29 Setyembre 2019
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31
Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagsalita laban sa mga mayayaman at namumuhay nang maginhawa. Sabi ng Diyos na may hangganan ang kanilang kaligayahan at kaginhawaan. Sa unang tingin, mukhang tutol ang Diyos sa istilo ng pamumuhay ng mga tao sa Unang Pagbasa. Mukhang nagagalit ang Diyos dahil ang tao'y namumuhay nang may ginhawa at saya. Subalit, kung papansinin natin nang mabuti ang mga talata sa Unang Pagbasa, makikita natin kung ano nga ba talaga ang ikinagalit ng Diyos. Ang Diyos ay nagalit sa kasakiman ng mga tao. Wala nang ibang inisip kundi ang sariling kapakanan. Wala nang malasakit para sa kapwa. At higit sa lahat, ipinagpalit ang Diyos. Iyan ang kinasuklaman ng Panginoon.
Iyan ang binigyan ng pansin sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo. Napakalinaw sa talinghagang ito ang babala ng Panginoong Hesus laban sa kasakiman. Inihayag ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng talinghagang ito na katakut-takot ang sasapitin ng mga gahaman. Ang mga walang malasakit sa kapwa, ang mga mapang-api, ang mga mapang-abuso, ang mga pumapatay sa mga inosente sa ngalan ng mga makamundong kayamanan, ay parurusahan ng Panginoon.
Hindi kinikilala ng mga sakim o gahaman ang Panginoong Diyos. Kung tutuusin, iba ang kinikilala nilang diyos. Ang kanilang mga kayamanan ay ginagawa nilang diyos-diyosan. Handa silang gawin ang lahat para lamang manatili sa kanila ang kanilang kayamanan sa daigdig. Hinahayaan nila ang kanilang sarili na masilaw sa mga kayamanan dito sa lupa. At kapag may nanghingi ng kahit kaunting limos mula sa kanya, hindi niya sila papansinin. Wala silang malasakit para sa kapwa, lalung-lalo na para sa mga mahihina at mahihirap. Iyan ang kasakiman. At ang kasakiman ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
Nagsalita naman ng pansin ni Apostol San Pablo ang mga bagay na kalugud-lugod sa paningin ng Diyos sa kanyang payo kay Timoteo sa Ikalawang Pagbasa. Binigyan niya ng mahahalagang payo si San Timoteo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa. Ano naman ang payong iyon? Ang mamuhay nang may katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan (6, 11). Hindi lamang puro dasal lamang ang ginagawa. Kailangang ipakita ito sa iba pang mga gawaing mabubuti. Kapag ginawa ng bawat isa ang mga iyon, kalulugdan siya ng Panginoon. Kapag ang mga iyon ay ginawa ng isang tao, tinatahak niya ang landas ng kabanalan.
Paano ito maipapakita ng bawat isa? Sa pamamagitan ng panalangin at paggawa ng iba pang mga mabubuting gawain katulad ng pagkakawanggawa. Kapag nanalangin ang bawat isa, inihahayag nila ang kanilang pagkilala sa Diyos. Kinikilala nila ang Diyos bilang Panginoon at Hari ng kanilang buhay. Kapag ang bawat isa ay gumawa ng mabuti sa kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap, ibinabahagi nila ang mga biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Nagpapakita sila ng malasakit sa kapwa katulad ng ginawa ng Diyos para sa kanila. Iyan ang kalooban ng Diyos para sa lahat. Kapag iyon ay sinunod ng bawat isa, labis Siyang matutuwa.
Kung nais nating makapiling ang Panginoon magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa lupa, huwag tayong maging abusado. Huwag tayong maging maramot. Huwag tayong maging gahaman. Huwag nating gawing diyos-diyosan ng ating buhay ang mga kayamanan sa daigdig. Bagkus, lagi tayong mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Mamuhay tayo nang may malasakit para sa ating kapwa, lalung-lalo na para sa mga maralita. Sa pamamagitan nito, kinikilala natin ang Diyos bilang ating Panginoon at Hari. Hindi sapat na manalangin lamang tayo. Bagkus, kailangan nating ipakita sa ating mga gawa ang ating pagkilala sa Panginoong Diyos na buong puso't isipan nating iniibig at sinasamba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento