Huwebes, Disyembre 5, 2024

BIYAYANG KALOOB NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

25 Disyembre 2024 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 


Inilahad sa Ebanghelyo para sa Bukang-Liwayway ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, ang salaysay ng isinagawang pagdalaw ng mga pastol sa Kaniya. Matapos tanggapin mula sa mga anghel sa langit ang balita tungkol sa pagsilang ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, ipinasiya ng mga pastol na tumungo sa lungsod ng Betlehem upang dalawin Siya na kusang-loob na nagpasiyang dumating sa mundong bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Batid naman nating lahat na hindi kinailangan ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kung ninais lamang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, nanatili na lamang Siya sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Maaari na lamang magpakasarap at magpakaginhawa ang Poong Jesus Nazareno sa Kaniyang kaharian sa langit kung saan ang mga anghel ay mag-aalay ng tapat at taos-pusong papuri at pagsamba sa Kaniya, katulad na lamang ng inilarawan sa ikalawang taludtod ng Salmong Tugunan.

Subalit, kahit na hindi naman kailangang pumarito sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon. Hindi napilitan si Jesus Nazareno na pumarito sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kusang-loob Niya itong ginawa. Ang dahilan kung bakit ipinasiya Niya itong gawin, kahit na hindi naman kailangan, ay walang iba kundi ang Kaniyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan.

Dahil sa Kaniyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan, ang Poong Jesus Nazareno ay kusang-loob na dumating bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko upang ipagkaloob sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ipinaliwanag sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa kung ano ang paraang ginamit ng Panginoong Jesus Nazareno upang isagawa ito. Ang misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na bigay ng Amang nasa langit ay isinalungguhit nang buong linaw sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagligtas sa atin, naghatid Siya ng pag-asa sa ating lahat. 

Ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko ay kusang-loob na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi sapilitan ang Kaniyang pagdating. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin sapagkat nais Niyang magdulot ng pag-asa sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento