Linggo, Pebrero 23, 2014

ANG TUNAY NA PAG-IBIG – HINDI “ROMANTIC LOVE”

Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48

Ano ang unang pumapasok kapag napapakinggan natin ang salitang ‘pag-ibig’?  Madalas, ang unang pumapasok para sa marami, lalung-lalo na po ang mga Pilipino ay ang salitang ‘kilig.’  Halimbawa rito ay ang mga tagapagpasubaybay ng mga love story na pinapalabas sa telebisyon, maging sa ABS-CBN Channel 2 man o sa GMA-7.  Hindi ba, madalas, kinikilig ang mga tagapagsubaybay ng mga programang love story.  Kaya, maraming nagsasabing, ‘kilig much,’ ‘kilig to da bones,’ atbp.  Usung-uso po ngayon ang ‘romantic love.’

Si Hesus ay nagturo tungkol sa pag-ibig sa Ebanghelyo ngayon.  Pero, para sa mga mahilig sa mga nakakakilig na love story, hindi po ‘romantic love’ ang tinuturo ni Hesus.  Ang pag-ibig na tinuturo ni Hesus sa Mabuting Balita ay ‘agape’ o ang pag-ibig na walang kapalit, walang kundisyon, buong-buo.  Ito ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat.  Minamahal tayo ng Panginoon ng buong-buo, walang kapalit.  Perpekto ang pag-ibig ng Diyos.

Ipinapakita rin ni Kristo na ang pagpapatawad ay isang gawa ng pag-ibig.  Dagdag ng Panginoon na dapat tayong umibig sa ating mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa atin.  Mahirap pong gawin iyon.  Bilang tao, may limitado ang ating pag-ibig at pasensya.  Madalas, nauubusan tayo ng pasensya sa isang tao dahil sa mga nagawang kasalanan laban sa’yo.

Ang pagpapatawad ay napakahirap gawin.  Bakit?  Sa tuwing nakikita natin ang taong nagkasala sa atin,  naalala natin ang kasalanan ng taong iyon sa atin.  Ang puso natin ay nasugatan dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin ng taong iyon.  Mas lalo pang masakit at masusugatan ang ating puso kung mabigat ang kasalanang ginawa sa atin ng isang matalik na kaibigan o mahal sa buhay.  Para bang hindi na natin alam kung sino ang ating mga kakampi.  Halos lahat ng tao sa buong mundo ay kalaban natin. 

Iilan lamang sa mga paraan ng pagkakasalang ginagawa laban sa atin ay ang pagkakanulo at pagkaila sa atin, ipahiya tayo sa harapan ng maraming tao, sirain ang ating mga pangalan at sirain ang reputasyon natin.  Halimbawa, kapag tayo ay binugbog sa harapan ng maraming tao na walang kalaban-laban, napapahiya tayo sa harapan ng maraming tao nakakakita sa pangyayari, lalung-lalo na po kung binugbog tayo sa isang pampublikong lugar. 

Ano ba ang nais nating gawin sa mga taong may mabigat na kasalanan laban sa atin?  Nais natin gumanti, hindi ba?  Gusto tayong makaganti sa kanila upang maramdaman at matikma nila ang sakit na pinadanas nila sa atin.  Katulad ng sinabi, “Mata sa mata at ngipin sa ngipin.” (An eye for an eye and a tooth for a tooth.)  Sa gayon, binayaran na nila ang kasalanan nila sa atin at makakahinga tayo ng maluwag.  Iyan ang kadalasang nais gawin ng lahat ng tao.  Balikan ang mga nagkasala sa atin upang makaganti.  Sabi nga rin, “Anuman ang inutang, iyon din ang kabayaran; kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran.” 

Pero, pagpapatawad ang tinuturo ni Hesus.  Tinuturo ni Hesus na walang kwenta ang paghihiganti.  Walang kabuluhan kapag tayo’y naghiganti.  Kaya, tinuturuan Niya tayo kung paanong umibig sa mga kaaway natin.  Ang paghihiganti, sa halip na magbibigay ng ginhawa, ay lalo pang magdadagdag ng galit at poot sa ating mga puso.  Hindi tayo hihilumin ng paghihiganti.  Mas lalo tayong mapapahamak kapag naghiganti tayo.  Ang paghihiganti ay hindi magkakaloob ng tunay na kapayapaan.  Mas maginhawa ang ating pakiramdam kapag tayo ay nagpatawad.  Hindi tayo nagkasala laban sa ating kapwa sa pamamagitan ng paghihiganti. 

Para sa ilan, masarap at maginhawa ang buhay kapag nakahiganti sila sa mga kaaway nila.  Makakahinga na sila ng maluwag kapag binayaran na ng kanilang mga kaaway ang mga inutang sa kanila.  Ang katotohanan, ang paghihiganti ay hindi nakakahilom.  Bagkus, ito ay nagpapabigat sa ating kalooban at ang galit ng isang tao ay nadadagdag dahil sa poot.  Hindi ito nakakabubuti para sa ating lahat.  Walang panalo sa paghihiganti.

Kung ang Diyos ay kayang magpatawad sa ating lahat, kahit sa pinakamabigat na kasalanan, tayo pa kaya?  Hindi po madaling tularan ang pag-ibig at awa ng Diyos.  Sapagkat ang Diyos lamang ang umiibig nang wagas, walang pagkukulang, walang kapalit,  walang katulad.  Mahirap mang umibig katulad ng Diyos, sikapin natin na tumulad sa pagmamahal ng Diyos sa atin. 

Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang tunay na diwa ng Sampung Utos ng Diyos.  Kaya ibinigay ng Diyos ng Sampung Utos ay upang turuan tayong magmahal.  Nawa’y sikapin nating umibig sa ating kapwa at sa ating mga kaaway.  Hindi po romantikong pag-ibig ang tinutukoy ng Panginoon.  Ang pag-ibig na itinuturo sa atin ng Panginoon ay ang Kanyang pag-ibig sa atin.  Gusto ninyo ng isang halimbawa.  Masdan ninyo ang crucifixo.  Masdan natin si Kristong nakapako sa krus.  Hindi kinailangan ni Kristo ang mamatay sa krus, pero pinili Niyang gawin iyon dahil tayo’y Kanyang mahal at patuloy na mamahalin.  

Sabado, Pebrero 22, 2014

SAN PEDRO APOSTOL: ANG UNANG SANTO PAPA NG SIMBAHAN

Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 


Ang ating Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagkakilala ni Apostol San Pedro na si Kristo ang ipinangakong Mesiyas.  Sa pamamagitan ng sagot na ito sa tanong na ito ni Kristo, hinirang si Pedro ni Kristo bilang kauna-unahang Santo Papa ng Santa Iglesya.  Hindi galing sa tao ang sagot na ito, kundi ipinagkaloob ng Diyos kay Pedro ang sagot na ito.  Ang dating pangalan ni San Pedro bago niya sinagot ang katanungang ito ni Kristo ay Simon.  Pero, binago ng Panginoon ang pangalan ni Simon.  Ang pangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon ay Pedro.  

Bakit Pedro?  Ang ibig sabihin ng pangalang Pedro ay bato.  Sa batong ito itinayo ni Hesus ang Kanyang Simbahan.  Itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Santa Iglesya.  Si Apostol San Pedro naman ang batong ikinatatayuan ng Simbahan na itinatag ni Kristo.  Dito makikita natin ang pagiging bato ni Apostol San Pedro.  Ang Simbahang itinayo ni Kristo ay nananatili pa rin magpahanggang ngayon.  Tiniis ng Simbahan ang bawat pag-uusig at masasamang salita tungkol sa kanila.  Hinding-hindi nawasak ang Simbahan dahil sa batong ito.

May misyon na ipinagkakatiwala ang Panginoong Hesus kay San Pedro Apostol.  Ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro ang mga susi ng kalangitan.  Ang ibig sabihin ng mga susi na ito ay pamamahala.  Siya ang mamamahala at mamumuno sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus pagdating ng araw ng pagbabalik ni Hesus sa langit.  Alam ni Hesus na hindi Siya magtatagal sa mundong ito.  Balang araw ay babalik Siya sa langit.  Kaya, ipinagkatiwala ang pamamahalang ito kay Pedro upang ipagpatuloy ang mga aral ng Panginoong Hesus.  

Bilang tagapamahala ng Simbahang itinatag ni Kristo sa lupa, nakaranas rin si Apostol San Pedro ng mga kahinaan at ng pagkakamali.  Ang Panginoon ang Siya lamang walang kasalanan o pagkakamali.   Napakahirap na tungkulin ang maging bikaryo ni Kristo dito sa lupa.  Noong nagsalita si Kristo tungkol sa Kanyang kamatayan sa Jerusalem, tumutol at naging hadlang si San Pedro at pinagsabihan Siya ng Panginoon.  

Noong bisperas ng kamatayan ng Panginoon, sinabi ni San Pedro na handa siyang ipagtanggol ang Panginoon upang hindi matuloy ang pagdakip sa Kanya.  Ngunit sinabi ng Panginoon na Siya’y ipagkakaila ni San Pedro Apostol bago tumilaok ang manok.  Gayon nga ang nangyari.  Nang makilala si Pedro ng ilang tauhan, tinanong niya kung siya nga ay tagasunod ng Panginoon, ipinagkaila niya ito.  Tatlong beses pa ginawa iyon ni Pedro.  At noong tumilaok ang manok, naalala niya ang mga sinabi ng Panginoon tungkol sa magaganap.

Pero, sa kabila ng mga kahinaan ni San Pedro, pinili pa rin siya ni Kristo.  Kahit napakarami Siyang mga kasalanan at pagkakamali, inamin niya ang pagkakamali.  Si Pedro ay nagpakababa at humingi ng kapatawaran mula kay Kristo.  Hindi siya nawalan ng pag-asa noong siya’y pagkakamali.  Nagturo ang Panginoon tungkol sa kabutihang-loob at awa ng Diyos.  Noong siya’y humingi ng kapatawaran mula sa Panginoon, pinatawad siya ng Panginoon.

Higit na dalawang libong taon na ang ating Simbahan.  Ang kasalukuyang Santo Papa natin ngayon na si Papa Francisco ang ika-266 na kasunod ni San Pedro bilang kahalili ni Kristo sa mundong ito.  Inaakay niya tayo papunta kay Kristo, ang tunay na pastol.  Ang Santo Papa ay ang tagapangasiwa, ang pastol natin sa mundong ito.  Pero, ang tunay na pastol ay si Kristo Hesus.    

Napakaraming ang umusig sa Simbahan noong mga nakaraang panahon, pero nananatili pa rin ang Simbahang itinatag ni Kristo.  Tiniis ng Inang Simbahan ang bawat pagsubok at magpahanggang ngayon ay nananatiling matatag pa rin ang Simbahan.  Ipinangako sa atin ng Panginoon na tayo’y Kanyang sasamahan hanggang sa katapusan ng sanlibutan.  Hinding-hindi tayo papabayaan ng Panginoon.  Siya ang tunay na pastol.  Tayo ang kanyang mga tupa.  Ano naman ang papel ng Santo Papa?  Siya ang tagapangasiwa ng tunay na pastol. 

Paano naging bikaryo o kahalili ni Hesus sa lupa ang Santo Papa?  Noong muling nabuhay si Hesus, inutusan Niya si Pedro, ang unang Santo Papa, na pakainin at alagaan ang Kanyang mga tupa (Juan 21, 15-19).  Sa pamamagitan ng mga utos ni Hesus, ipinagkakatiwala Niya kay Pedro ang pangangalaga sa mga tupa ni Hesus.  Ipinagkakatiwala Niya kay Pedro ang mga responsibilidad ng Santo Papa.  Akayin ang mga tupa ng Panginoon sa mundo. 

Naalala ko po noong nakaraang taon, inanunsyo ni Papa Emerito Benito XVI na siya’y bibitiw sa kanyang pwesto bilang Santo Papa.  Ang balitang ito’y nakakagulat para sa marami, sapagkat matagal na magmula noong bumitiw sa kanyang pwesto bilang kahalili ni Kristo sa mundo ang isang Santo Papa.  Pero, buong pagpapakumbaba inamin ni Papa Emerito Benito XVI na hindi na niya kayang gampanan nang mabuti ang pagiging Santo Papa.  Nagpakababa siya.  Inamin niyang hindi na niya kaya ang mga pananagutan bilang Santo Papa dahil sa kanyang katandaan at mahina na siguro ang kanyang katawan.  Ang Santo Papa Emerito Benito XVI ay kaisa natin sa paglalakbay natin sa lupa patungo kay Kristo, ang tunay na pastol.  Siya ay kasama natin at ni Papa Francisco sa paglalakbay tungo kay Hesukristo, ang tunay na pastol.  


Linggo, Pebrero 16, 2014

ANG TUNAY NA KALAYAANG DULOT NG KAUTUSAN

Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Sirak 15, 16-21 (gr.  15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 
(o kaya:  5, 20-22a.  27-28.  33-34a.  37)

Ang Unang Pagbasa natin ngayon ay tungkol sa kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos.  Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng kalayaan?  Upang tayo’y gamitin ito para sa kabutihan.  Ang utos ng Diyos ay gamitin ang kalayaang ito para sa kabutihan.  Ito’y para sa ating lahat.  Kapag sinusundan natin ang mga utos ng Diyos, ginagamit natin ang kalayaang ito sa wastong pamamaraan.  Huwag tayo’y abusuhin ito.  Hindi dapat abusuhin ang biyayang ito. 

Ang Ikalawang Pagbasa naman ay tungkol sa karunungan at kalayaan na galing sa mundong ito. Binababalaan tayo ni Apostol San Pablo na maaaring akayin ng mga ito patungo sa kapahamakan.  May pekeng kalayaan na ipinapakita ng mundo.  Huwag tayo magpapaloko sa kanila.  Ito’y isang babala mula kay Apostol San Pablo.  Huwag tayong mahulog sa bitay ng kasinungalingan tungkol sa kalayaan mula sa mundong ito. 

Sa ating Ebanghelyo, ipinapahayag ni Hesus na ang Kanyang misyon dito sa lupa.  Hindi Niya ipapawalang-halaga ang Kautusan.  Bagkus, naparito Siya upang matupad at bigyan ng halaga ang Kautusan.   Paano Niya tinutupad ang Kautusan?  Sa pamamagitan ng pag-ibig.  Ibinabalik ni Kristo ang tunay na diwa ng Kautusan.  Ano ang tunay na diwa ng Kautusan?  Pag-ibig.

Napakahalaga ang pagsunod sa batas.  Ang dahilan ng pagsunod sa pisikal na batas ay para sa ating kabutihan natin at ng ating kapwa.  Halimbawa, bakit pinapatigil natin ang ating sasakyan kapag kulay pula ang stop light?  Upang mabigyang daan ang iba pang mga sasakyan at kung sakaling may mga taong tumatawid sa kalsada, makakatawid sila, lalung-lalo na po kapag matanda.  Nagsasakripisyo tayo ng oras upang makatulong sa ating kapwa.  Walang hari o reyna ng daan.  Kaya, dapat, huwag tayong magreklamo. 

Ang pisikal na pagsunod sa batas ay hindi sapat para sa Panginoon.  Maaaring maging malaya ang isang tao nang pisikal, pero, ang kanyang puso ay bihag ng kasamaan.  Kahit ang pisikal na tao ay malaya, pwede rin siyang maging bihag ng kasalanan.  Ginamit ng Panginoon ang ika-5, ika-6 at ika-8 na utos upang mailarawan kung paano ito maging posible.  Ang pakikiapid, ang pagpatay, at ang pagsaksi ng walang katotohanan laban sa kapwa o ang pagsisinungaling. 

Unahin muna natin ang pagpatay.  Kahit hindi natin pinapatay ang ating kapwa, ang pamumuhay bilang alipin ng galit at poot ay tumutulong sa pagpatay sa kapwa.  Ito ay nagpaparumi sa ating mga puso.  Ang pamumuhay bilang bihag ng galit at poot ay nagbibigay ng pagnanasa upang patayin ang ating kapwa.  Sa paraang iyon, tayo ay nagkakasala, kahit hindi natin pinatay nang pisikal.

Ang pangalawa naman ay tungkol sa pakikiapid.  Paano nakikiapid ang isang tao?  Pagkakaroon ng kabit o kerida, hindi ba?  Iyon ang pinakamasikat na pamamaraan ng pakikiapid.  Pero, hindi lang iyon ang nag-iisang paraan ng pakikiapid.  Ano pa ang mga iba pang pakiapid?  Binabanggit na ito ng Panginoong Hesus.  Ang pagtingin sa isang babaing maganda nang may pagnanasa.  Ang pagiging malisyoso.  At kung inaakala ng mga tao na pag-ibig ang pagtatalik sa hindi mo pa namang asawa o kaya sa labas ng kasal, nagkakamali sila.  Hindi na iyon pag-ibig.  Pangangalunya o pakikiapid na iyon.

Kakatuwa lang, coincidentally, noong nakaraang Biyernes, Valentine’s Day o Araw ng mga Puso.  Ito siguro ang araw ng kakiligan.  Pumasok po tuloy sa aking isipan ang kanta ni Imelda Pampin.  Ang kantang ito ay “Isang Linggong Pag-Ibig.”  Nagkakilala noong Lunes, nagtapat ng pag-ibig noong Miyerkules at nagmamahalan noong Biyernes.  Maayos ang pagmamahalan nila mula Lunes hanggang Biyernes.  Pero, nagbago ang lahat noong Sabado.  Bakit?  Nagkatampuhan ang mag-nobyo.  At pagsapit ng Linggo, iniwan na.  Nagkahiwalay.  Ganyan ba ang pag-ibig na dapat ipakita sa ating minamahal sa buhay?  Isang linggo lang ang tagal?

Para kay Hesus, ang pag-ibig ay dapat ipakita natin araw-araw.  Hindi lamang isang linggo.  Dapat, sa bawat araw ng ating buhay, minamahal natin ang kapwa.  Hindi po romantic love ang tinutukoy dito ni Hesus.  Ang pag-ibig na galing sa Diyos ay dapat nating ipakita at ipadama sa ating kapwa.  Ang Diyos lamang ang umiibig nang wagas.  Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig sa atin.  Ang Diyos lamang ang may tunay at perpektong pag-ibig.

Mahirap pong umiwas na tumingin sa mga babae na maganda  Pero, yun nga lang, ang dulot ng pagtingin sa kanila nang matagal ay pakikiapid.   Hindi ba, napapatulo ang laway ng isang lalaki kapag nakakita siya ng isang maganda at sexy pa?  Kapag tumingin siya nang matagal, mga isang minuto na siguro, iyan na.  Sintomas na iyon ng pakikiapid.  Kahit hindi pwede, parang nais magtalik ang lalaki sa isang babaeng maganda.  Pag-ibig ba iyon?  Malaya ba ang taong iyon?  Hindi!  Nabubuhay siya bilang alipin ng pakikiapid.

Pangatlo, ang utos laban sa pagsaksi ng masama laban sa kapwa na mas kilala bilang pagsisinungaling.  Marami pong mga kasinungalingan sa mundo bawat oras.  Pero, may isa pang paraan ng pagsisinungaling.  Alam po ba ninyo yung mga oath taking sa mga opisyal ng pamahalaan?  Gamitin natin ito bilang isang halimbawa.  Bakit magsusumpa ang isang opisyal ng gobyerno kung sa tingin niya ay hindi niya kaya ang pananagutan ng pagiging isang opisyal sa pamahalaan?  Hindi ba, pagsisinungaling na iyon.  Sa pamamagitan nito, niloloko niya ang kanyang mga kababayan.  Hindi niya ipinapakita ang kanyang pag-ibig sa bayan.

Ibig sabihin ng pangatlo, magpakatotoo ka.  Kung hindi ka pa handa, aminin mo, hindi ka pa handa at hindi mo pa kaya ang pananagutang ito.  Kung handa ka na, sabihin mo yung totoo.  Siguraduhin mo na nagpapakatotoo ka.  Iyan ang isa pang hamon mula sa Panginoon.  Magpakatotoo sa sarili at sa kapwa. 

Kapag pinaglingkuran natin ang Diyos, tayo’y makakaranas ng tunay na kalayaan upang mabuhay.  Paano natin mapaglilingkuran ang Diyos?  Iilan lamang sa maraming paraan ay ang pagtanggal, pag-iwas at pagtakwil sa mga masasamang gawain, katulad ng pagpatay, pakiapid at pagsisinungaling.  Kapag sinikap nating umiwas sa kasalanan, tayo ay nabubuhay sa kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos.  Ito’y paraan ng paglingkod sa Diyos.  Binibigyan tayo ng kalayaan ng Diyos upang gumawa ng mabuti.  Huwag nating abusuhin ang kalayaang ito.  Isa itong biyaya mula sa Diyos.  Huwag tayong maging abusado o abusada sa biyayang ito mula sa Diyos.  

Linggo, Pebrero 9, 2014

ANG ATING MISYON: PAGIGING ASIN AT LIWANAG SA SANLIBUTAN

Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 58, 7-10/Salmo 111/1 Corinto 2, 1-5/Mateo 5, 13-16


Ang Unang Pagbasa po ay tungkol sa mga korporal na gawa ng awa.  Pito po ang mga korporal na gawa ng awa.  Ilan lamang po sa mga gawaing ito ay ang pagpapakain at pagpapainom sa mga nagugutom at nauuhaw, pagpapatuloy sa mga walang matutuluyan at pagpaparamit sa mga walang damit.  Sa pamamagitan ng paggawa ng mga korporal na gawa, ipinapakita natin ang ating tulong sa ating kapwa-tao na nangangailangan. 

Ang paggawa ng mabuti sa ating kapwa-tao ay ang pagiging liwanag sa sanlibutan.  Hindi lamang ito para sa mga Israelita kundi para sa ating lahat.  Paano tayo magiging liwanag ng mundo?  Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.  Dagdag pa ng Panginoon sa ika-25 kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo na ang mga ginagawa natin sa ating kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga ginagawa natin para sa Kanya. 

Sa Ikalawang Pagbasa naman, makikita natin kung paanong si Apostol San Pablo ay nangaral sa mga taga-Corinto.  Hindi siya nagturo ayon sa karunungan ng tao, kundi ginabayan siya ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan ng Diyos.  Noong pumunta siya sa Corinto upang mangaral tungkol kay Kristo, hindi siya naging masikat.  Hindi siya kilala.  Para bang low-profile ang pagdating ni San Pablo Apostol sa Corinto.

Bilang isang dayuhan sa Corinto, siyempre natakot si Apostol San Pablo.  Hindi porke’t na isa siyang santo, wala na siyang kahinaan.  Kapag lumilipat tayo sa ibang lugar, hindi ba kinakabahan o natatakot tayo?  Hindi kasi tayo kilala sa lugar na iyon, di tulad ng lugar na kung saan tinitirhan natin, marami tayong kakilala.  Si San Pablo Apostol rin ay natakot din.  Ngunit sa tulong ng Diyos, nangaral siya tungkol kay Hesukristo.  Siya’y ginabayan ng Diyos sa kanyang misyon. 

May misyon na ipinagkakatiwala sa atin si Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon.  Ito po ay pagiging mga asin at liwanag ng sanlibutan.  Napakahirap na pananagutan ito.  Isa itong biyaya mula sa Panginoon.  Pero, mahirap para sa atin ang gampanan ang misyong ito.  Paano nating magagampanan ang malaking pananagutang ito ipinagkakatiwala sa atin ni Kristo?  Masyadong mahirap ito.  Napakalaki ang pananagutang ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon.

Ang kabuluhan ng misyong ito ay upang magbigay ng papuri sa Diyos ang lahat ng tao.  Kahit gaanong kalaki at kabigat ang misyong ito, ito’y hindi para sa atin.  Ito’y para sa Diyos.  Hindi lamang po para sa mga Israelita o Hudyo sa Unang Pagbasa ang pagiging liwanag ng mundo.  Hindi lamang po para sa mga alagad ang misyong ito.  Para sa ating lahat ang misyong ito. 

Papaano ba tayong maging mga asin at liwanag ng mundo?  Sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa.  Kung ano ang ginawa nating mabuti para sa ating kapwa-tao, ginagawa natin ito kay Hesus at para kay Hesus.  Maraming paraan upang gumawa ng mabuti sa kapwa-tao.  Katulad lamang ng mga korporal at espirituwal na gawa ng awa.  Pagpapakain sa mga nagugutom, pagpapatuloy sa mga walang tirahan, pananalangin para sa kapwa, at marami pang iba. 

Pero, isang babala lamang.  Huwag gawing pampasikat ang pagpapagawa ng mabuti sa kapwa.  Ang misyong ito ay hindi upang magkaroon ng mga tagahanga.  Kung gusto niyong sumikat, gumawa na lang kayo ng pelikula o pumasok sa palakasan (sports).  Hindi pampasikat ang misyon ito.  Hindi dapat pakitang-tao ang ating mga ginagawa nating paglingkod sa Diyos.  Hindi dapat tayo ang bida.  Dahil kung tayo ang naging bida, hindi natin ginagampanan ng tama ang ating misyon bilang tagapaglingkod ng Diyos.

Napakaraming paraan ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.  Kabilang na rito ang pagkakawang-gawa at pananalangin sa Diyos para sa kapwa-tao na nabubuhay at ang mga namayapa na.  Ang tanging layunin ng ating misyon bilang asin at liwanag ng sanlibutan ay upang maparangalan ang Diyos.  Hindi tayo ang bida; ang Diyos ang bida.  Siya ang humirang at nagsugo sa ating lahat bilang misyonero, pari, obispo, madre, at maging mga layko.   Pero, gumawa tayo ng kabutihan nang may pagpapakumbaba.  Magpakababa tayo at ipahayag natin ang Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng ating salita at mabubuting gawa.  Iyan ang pagiging asin at liwanag ng sanlibutan.   

Linggo, Pebrero 2, 2014

HESUS: ANG KATUPARAN NG PANGAKO NG DIYOS

Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo (A)
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya:  2, 22-32) 


Isang espesyal na pagdiriwang ang ipinagdiriwang natin ngayon.  Ngayon po ay ang Kapistahan ng Candelaria o ang Pagdadala kay Hesus sa Templo.  Kakaiba ang pagsimula sa Banal na Misa ngayon.  Nilaktawan ang pagsisisi sapagkat nagsimula ang Misa ngayon sa pamamagitan ng prusisyon sa labas ng Simbahan.  Binasbasan ng pari ang mga kandila na hindi pa nakasindi.   Pagkatapos ng pagbabasbas sa mga kandila, sama-samang nagprusisyon ang lahat ng tao papasok sa Simbahan.  Kahit gaano mang kahaba ang prusisyon, sa Simbahan nagtatapos ang prusisyon.

Apatnapung araw pagkatapos ng Kanyang pagsilang, ang sanggol na Hesus ay dinala sa Templo ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa templo sa Jerusalem ayon sa kautusan ni Moises.  Sa tradisyon ng mga Hudyo, kapag lalaki ang panganay na anak, apatnapung araw ang kailangang lumipas mula sa araw ng kanyang kapanganakan bago ihandog siya sa templo.  Pero, kung babae naman ang panganay na anak, kailangang walumpung araw ang lumipas bago ihandog siya sa templo.  Hinding-hindi na kinailangan ihandog pa ang Panginoong Hesukristo sa templo dahil Siya ang Anak ng Diyos.  Pero, dahil minamahal tayo ni Kristo, Siya’y inihandog sa templo.  Bakit?  Upang ipakita sa atin na Siya’y kaisa natin araw-araw sa ating buhay.  Siya ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.   

Hindi lang ang paghahandog kay Hesus ang ipinagdiriwang natin tuwing Pista ng Candelaria.  Ipinagdiriwang din ang paglilinis kay Maria.  Kahit na ang Mahal na Ina ay iniligtas ng Diyos mula sa kasalanang mana bago pa siya ipinanganak ni Santa Ana, sinunod ni Maria ang ritwal na ito.  Kapag nanganak ang isang babae, pitong araw siyang ituturing marumi.  Hindi na kinailangang sumailalim sa ritwal na ito, gayong kinalugdan siya ng Diyos at pinili maging ina ni Hesukristo.  Pero, dahil masunurin si Birheng Maria, siya’y sumailalim sa ritwal na ito.

Inilalarawan ng Unang Pagbasa ang pagparito ng Panginoon.  Ang aklat ni Malakias ang huling aklat ng Lumang Tipan.  Marahil nakakatakot ang Pagbasang ito.  Nakakatakot ang bahagi kung saan nasusulat na darating ang Panginoon na parang apoy.  Nakakatakot pakinggan, noh? Pero, ang nais ipaabot sa atin ng Pagbasang ito ay lilinisin tayong lahat ng Panginoon sa Kanyang pagdating.  Lilinisin tayong lahat mula sa ating mga kasalanan.  Mas malalim pa nga ang salitang ginamit.  Dadalisayin tayo ng Panginoon.  Medyo mahirap ang pagdalisay sa atin ng Panginoon, pero kahit gaano mang kahirap, gagawin ito ng Panginoon dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin at nais Niyang makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit.

Ang Panginoong Hesus ay inilalarawan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa bilang saserdote.  Hindi pangkaraniwang saserdote si Hesus.  Siya ang pinakadakilang saserdote.  Ang gawain ng isang saserdote ay ang maghandog ng mga susunuging alay sa Panginoon.  Pero, hindi pangkaraniwang alay ang ginawa ni Hesus.  Bakit?  Hindi tupa o kambing ang inalay Niya, kundi ang buhay Niya.  Ang buhay ni Kristo ang naging handog sa Ama.  Inihandog ni Kristo ang Kanyang sariling katawan, dugo at buhay alang-alang sa ating mga kasalanan.  Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, ang bawat tao ay nililinis.  Nililinis tayo mula sa ating mga kasalanan.  Kahit gaano mang kahirap ang ginawa ng Panginoon, ginawa pa rin Niya ito bilang pagsunod sa kalooban ng Ama at paglinis sa mga kasalanang ginawa ng buong sangkatauhan.

Dumako naman tayo sa Ebanghelyo.  May isang matandang tao na ang pangalan ay Simeon.  May asawa rin siyang may edad na rin na ang pangala’y Ana.  Ipinangako sa kanya ng Diyos na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas, ang ipinangakong Tagapagligtas.  Napakatanda na si Simeon.  May pangako pa ang Diyos kay Simeon.  Bago mamatay si Simeon, makikita niya ang Tagapagligtas.  Makikita natin na sa pangako ng Diyos, maasahan natin palagi ang Diyos.  Kapag nangako sa atin ang Diyos, maaasahan natin na iingatan at tutuparin Niya ang Kanyang pangako.  Kung sa tao may konting pagdududa tayo at taas-kilay, hindi natin iyan magagawa sa Diyos.  Sa bawat araw ng ating buhay, maaasahan natin na tutuparin at iingatan ng Diyos ang Kanyang pagako sa atin.  Hinding-hindi tayo bibiguin ng Diyos. 

Nang makita ni Simeon na dinadala ni Jose at Maria ang sanggol na Hesus, kinalong niya ang sanggol.  Sa wakas, nakita niya ang ipinagako ng Diyos.  Nakita na ni Simeon ang Mesiyas.  Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako.  Makikita ni Simeon ang Mesiyas bago siya mamatay.  Nangyari ang pangako ng Diyos.  Nakita ni Simeon ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.  Nakita niya ang liwanag ng sanlibutan sa pagkatao ni Kristo.  Masayang-masaya na si Simeon, siguro, dahil pagkatapos nito, makakapaghimlay na siya sa piling ng Panginoon.

Matagal na naghintay sina Simeon at Ana para sa pangako ng Diyos.  Kahit gaanong katagal ang pagdating ng pangako ng Diyos, naghintay pa rin sila.  Hindi nagtagal, ipinakilala ng Diyos sa mag-asawa ang Mesiyas.  Ipinakilala ng Diyos si Hesukristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.  Hinding-hindi sila binigo ng Diyos.  Hindi sila nawalan ng pag-asa.  Ang Diyos ay palaging maasahan.  Kapag nangako ang Diyos, hindi biro iyon.  Seryoso ang Diyos sa pangako Niya.  Totoo ang Kanyang pangako.  Mapagkakatiwalaan ang bawat pangako ng Diyos.   Kung iniisip natin na wala tayong mapagkakatiwalaan, nagkakamali tayo.  Ang Diyos ay palagi nating maasahan at hinding-hindi Niya tayo bibiguin dahil minamahal Niya tayo at mahalaga tayo sa paningin ng Diyos.