lahat. Bilang tugon, dapat nating buksan ang ating mga sarili kay Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, pinatutunayan nating tunay nga tayong umaasa sa Kaniya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento