Lunes, Setyembre 30, 2019

HINDI MINAMADALI

6 October 2019 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 


"Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos" (17, 5). Ito ang samo ng mga apostol sa Panginoong Hesus sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Subalit, ang tugon ni Hesus ay hindi nila inasahan. Hindi Niya tinupad ang kanilang kahilingan. Kahit ilang ulit Niyang sinabihang napakaliit ang pananalig ng mga apostol, wala Siyang ginawa upang dagdagan o palakihin ito. Bagkus, itinuro ni Hesus sa mga apostol na marami silang magagawang kahanga-hangang bagay kahit kasinlaki lamang ng butil ng mustasa ang kanilang pananalig (17, 6). Matapos sabihin iyon, nagsalaysay Siya ng isang maikling talinghaga. 

Para kay Kristo, ang pananalig ay hindi basta-basta lalaki o madadagdagan. Bagkus, kailangan nating magbigay ng sapat na panahon upang lumago ito. Hindi ito dapat minamadali. Wala namang sinabi ang Panginoon tungkol sa durasyon nito. Kung tutuusin, hindi sinabi ng Panginoon kung mabilis ba o mabagal ang prosesong ito. Hindi na mahalaga para sa Panginoon kung gaano katagal lumago ang pananalig ng bawat isa. Ang pinakamahalaga sa Kanya, hinahayaan nating lumago at tumibay ang ating pananalig sa Kanya. 

Bakit isang munting butil ng mustasa ang ginamit ng Panginoong Hesukristo upang ilarawan ang kahalagahan ng pananalig? Dahil nagsisimula sa mga maliliit na bagay ang mga malalaking bagay. Sabi ng Panginoon sa talinghaga tungkol sa butil ng mustasa na mula sa maliit na butil na ito'y umusbong ang isang napakalaking puno (13, 18-19). Bagamat ginamit ni Hesus ang talinghagang iyon upang ilarawan ang paghahari ng Diyos, isa rin itong angkop na larawan ng paglago ng ating pananalig sa Diyos. Katulad ng paghahari ng Diyos na binubuo Niya sa pamamagitan ng mga mababa ang kalooban, maaari nating palaguin ang ating pananampalataya at pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa ng mga maliliit na bagay. 

Sa Unang Pagbasa, si propeta Habacuc ay nanaghoy sa Diyos dahil pakiwari niya'y hindi pinakikinggan ang kanyang mga dalangin. Kahit na sinunod niya ang mga utos at loobin ng Maykapal, parang hindi siya pinapansin. Subalit, hindi tumagal at tumugon ang Panginoon. Sa tugon Niyang ito, may pangako Siyang binibitwan. Darating ang panahon kung kailan ililigtas Niya ang mga matutuwid. 

Ano ang mga katangian ng mga matutuwid na tao? Sila ang mga gumagawa ng mabuti, malaki man o maliit. Sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawa, gaano man kalaki o kaliit ang mga iyon, ipinapakita nila ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Panginoong Diyos. 

Iyan ang payo ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa. Kung tutuusin, ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay naaangkop pa rin sa kasalukuyang panahon. Pinayuhan niya si San Timoteo na huwag ikahiya ang Panginoon. Bagkus, manatiling tapat sa Kanya at sa misyong ibinigay Niya sa Simbahan. Paano ito maipapakita? Sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Iyan ang magsisilbing patunay na tunay tayong matuwid sa paningin ng Panginoon. 

Nananalig at sumasampalataya sa Diyos ang mga tunay na matuwid sa Kanyang paningin. Laging bukas ang kanilang mga puso't isipan sa kalooban ng Panginoon. Ang kanilang pananalig at pananampalataya ay lagi nilang hinahayaang lumago at tumibay. Ang kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos ay napapatunayan ng kanilang mga salita at gawain sa bawat araw. Iyan ang tunay na matuwid sa paningin ng Panginoong Diyos. Iyan ang tunay na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang mga nagtalaga ng kanilang mga sarili sa Diyos. 

Biyernes, Setyembre 27, 2019

PAANO NGA BA MAKAPASOK SA LANGIT?

29 Setyembre 2019 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31 


Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagsalita laban sa mga mayayaman at namumuhay nang maginhawa. Sabi ng Diyos na may hangganan ang kanilang kaligayahan at kaginhawaan. Sa unang tingin, mukhang tutol ang Diyos sa istilo ng pamumuhay ng mga tao sa Unang Pagbasa. Mukhang nagagalit ang Diyos dahil ang tao'y namumuhay nang may ginhawa at saya. Subalit, kung papansinin natin nang mabuti ang mga talata sa Unang Pagbasa, makikita natin kung ano nga ba talaga ang ikinagalit ng Diyos. Ang Diyos ay nagalit sa kasakiman ng mga tao. Wala nang ibang inisip kundi ang sariling kapakanan. Wala nang malasakit para sa kapwa. At higit sa lahat, ipinagpalit ang Diyos. Iyan ang kinasuklaman ng Panginoon. 

Iyan ang binigyan ng pansin sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo. Napakalinaw sa talinghagang ito ang babala ng Panginoong Hesus laban sa kasakiman. Inihayag ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng talinghagang ito na katakut-takot ang sasapitin ng mga gahaman. Ang mga walang malasakit sa kapwa, ang mga mapang-api, ang mga mapang-abuso, ang mga pumapatay sa mga inosente sa ngalan ng mga makamundong kayamanan, ay parurusahan ng Panginoon. 

Hindi kinikilala ng mga sakim o gahaman ang Panginoong Diyos. Kung tutuusin, iba ang kinikilala nilang diyos. Ang kanilang mga kayamanan ay ginagawa nilang diyos-diyosan. Handa silang gawin ang lahat para lamang manatili sa kanila ang kanilang kayamanan sa daigdig. Hinahayaan nila ang kanilang sarili na masilaw sa mga kayamanan dito sa lupa. At kapag may nanghingi ng kahit kaunting limos mula sa kanya, hindi niya sila papansinin. Wala silang malasakit para sa kapwa, lalung-lalo na para sa mga mahihina at mahihirap. Iyan ang kasakiman. At ang kasakiman ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. 

Nagsalita naman ng pansin ni Apostol San Pablo ang mga bagay na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos sa kanyang payo kay Timoteo sa Ikalawang Pagbasa. Binigyan niya ng mahahalagang payo si San Timoteo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa. Ano naman ang payong iyon? Ang mamuhay nang may katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan (6, 11). Hindi lamang puro dasal lamang ang ginagawa. Kailangang ipakita ito sa iba pang mga gawaing mabubuti. Kapag ginawa ng bawat isa ang mga iyon, kalulugdan siya ng Panginoon. Kapag ang mga iyon ay ginawa ng isang tao, tinatahak niya ang landas ng kabanalan. 

Paano ito maipapakita ng bawat isa? Sa pamamagitan ng panalangin at paggawa ng iba pang mga mabubuting gawain katulad ng pagkakawanggawa. Kapag nanalangin ang bawat isa, inihahayag nila ang kanilang pagkilala sa Diyos. Kinikilala nila ang Diyos bilang Panginoon at Hari ng kanilang buhay. Kapag ang bawat isa ay gumawa ng mabuti sa kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap, ibinabahagi nila ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Nagpapakita sila ng malasakit sa kapwa katulad ng ginawa ng Diyos para sa kanila. Iyan ang kalooban ng Diyos para sa lahat. Kapag iyon ay sinunod ng bawat isa, labis Siyang matutuwa. 

Kung nais nating makapiling ang Panginoon magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa lupa, huwag tayong maging abusado. Huwag tayong maging maramot. Huwag tayong maging gahaman. Huwag nating gawing diyos-diyosan ng ating buhay ang mga kayamanan sa daigdig. Bagkus, lagi tayong mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Mamuhay tayo nang may malasakit para sa ating kapwa, lalung-lalo na para sa mga maralita. Sa pamamagitan nito, kinikilala natin ang Diyos bilang ating Panginoon at Hari. Hindi sapat na manalangin lamang tayo. Bagkus, kailangan nating ipakita sa ating mga gawa ang ating pagkilala sa Panginoong Diyos na buong puso't isipan nating iniibig at sinasamba. 

Linggo, Setyembre 22, 2019

WALANG SUKUAN?

28 Setyembre 2019 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaaring laktawan)/Mateo 5, 1-12 


Sa unang tingin, mukhang madali ang pagiging Katoliko. Magsisimba lamang tayo tuwing araw ng Linggo at sa mga mahahalagang araw. Laging magdadasal. Laging magbabasa ng Banal na Bibliya. Magiging deboto ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng mga santo't santa. Mayroon pa ngang sasama sa mga prusisyon sa karangalan ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng iba pang mga santo at santa. Kung ang mga ito ang batayan ng pagiging mabuting Katoliko, papasa ang bawat isa. Para bang walang kahirap-hirap sa pagiging Katoliko. 

Iyan ang madalas na inaakala ng mga tao tungkol sa pananampalatayang Katoliko, lalo na sa kasalukuyang panahon. Puro panalangin lamang ang ginagawa ng mga Katoliko. Tungkulin lamang ng bawat Katoliko na manalangin at magsimba araw-araw. Iyon lang. Tapos na. Subalit, hindi lamang iyon ang batayan ng pagiging isang tunay na Katoliko. Ang pagiging Katoliko ay hindi lamang nasusukat sa pagiging madasalin at palasimba. Mayroon pang kailangan gawin ang bawat isa upang lalo pang lumalim at lumago ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. 

Ang pagiging Katoliko ay nasusukat rin sa kagitingan at katapatan. Ito ang ipinakita ni San Lorenzo Ruiz sa mga huling sandali ng kanyang buhay dito sa daigdig. Sa halip na itakwil si Kristo, ipinasiya niyang maging tapat sa Kanya hanggang wakas. Mas nanaisin pa niyang mamamatay bilang isang tapat at magiting na Katoliko kaysa isuko ang kanyang pananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit ang araw na ito ay inilaan sa paggunita kay San Lorenzo Ruiz.

Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang paksang ito. Sa Unang Pagbasa, binigyang-diin ang kahalagahan ng kagitingan at katapatan ng mga nananalig sa Panginoong Diyos. Ang mga tunay na nananalig at sumasampalataya sa Panginoon ay nananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa halip na talikuran at itakwil ang Diyos, pinili nilang manatiling tapat sa Kanya. Iyan ay dahil hindi Niya bibiguin ang mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong katapatan hanggang sa huli. Walang sukuan. Sabi naman ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nananatiling tapat sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Diyos hanggang sa huli ay tunay na mapalad. Dahil sa kanilang katapatan, sila'y gagantimpalaan ng Panginoon pagdating ng panahon. 

Subalit, tayo mismo ang magpapasiya kung gagawin natin ito. Nais man ng Diyos na manalig tayo sa Kanya, hindi Niya tayo pipilitin kung labag ito sa ating kalooban. Wika ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay pinili ng Diyos upang maging Kanya (2, 9). Subalit, hindi tayo pinipilit ng Diyos na tanggapin ang pagpapalang ito. Sa bandang huli, tayo pa rin ang magpapasiya kung mamumuhay tayo ayon sa kalooban ng Panginoon. 

Ang tanong para sa bawat isa sa atin - handa ba tayong manatiling tapat sa Diyos hanggang wakas katulad ni San Lorenzo Ruiz? Mananatili ba tayong tapat sa Kanya sa gitna ng mga iba't ibang uri ng imoralidad, kasamaan, at tukso sa ating buhay? 

Martes, Setyembre 17, 2019

MABUTING PAGPAPASIYA

22 Setyembre 2019 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 8, 44-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13) 


Inihayag ng Panginoong Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Isa lamang ang dapat piliin. Dapat natin itong pagpasiyahan nang mabuti. Sino o ano ang ating pipiliin? Sino o ano ang ating paglilingkuran? Saan ba natin ibibigay ang ating katapatan? Tandaan, hindi natin mapaglilingkuran ang dalawa nang sabay. Isa lamang ang kailangan nating piliin. Kaya, kailangan natin itong pag-isipan nang mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa tusong katiwala sa unang bahagi ng mahabang bersyon ng Ebanghelyo. 

Maituturing na isang babala laban sa pagpili sa kayamanan dito sa daigdig ang pahayag ni propeta Amos sa Unang Pagbasa. Bakit siya nagbabala laban sa pagpili sa mga kayamanan sa lupa? Kapag ipinagpasiya ng tao na paglingkuran ang mga kayamanan sa lupa, sila'y nagiging gahaman at sakim. Ito ang inilarawan ni propeta Amos sa Unang Pagbasa. Kapag ang mga kayamanan sa daigdig ay ginawang hari ng isang tao, iisipin lamang niya ang sarili niyang kapakanan. Wala nang halaga o saysay sa kanya ang malasakit. Magiging abusado siya sa mga dukha. Wala siyang ibang pahahalagahan kundi ang sarili. Wala siyang pakialam sa iba, lalo na sa mga mahihirap. Bakit? Para sa kanya lamang ang kayamanang yaon. Ang kayamanan dito sa daigdig ay ginawang diyus-diyusan at hari. 

Nakakalungkot isipin na ito ang nangyayari ngayon. Sarili lamang ang iniisip. Ang kapakanan ng kapwa, lalo na ng mga mahihirap, ay hindi na isinasaalang-alang at pinapahalagahan. Wala na silang pakialam kung maaapektuhan ang kapwa, lalo na ang mga dukha, basta matupad ang kanilang mga plano. Katunayan, handa pa nga sila pumatay dahil sa pera. Walang balak ibahagi ang yaman dahil iyon ay para lamang daw sa kanila. Basta maginhawa ang kanilang buhay kasama ang kanilang kayamanan na kanilang isinosolo, masaya na sila. Kapag may humingi ng tulong mula sa kanila, wala silang pakialam. Hindi nila papansinin. Kulang na lamang ay patayin nila dahil mga "banta" sila laban sa kanilang kayamanan. Ginawang diyus-diyusan ang makamundong kayamanan. Nagpapaalipin sa mga kayamanan dito sa lupa. Nakakalungkot. Kasuklam-suklam ito. 

Anong mangyayari sa bawat isa kapag pinili nilang paglingkuran ang Diyos nang buong katapatan? Ito'y itinuro ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Kapag ipinasiya ng bawat isa na paglingkuran ang Diyos nang buong katapatan, magiging mabuti ang kanilang mga budhi. Mabuti ang kanilang ihahangad sa kapwa. Handa silang tulungan ang kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Hindi nila ipagkakait sa kapwa ang tulong na kanilang kailangan. Hindi sila magiging maramot. Hindi sila magiging sakim. Bagkus, sila'y magiging bukas at mapagbigay. Ang kanilang mga ginagawa ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iyan ang kagandahan sa paglilingkod sa Panginoong Diyos nang buong katapatan. Kapag ipinasiya ng bawat isa na paglingkuran ang Panginoon nang buong katapatan, tinatahak nila ang landas ng kabanalan. Paano matatahak ng bawat isa ang landas ng kabanalan? Paano mapaglilingkuran ng bawat isa ang Panginoon? Sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawain. 

Tayo mismo ang magpapasiya kung kanino natin ibibigay ang ating katapatan. Ang Diyos ay hindi magpapasiya para sa atin. Bagkus, tayo mismo ang magdedesisyon at mamimili. Sino o ano ang ating paglilingkuran? Kanino natin ibibigay ang ating katapatan? Pagpasiyahan natin ang mga tanong na ito nang mabuti. 

Lunes, Setyembre 16, 2019

PAGKAKATAONG IBINIBIGAY SA LAHAT

21 Setyembre 2019 
Kapistahan ni Apostol San Mateo, Manunulat ng Mabuting Balita 
Efeso 4, 1-7. 11-13/Salmo 18/Mateo 9, 9-13 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtawag ni Hesus kay Apostol San Mateo. Isang kilalang publikano si Apostol San Mateo. Sa mata ng mga Hudyo, si Apostol San Mateo ay isang traydor sapagkat siya'y nakikipagtulungan sa mga Romano. Siya'y tumutulong sa mga Romano sa pamamagitan ng pangungulekta ng buwis. Iyan ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang galit ng mga Israelita sa mga publikanong katulad niya. Sinakop ng mga Romano ang kanilang bansa. At sa halip na makibaka laban sa mga Romano kaisa ng kanilang mga kababayan, ang mga publikanong tulad ni Mateo ay nakikipagtulungan sa kanila. Subalit, sa kabila nito, tinawag siya ng Panginoong Hesus upang sumunod sa Kanya bilang Kanyang alagad. Mula noon, iniwan at tinalikuran na ni San Mateo ang pagiging isang publikano. 

Naranasan ni Apostol San Mateo ang awa ng Diyos sa sandaling iyon na kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Pinagkaitan siya ng pangalawang pagkakataon mula sa kanyang mga kababayan. Ang mga publikanong katulad niya'y kinasuklaman ng lahat sapagkat siya'y nakipagtulungan sa mga sumakop sa bayan. Ang pangalawang pagkakataong ipinagkait sa kanya ng kanyang mga kababayan ay tinanggap niya mula sa Panginoong Hesukristo. Nang tawagin siya ni Kristo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, napagtanto niya na ang Diyos ay tunay na maawain. Ang Diyos ay handang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga makasalanan. 

Katulad ni Apostol San Mateo sa Ebanghelyo, naranasan ni Apostol San Pablo ang awa ng Diyos. Bago siya naging isang apostol at misyonero, inusig ni Apostol San Pablo ang mga sinaunang Kristiyano. Subalit, nagbago ang lahat para sa kanya noong makatagpo niya si Kristo sa daan patungong Damasco. Matapos mabulag sa loob ng tatlong araw at manumbalik ang kanyang paningin, si Apostol San Pablo ay nagpabinyag. At matapos magpabinyag kay Ananias, ang ginamit ng Panginoon bilang Kanyang instrumento sa pagpapabalik ang kanyang paningin, nangaral si Apostol San Pablo nang buong sigasig tungkol kay Kristo. Sa lahat ng mga lugar na kanyang pinuntahan sa kabuuan ng kanyang misyon bilang apostol at misyonero, nagpatotoo siya tungkol kay Kristo. Kahit na siya'y ibinilanggo at inusig dahil sa kanyang mga pangaral, patuloy siyang nagpatotoo tungkol sa Panginoon, tulad na lamang ng kanyang ginawa sa Unang Pagbasa. 

Ang Diyos ay laging handang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa lahat ng mga nagkasala laban sa Kanya. Hindi Niya ipinagkakait sa kanila ang Kanyang awa at habag. Habang ang bawat isa dito sa daigdig ay may hininga, patuloy silang binibigyan ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na magbalik-loob sa Kanya. Hindi pa huli ang lahat para sa bawat isa habang may buhay. Habang humihinga pa tayo, may pagkakataon pa tayong manumbalik sa Diyos. Hinihintay ng Panginoon ang taos-puso nating pagtitika at pagbabalik-loob sa Kanya. 

Iyan ang dahilan kung bakit dapat galangin ang buhay ng bawat tao mula sa pagsilang hanggang sa huling sandali ng buhay dito sa lupa. Hindi katanggap-tanggap ang pagpatay sa bawat tao. Gaano pa man sila kasama, hindi dapat ipagkait sa kanila ang pagkakataong baguhin ang kanilang buhay. Habang may buhay pa ang tao, maaari pa silang magbago. Subalit, nakakalungkot isipin na ipinagkakait sa kanila ang pagkakataong iyon. Paano nila mababago ang kanilang buhay kapag ang pagkakataong iyon ay ipinagkakait sa kanila? Iyan ang hirap sa mga taong inaakala nilang mas mataas sila sa Diyos. Wala silang pakialam sa mga inosenteng pinapatay basta matupad lamang ang kanilang mga binabalak. Ang buhay ng bawat tao ay hindi nila pinapahalagahan. Kapag sila'y binabatikos, sila pa ang nakuhang magalit. Lagi niyang iginigiit na siya lamang ang tama. Kaya, dapat manahimik na lamang sila. Bakit? Sila ang susunod nilang pupuntiryahin.

Kaya naman, ang Kapistahang ito ay hindi lamang araw ng pagdiriwang. Ito rin ay araw upang imulat ang isipan sa kahalagahan ng buhay. Huwag tayong umastang parang mga diktador o diyus-diyusan. Wala tayong karapatang ipagkait sa kapwa natin ang pagkakataong magbagong-buhay sapagkat ang bawat isa sa atin ay mga makasalanan. Subalit, sa kabila ng ating pagkamakasalanan, tayong lahat ay patuloy na binibigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ating buhay at magbalik-loob sa Diyos habang tayo'y may hininga. 

Lunes, Setyembre 9, 2019

HINDI NIYA IPINAGKAKAIT ANG KANYANG AWA

15 Setyembre 2019 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10) 


Tinalakay sa Unang Pagbasa ang Awa ng Diyos. Ang bawat Kristiyano ay tunay na mapalad sapagkat ang Panginoon ay puspos ng awa. Habang tayo'y namumuhay sa lupa, may pag-asa pa tayong magbalik-loob sa Kanya. Tayong lahat ay patuloy na binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magbagong-buhay habang tayo'y may hininga sa ating paglalakbay dito sa daigdig. Kahit hindi tayo karapat-dapat na bigyan ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob sa Panginoon dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Kanya, patuloy Niya tayong binibigyan nito. Hindi ipinagkakait sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Moises ay dumalangin nang buong kataimtiman sa Diyos para sa mga Israelita. Binalak ng Panginoong Diyos na lipulin ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan laban sa Kanya. Subalit, hindi Niya itinuloy ang planong iyon dahil sa pagdalangin ni Moises. Sa pamamagitan ng pagdalangin niya sa Diyos, ipinakita ni Moises ang kanyang pananalig sa Awa ng Diyos. Dahil sa pananalig ni Moises na kanyang ipinakita sa kanyang samo, hindi itinuloy ng Diyos ang Kanyang planong lipulin ang mga Israelita. Ang dalangin ni Moises para sa mga Israelita ay dininig at tinupad ng Panginoon. Sa kabila ng mga kasalanang ginawa ng mga Israelita, ang Panginoon ay nagpakita ng Awa sa kanila. Sila'y kinaawaan ng Diyos, kahit hindi sila karapat-dapat na kaawaan dahil sa dami ng kanilang mga kasalanan na napakabigat. 

Inilarawan rin naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano tayo pinakitaan ng Diyos ng Kanyang Awa. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa para sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Si Kristo Hesus ay ipinagkaloob ng Ama sa lahat dahil sa Kanyang Awa. Dahil sa Kanyang Awa, ipinasiya ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao mula sa kasalanan at kamatayan. Isinagawa ng Ama ang planong ito sa pamamagitan ng pagsugo sa Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Tayong lahat ay Kanyang iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay - ang Misteryo Paskwal. Ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo ay naghayag ng Kanyang Awa para sa ating lahat na mga abang makasalanan. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa at ang talinghaga tungkol sa nawawalang pilak. Matapos isalaysay ang mga nasabing talinghaga, isinalaysay naman ni Hesus ang talinghaga tungkol sa alibughang anak. Isa lamang ang nais ituro ng Panginoong Hesus sa mga talinghagang isinalaysay Niya sa Ebanghelyo. Ang Diyos ay maawain. Hindi Niya ipagkakait ang Kanyang Awa sa sinumang humingi nito sa Kanya nang buong kababaang-loob. Ibubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga dumudulog sa Kanya. Patuloy Siyang namimigay ng pagkakataon sa bawat isa na namumuhay at naglalakbay sa daigdig na ito na maranasan ang Kanyang Awa. Patuloy na binibigyan ng Panginoong Diyos ang lahat ng mga naglalakbay sa lupa ng pagkakataong magsisi't magbalik-loob. Ang pagtitika't pagbabalik-loob ng mga makasalanan ay labis na ikinatutuwa ng Diyos. 

Tulad ng mga Israelita sa Unang Pagbasa, tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, at tulad ng alibughang anak sa talinghagang isinalaysay ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo, hindi tayo karapat-dapat na tanggapin at danasin ang Awa ng Diyos. Walang sinuman sa atin ang may karapatang sabihing karapat-dapat tayong kaawaan ng Panginoon. Hindi tayo karapat-dapat kaawaan ng Panginoon dahil sa ating mga kasalanan. Paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Diyos. Kung tutuusin, hindi na mabilang ang ating mga kasalanan sa Diyos. Subalit, sa kabila nito, patuloy na ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa. Hindi Niya ipinagdadamot sa atin ang Kanyang Awa. Ibinubuhos Niya sa atin ang Kanyang Awa. Kaya, ang bawat isa sa atin ay tunay na mapalad. Mapalad tayo sapagkat kinaaawaaan pa rin tayo ng Panginoon, kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan laban sa Kanya na hindi na mabilang. 

Habang tayo'y naglalakbay sa daigdig na ito, tayong lahat ay binibigyan ng Diyos ng pagkakataong manumbalik sa Kanya. Huwag nating sayangin ang mga oportunidad na ibinibigay sa atin ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya. Samantalahin na natin ang pagkakataong ibinigiay sa atin ng Diyos upang magsisi't magbalik-loob sa Kanya. Tayong lahat ay Kanyang tatanggapin nang buong tuwa sa ating pagbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay laging naka-abang sa ating pagbabalik-loob sa Kanya.  

Sabado, Setyembre 7, 2019

KABABAANG-LOOB AT PAG-IBIG NA NAGLIGTAS

14 Setyembre 2019 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Nakakawala ng bilib. Iyan ang sinabi ng isang kilalang personalidad sa larangan ng pulitika tungkol sa paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. Para sa kanya, si Kristo ay hindi nakakabilib sapagkat siya'y nagpakita ng kahinaan. Dagdag pa niya, kung siya ay nasa posisyon ni Panginoon, uutusan lamang niya ang kidlat na tamaan ang lahat ng kanyang mga kaaway, lalo na ang mga erehe. Hindi siya bilib kay Kristo sapagkat hinayaan Niya ang Kanyang sarili na ipako sa krus. 

Bakit pinili ng Panginoong Hesukristo na ialay ang sarili Niya sa krus? Bakit hindi na lamang Siya gumamit ng ibang paraan upang tubusin ang sangkatauhan? Tutal, Siya naman ay Diyos, ang Panglawang Persona ng Banal na Santatlo. Dahil diyan, maaari Niyang gawin kung ano ang Kanyang hangarin. Bakit pinili ni Hesus ang pinakamasakit na paraan, kahit marami namang ibang paraan na maaari Niyang gamitin? Hindi lamang iyon masakit sa pisikal na pangangatawan, pati na rin sa emosyon. Walang tigil ang panlilibak at pangungutya ng Kanyang mga kaaway habang Siya'y nakabayubay sa krus na walang kalaban-laban. Ang sakit noon. Bakit ito ang pinili Niyang gawin? 

Sabi sa Ebanghelyo na pag-ibig ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na mag-alay ng buhay ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus (3, 16). Niloob Niyang maging hain ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo upang sa pamamagitan nito'y maligtas ang sangkatauhan (3, 17). Binanggit rin sa Ebanghelyo ang ginawang pagtaas ni Moises sa ahas na tanso sa ilang na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Niloob ng Diyos na itampok ang ahas na tanso na ginawa ni Moises upang magkaroon ng buhay ang lahat ng tumingala dito. Niloob Niya ito dahil sa Kanyang pag-ibig para sa Kanyang bayan sa kabila ng katigasan ng kanilang mga ulo at puso. Kahit sila'y hindi karapat-dapat, binigyan pa rin sila ng pagkakataon ng Diyos na mabuhay. At iyan ang muling ginawa ng Ama para sa atin sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo Hesus. Dagdag pa sa Ikalawang Pagbasa, tinupad ng Panginoong Hesus ang misyong ito nang buong kababaang-loob. 

Ang kababaang-loob at pag-ibig ng Panginoong Hesus ang dahilan kung bakit tayong mga abang makasalanan ay naligtas. Iyan ang sinasagisag ng Kanyang Banal na Krus. Ang krus ni Hesus ay sagisag ng Kanyang kababaang-loob at pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, ipinasiya ni Hesus na sumunod sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob. 

Kaya naman, ang krus ay napakahalaga sa atin bilang mga Kristiyano. Ang krus ay nagsisilbing larawan ng pagtubos sa atin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Isinasagisag ng krus ang kababaang-loob at pag-ibig ni Hesus para sa atin. Dahil sa pag-ibig at kababaang-loob ni Hesus, tayong lahat ay naligtas. 

Miyerkules, Setyembre 4, 2019

IBANG-IBA ANG KANYANG KALOOBAN

8 Setyembre 2019 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33 



"Sino ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos?" (9, 13) Ang katanungang ito ang bumungad sa Unang Pagbasa. Sino nga ba ang makakaunawa agad sa Diyos? Sino ang nakakaalam kung ano ang nasa isip ng Panginoon? WALA. Walang sinuman sa daigdig na ito ang makakabasa sa isipan ng Panginoon. Walang sinuman ang may kapasidad na alamin kung ano ang niloloob ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay hindi kayang pangunahan ng sinuman dito sa mundo. Ang nilalaman ng Kanyang isipan, ang Kanyang niloloob, ay mananatiling lihim sa kaalaman ng tao. Kahit ang pinakamatalinong tao sa daigdig, hindi niya malalaman kung ano ang nasa isipan ng Diyos. Isang misteryo para sa tao ang nasa isipan at loobin ng Panginoong Diyos, gaano man sila katalino. 

Paano naman malalaman ng bawat tao ang kalooban ng Diyos? Ang sagot sa tanong na ito'y nasasaad sa huling bahagi ng Unang Pagbasa. Ibinahagi ng manunulat ng aklat ng Karunungan ang sagot sa kanyang tanong sa simula ng Unang Pagbasa. Sabi niya, "Walang makaaalam ng Inyong kalooban malibang bigyan Mo siya ng Iyong Karunungan, at lukuban ng Inyong diwang banal" (9, 17). Ibig sabihin nito, ang nasa isipan at loobin ng Diyos ay malalaman ng bawat tao kapag ito'y inihayag Niya sa kanila. Hindi malalaman ng bawat tao ang nasa isipan at loobin ng Diyos kung aasa sila sa kanilang mga sarili. Malalaman lamang nila iyon kapag sila'y tinulungan ng Diyos. Paano sila tutulungan ng Diyos na malaman kung ano ang nasa Kanyang isipan at loobin? Siya mismo ang maghahayag nito. Katunayan, hindi Siya limitado sa isa lamang paraan. Marami Siyang pamamaraang ginagamit upang ihayag ang Kanyang kalooban sa bawat tao. 

Sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo, inilarawan kung paanong naiiba ang nasa isipan ng Panginoon at ang nasa isipan ng tao. Sa Ikalawang Pagbasa, nakiusap si Apostol San Pablo kay Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kanyang kapatid sa pananampalataya at hindi na bilang alipin. Ayon sa ilang mga dalubhasa sa Bibliya, malaki ang kasalanang ginawa ni Onesimo laban kay Filemon. Iyan ang dahilan kung bakit umalis si Onesimo mula sa tahanan ni Filemon. Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesus na hindi maaaring sumunod sa Kanya ang mga nagnanais ng magkaroon ng maganda at maginhawang buhay dito sa lupa. Inihayag rin Niyang hindi maaaring maging Kanyang mga tagasunod ang mga taong hindi nakasentro ang buhay sa Kanya. Inihayag rin Niya sa pinakahuling bahagi ng Ebanghelyo na kailangang talikuran at bitawan ng bawat isa ang mga bagay-bagay na nauukol sa daigdig kung hinahangad nilang sumunod sa Kanya (14, 33). 

Iisa lamang ang itinuturo sa atin ng mga Pagbasa. Iba mag-isip ang Panginoon at ang tao. Nais ng Diyos na patawarin natin ang mga nagkasala laban sa atin. Subalit, hindi naman iyan ang gusto nating gawin. Hindi naman iyan ang unang pumapasok sa ating isipan. Bagkus, nais nating maghiganti laban sa kanila kadalasan. Nais nating ipatikim sa kanila ang kasamaang ginawa laban sa atin. Ginagamit ang apoy laban sa apoy. Kapag ginawan ka ng masama, gawan mo rin siya ng masama. Bakit? Dahil iyon ay napakadali para sa atin gawin bilang tao. Kung lohika ng tao ang ating susundin, pipiliin natin ang mas madaling gawin. Kung tutuusin, sino ba naman ang mag-iisip na pahirapan ang sarili? WALA. Walang pipili ng anumang bagay na mahirap para sa kanila. Siyempre, pipiliin nila ang kaya nilang gawin. Walang mag-iisip na pahirapan ang sarili. 

Mahirap talaga ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon kung ang lohika ng tao ay susundin. Kung tutuusin, para bang walang katuturan ang kalooban ng Panginoon para sa atin. Hindi lamang ang pagpapatawad sa mga nagkasala laban sa atin ang mahirap gawin. Mahirap rin ang ipinagawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Talikuran at bitawan ang ating kayamanan at sumunod sa Kanya. Hindi natin puwedeng dalhin ang ating mga ari-arian dito sa daigdig kapag sumunod tayo sa Kanya sa landas patungo sa langit. Mahirap iyan gawin. Matapos paghirapan ang lahat ng bagay na hawak-hawak natin, bibitawan at tatalikuran rin natin iyan agad-agad para lamang sumunod sa Panginoong Hesukristo? Kung gagamitin natin ang lohika ng tao, hindi iyan lohikal. Kung susundin natin ang lohika ng tao, sisiguraduhin nating hindi mawawala ang mga iyan sa ating mga kamay o paningin. Gagawin natin ang lahat para lamang mapasaatin ang ating kayamanan at ari-arian. Hindi natin basta-basta bibitawan o pakakawalan ang mga iyan. 

Kaya, walang sinuman sa atin ang makakapagsabing nababasa niya kung ano ang iniisip ng Diyos. Hindi puwedeng sabihin ninuman na alam niya ang kalooban ng Diyos gamit ang sariling kakayanan. Ang mga nasa isipan ng Diyos ay mananatiling lihim sa tao. Ang kalooban ng Panginoon ay mananatiling lihim sa isipan ng bawat tao hanggang sa ipahayag Niya ito sa bawat isa. Marami Siyang paraan upang gawin iyon. Marami rin sa mga paraang iyon ay hindi rin natin aasahan. Misteryoso talaga ang Panginoon. Walang makakapagsabi kung paano Siya mag-isip at kumilos. Sabi nga ng Panginoong Diyos: "Ang Aking isipa'y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan . . . Ang daa't isip Ko'y hindi maaabot ng inyong akala" (Isaias 55, 8-9). 

Ano naman ang maaari nating gawin? Hintayin natin ipahayag sa atin ng Diyos ang kalooban Niya para sa atin. Kapag inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban para sa atin sa paraang gagamitin Niya na marahil ay hindi natin aasahan, tanggapin natin ito nang buong kababaang-loob. Katulad ng Mahal na Birheng Maria, tanggapin natin ang kalooban ng Diyos nang buong pananalig at kababaang-loob. Manalig lamang tayo sa Panginoon. Manalig tayong tayo'y Kanyang tutulungan na tuparin at sundin ang Kanyang kalooban. Manalig tayong hindi tayo pababayaan ng Diyos. Manalig tayong Siya ang bahala sa atin. Ang pagtanggap at pagsunod sa kalooban ng Diyos nang buong pananalig at kababaang-loob ay magdudulot ng kabutihan sa bawat isa sa atin, lalung-lalo na sa ating kaluluwa.