Sabado, Hunyo 26, 2021

AYAW NIYANG MAY MAPABAYAAN

18 Hulyo 2021 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34 


Bagamat ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay ang araw na inilaan ng Simbahan upang ituon ang pansin ng bawat mananampalataya sa larawan at titulo ni Hesus bilang Mabuting Pastol, muling binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan ang pagiging Mabuting Pastol ng ating Panginoong Hesus sa Linggong ito. Bilang Mabuting Pastol, batid nating ipinagsasanggalang at inaalagaan ni Kristo ang Kanyang kawan. Ang bawat isa sa atin na bahagi ng Kanyang kawan dito sa mundo ay tunay Niyang kinakalinga at iniibig. Ang bawat isa sa atin ay hindi Niya pinababayaan. 

Ang pagiging Mabuting Pastol ni Hesus ay binibigyan ng pansin sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Inilarawan ang Kanyang habag at malasakit para sa mga tupa. Maliwanag ang sabi sa Ebanghelyo na si Hesus ay nahabag sa mga tao "sapagkat para silang mga tupang walang pastol" (Marcos 6, 34). Bagamat ang layunin ni Hesus at ng mga alagad ay magpahinga sa isang ilang na pook, hindi Niya ipinagdamot ang Kanyang habag at malasakit para sa mga tao. Kahit na binalak nilang magpahinga sa ilang na lugar na iyon, pinili pa ring ipadama ni Hesus sa mga tao ang Kanyang habag, malasakit, at pagkalinga. 

Ramdam na ramdam ng mga tao ang habag, malasakit, at pagkalinga sa kanila ni Hesus. Ipinaramdam ng Panginoong Hesukristo sa mga taong pumunta sa ilang na pook na iyon ang Kanyang pagiging mapagkalingang Pastol. Sabi sa wakas ng Ebanghelyo na tinuruan Niya sila ng maraming bagay (Marcos 6, 34). Sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila, pinaglingkuran ng Panginoong Hesus ang mga tao. Iyan ang isang tunay na Pastol. Handang maglingkod kahit anong oras. Hindi Niya ipagdadamot ng oras o panahon ang Kanyang kawan. Iyan si Hesus, ang Mabuting Pastol. 

Hindi lamang sa Ebanghelyo tinalakay ang pagpapastol ng Panginoon. Pati sa Unang Pagbasa, tinalakay ang pagiging mapagkalingang pastol ng Panginoon. Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na titipunin Niya ang Kanyang mga tupa na nangalat sa iba't ibang lugar dahil sa ginawang pagpapabaya sa kanila ng mga pinunong inatasang magpastol sa kanila (Jeremias 23, 2-3). Ang Panginoong Diyos ay labis na nagalit sa pagpapabaya ng mga pinunong ito na inatasang magpastol sa Kanyang kawan. Sa halip na kalingain ang mga tupa, naging pabaya ang mga nasabing pinuno. Hindi iyan ang gusto ng Panginoon, ang tunay na mapagkalingang Pastol, para sa Kanyang kawan. 

Nais ng Panginoon na maramdaman ng Kanyang kawan ang Kanyang habag at pagkalinga. Nais ng Panginoon na magsama-sama ang Kanyang mga tupa. Ito ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo Hesus ay naparito sa mundo upang ang mga tupa sa Kanyang kawan ay pagbuklud-buklurin at pag-isahin muli (Efeso 2, 16). Dumating sa daigdig si Kristo upang pagkasunduhin ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang kawan (Efeso 2, 14). Sa pamamagitan nito, ang Kanyang kawan ay naging buo at isa muli. Pinag-isa muli ni Kristo ang Kanyang kawan. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya ito ginawa - upang ang Kanyang habag, malasakit, at pagkalinga ay madama ng Kanyang kawan. 

Tunay ang habag, malasakit, at pagkalinga ni Hesus, ang Mabuting Pastol, para sa Kanyang kawan. Ayaw Niyang may mapapabayaan. Ayaw Niyang may hindi makakaramdam sa Kanyang pagkalinga, habag, at malasakit. Kaya, kahit na hindi Niya kinailangang gawin ito, pumarito pa rin Siya sa mundo upang tipunin at pag-isahin muli ang mga tupa sa Kanyang kawan na nagkawatak-watak sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Biyernes, Hunyo 25, 2021

HINDI PATAG ANG DAAN

10 Hulyo 2021 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-15 

Photo Credits: Good News Productions International and College Press Publishing

Tiyak na may mga magugulat kapag nalaman nilang kung saan matatagpuan ang kaganapang isinalaysay sa Linggong ito sa Ebanghelyo ni San Marcos. Ang pagsugo ng Panginoong Hesukristo sa Labindalawa upang mangaral tungkol sa Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu ay isinalaysay sa Ebanghelyo ni San Marcos kasunod ng salaysay tungkol sa 'di-pagtanggap kay Hesus sa Nazaret, ang bayan kung saan Siya lumaki.  

Sariwang-sariwa pa siguro sa alaala ng mga apostol kung paanong si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Tiyak na nababatid nila kung gaano kasakit para sa Panginoong Hesus na hindi tanggapin sa bayan kung saan Siya lumaki. Subalit, agad Niyang isinugo ang mga apostol sa iba't ibang mga lugar sa dakong yaon upang ipangaral sa mga tao ang Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu. 

Magugulat siguro ang ilan sa atin sa pangyayaring ito, lalo na kung babasahin natin ang kabuuan ng Ebanghelyo ni San Marcos. Isipin mo, agad na isinugo ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol upang mangaral tungkol sa Mabuting Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu matapos ang 'di-pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Mapapaisip tayo siguro kung hindi iniinda ng Panginoon ang sakit na dulot ng hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret.

Huwag nating kakalimutan na tao rin ang Panginoong Hesus. Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Bilang tao, naranasan rin ni Hesus ang sakit dulot ng 'di-pagtanggap. Batid Niya kung gaano kasakit ito para sa mga tao. Kaya, ang mga apostol ay agad Niyang isinugo sa iba't ibang lugar sa dakong yaon upang ipangaral ang Magandang Balita at magpalayas ng mga masasamang espiritu pagkatapos ng napakasakit na hindi pagtanggap sa Kanya sa Nazaret. Kung tutuusin, magkaugnay ang dalawang kaganapang ito. Isinugo ni Hesus ang mga apostol matapos ang hindi pagtanggap sa Kanya ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret upang imulat sila sa posibilidad na hindi sila tatanggapin ng mga tao dahil sa kanilang ipinangangaral. Sa pamamagitan ng pagsugo sa mga apostol upang ipangaral ang Mabuting Balita at magpalayas ng masasamang espiritu sa iba't ibang lugar sa dakong iyon, itinuturo ni Hesus sa kanila na may mga hindi tatanggap sa kanila, sa kanilang ipinangangaral, at sa kanilang ginagawa. Ang ministeryo ng mga apostol, kahit bigay pa iyon ni Hesus, ay hindi tatanggapin ng lahat. May mga mapopoot sa kanila. 

Katunayan, ang hindi-pagtanggap sa mga lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi isang bagong karanasan. Naranasan ng mga propeta sa Lumang Tipan kung paanong hindi sila tinanggap ng mga tao dahil sa kanilang tungkulin. Hindi sila tinanggap, kahit na galing pa sa Diyos ang kanilang misyon. Katulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa. Ang mga ipinangangaral ni Propeta Amos ay hindi tinanggap. Ang masaklap pa, si Propeta Amos ay tinawag pang bulaang propeta (Amos 7, 12). Hindi tinanggap ng saserdote sa Betel na si Amasias ang ipinangaral ni Propeta Amos, kahit na ito'y galing sa Diyos. Nagsalita si Amos tungkol sa hatol ng Diyos sa bayang Israel dahil sa pang-aapi sa mga mahihirap at kawalan ng katarungan. Ang ginawa ng bayang Israel noong kapanahunang yaon ay labis na kinasuklaman ng Panginoong Diyos. Subalit, kahit na nagmula sa Diyos ang mga sinabi ni Propeta Amos, may mga hindi tumanggap nito. 

Ito rin ang binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kamatayan ng Panginoong Hesus sa krus ay ang sentro ng pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoon ay namatay sa krus sapagkat hindi Siya tinanggap ng mga pinunong katulad ng mga Pariseo at ng iba pang mga bumuo sa Sanedrin. Hindi Siya tinanggap ng marami, lalo na ng Sanedrin, dahil sa Kanyang mga ipinapangaral. May ilang mga tumutol at naging kaaway pa Niya. Dahil dito, dumami ang mga banta sa Kanya. Siya pa yung tinawag na banta sa bayang Israel. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin Niyang tiisin at danasin ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang pag-ibig. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay nangyari upang mahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Kahit hindi patag ang daang ito, ito'y pinili pa rin ni Hesus.

Ang bawat isa sa atin ay ipinapaalala na hindi patag ang daang tatahakin natin sa ating misyon bilang mga saksi ni Kristo. Hindi magiging maginhawa ang ating buhay palagi. Marami tayong haharaping pagsubok. Hindi tayo pakikinggan o tatanggapin ng lahat. May mga tututol at hindi magbubukas ng sarili sa atin dahil kay Kristo. Patunay lamang ito na may mga lubak ang daang tinatahak ng mga misyonero ni Kristo. 

Sabado, Hunyo 19, 2021

MGA SANDALI NG LIGAYA AT PAGSUBOK

04 Hulyo 2021 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6 

Photo Credits: Good News Production International and College Press Publishing

Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas" (2 Corinto 12, 10). Naisulat niya ang mga salitang ito matapos niyang isalaysay sa mga Kristiyano sa Corinto sa nasabing liham ang kanyang panalangin sa Panginoon. Tatlong ulit niyang itinaas sa Panginoon sa kanyang panalangin ang isa niyang hiling. Ang kanyang pakiusap o panalangin sa Panginoon ay alisin ang kapansanan sa kanyang katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas (2 Corinto 12, 7-8). Sa ibang mga salin, ang tawag dito ay isang "tinik" sa katawan. 

Isa lamang ang nais ituro ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagiging tapat kay Kristo ay hindi madali. Ang pagiging isang matapat na saksi ni Kristo ay isang napakahirap na gawain. Ang pagtalima kay Kristo at pagsaksi sa Kanya nang buong kapatan ay hindi nangangahulugang kaligtasan mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kahit na pinagsisikapan nating maging tapat sa ating pagsaksi at pagtalima sa Panginoong Diyos, hindi tayo magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Kung tutuusin, hindi naman sinabi ni Hesus kailanman na magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig ang mga nagpasiyang maging Kanyang tapat na tagasunod at saksi. 

Katulad ni Apostol San Pablo, ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nakaranas din ng mga pagsubok habang tinutupad nila ang kanilang tungkulin bilang mga lingkod ng Diyos. Isang halimbawa nito ay si Propeta Ezekiel. Kung tutuusin, sa salaysay sa Unang Pagbasa, inilarawan pa nga sa kanya ng Diyos ang kanyang mga haharapin at dadanasin habang tinutupad niya ang kanyang misyon bilang propeta ng Diyos. Sabi pa kay Propeta Ezekiel na may posibilidad na ang mga tao ay hindi makikinig sa kanyang ipinangangaral (2, 5). Kahit na ang kanyang ilalahad sa kanila ay mga salita ng Diyos, may mga hindi makikinig sa kanya. 

Maski nga ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na nagkatawang-tao na si Hesus ay hindi pinakinggan at tinanggap. Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong hindi Siya tinanggap at kinilala sa mismong bayan ng Nazaret, ang bayan kung saan Siya lumaki sa pangangalaga ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Kahit na si Hesus ay lumaki at nagmula sa Nazaret, hindi Niya naranasan ang pagtanggap ng Kanyang mga kababayan sa Kanya. Bagamat ipinangaral ni Hesus ang Salita ng Diyos sa Kanyang mga kababayan, hindi nila Siya tinanggap. Kaya, sinabi ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo na walang propetang kinikilala, iginagalang, o tinatanggap sa sarili Niyang bayan (Marcos 6, 4). Ipinapakita ng sandaling ito sa buhay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus na hindi rin Siya naging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Kahit ang Diyos, hindi tinanggap. 

Binabalaan tayo ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na huwag isiping ang mga lingkod ng Diyos ay hindi nakaranas ng mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig. Hindi madali para sa kanila ang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Labis silang nahirapan. Marami silang naranasang sakit, hirap, pighati, at pagsubok sa buhay. Subalit, sa kabila ng mga ito, ipinasiya pa rin nilang manatiling tapat sa Diyos. 

Handa ba tayong mamuhay nang tapat sa Panginoon sa bawat sandali ng ating buhay, lalo na sa mga sandali ng pagsubok? Iyan ang tanong na dapat nating pagnilayang maigi ngayong Linggo. 

Biyernes, Hunyo 18, 2021

TAGUMPAY SA PAG-AALAY NG SARILI SA DIYOS

29 Hunyo 2021 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Itinatampok at pinararangalan ng Simbahan sa napakaespesyal na araw na ito ang dalawang dakilang santo na kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan. Ang dalawang ito ay walang iba kundi sina Apostol San Pedro at San Pablo. Buong tuwa nating ipinagpapasalamat sa Diyos sa espesyal na araw na ito na inilaan sa pagtampok at pagpaparangal sa dalawang dakilang apostol na ito ang biyaya ng kanilang pagmimisyon at pag-aalay ng sarili para kay Kristo at sa Simbahang Kanyang itinatag. 

Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na makakamtan niya ang korona ng pagtatagumpay (2 Timoteo 4, 8). Mayroon itong koneksyon sa mga unang salita ng Ikalawang Pagbasa. Paano naman nag-uugnay ang dalawang bahaging ito ng Ikalawang Pagbasa? Sabi sa simula ng Ikalawang Pagbasa na dumating na ang oras ng pagpanaw ni Apostol San Pablo sa daigdig na ito (2 Timoteo 4, 6). Napakalinaw naman ang ibig sabihin noon. Alam rin natin kung paanong namatay si Apostol San Pablo. Ang uri ng kanyang kamatayan bilang isang martir ay pagpupugot ng ulo. Pinugutan siya ng ulo sa Roma. 

Magandang bigyan ng pansin ang ugnayan ng tagumpay at ang pag-aalay ng sarili bilang isang martir sa napakaespesyal na araw na ito. Alam natin na si Apostol San Pablo ay pinugutan ng ulo habang si Apostol San Pedro naman ay ipinako sa krus nang patiwarik. Inusig sila nang walang kalaban-laban. Paano naman nating sasabihing nagtagumpay ang dalawang apostol na ito sa kanilang pagmimisyon para sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo? Kung gagamitin natin ang pamantayan o pananaw ng mundo, sila ang natalo. 

Noong itinalaga ng Panginoong Hesus si Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan at ibinigay ang mga susi sa kaharian ng langit sa kanya sa Ebanghelyo, sinabi Niyang kahit ang kapangyarihan ng kamatayan ay hinding-hindi magtatagumpay o makapananaig laban sa Kanyang Simbahan (Mateo 16, 18). Sabi pa nga ni Hesus na mapapalad ang mga inaalimura, pinag-uuusig, at pinagwiwikaan ng masama na pawang kasinungalingan (Mateo 5, 11-12). Ang sabi pa nga ni Apostol San Pablo, "Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas" (2 Corinto 12, 10). Sa pamamagitan ng pagkamartir nina Apostol San Pedro at San Pablo, ang kadakilaan ng Panginoong Diyos ay nahayag. Inalay nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang buhay para sa ikadarakila ng Diyos. Sa pamamagitan nito, nakamit nila ang tagumpay. 

Gaya ng kapwa nilang mga apostol at mga humalili sa kanila, maraming pag-uusig ang dinanas nina Apostol San Pedro at San Pablo. Bago pa sila mamatay bilang mga martir, inusig na sila. Isa sa mga pag-uusig kay Apostol San Pedro ang itinampok sa salaysay sa Unang Pagbasa. Ibinilanggo si Apostol San Pedro dahil sa kanyang pangangaral tungkol sa Panginoong Hesukristo. Binalak pa nga siyang ipapatay ni Haring Herodes matapos ipapatay ang kapatid ni Apostol San Juan na si Apostol Santo Santiago. Subalit, isang anghel ang ipinadala ng Panginoon upang itakas at iligtas si Apostol San Pedro sa gabi. 

Ang dalawang dakilang apostol na ito, sina Apostol San Pedro at San Pablo, ay naging matagumpay. Ang kanilang pag-aalay ng buo nilang sarili sa Diyos ay isang hudyat ng kanilang tagumpay. Nagtagumpay sila sa pamamagitan ng kanilang pag-aalay ng sarili sa Panginoon sa bawat sandali ng kanilang misyon hanggang sa kanilang kamatayan bilang Kanyang mga martir. Kahit na mukha silang mahina sa mata ng mundo, lalo na sa mata ng kanilang mga tagausig, sa paningin ng Diyos, sila'y tunay ngang nagtagumpay. 

Huwebes, Hunyo 17, 2021

DIYOS NA NAGBIBIGAY NG BUHAY

27 Hunyo 2021 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43) 


Ang Unang Pagbasa ay nagsimula sa pamamagitan ng mga salitang ito: "Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos, ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi Niya ikinalulugod" (Karunungan 1, 13). Napakalinaw ng nais ilarawan ng mga salitang ito sa simula ng Unang Pagbasa. Inilalarawan ng mga salitang ito sa simula ng Unang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang buhay ay dapat nating pahalagahan. Ang buhay ay isang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang biyayang ito na una Niyang ipinagkaloob sa simula ng panahon kina Adan at Eba ay patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Kahit alam Niyang susuwayin at tatalikuran natin Siya nang paulit-ulit habang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito, ipinasiya pa rin Niyang ipahiram sa atin ang biyayang ito. 

Mismong si Hesus ang nagsabi na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay (Mateo 22, 31-33; Marcos 14, 26-27; Lucas 20, 37-38). Bukod pa roon, ang Ikalimang Utos sa Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag kang papatay" (Exodo 20, 13). Sabi pa nga ng Panginoong Diyos sa isa sa mga aklat ng mga propeta sa Matandang Tipan: "Hindi Ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama . . . Ang ibig Ko nga, siya'y magsisi at magbagong buhay" (Ezekiel 18, 23). Ang biyaya ng buhay ay para sa lahat. Gaano mang kabuti o kasama ang isang tao, kailangan nating pahalagahan ang kanyang buhay. Kinakailangan nating igalang ang kanyang karapatang mabuhay. Pinahahalagahan ng Diyos ang buhay. Kaya naman, dapat natin itong pahalagahan, lalo't higit ang biyayang ito ay Kanyang ipinahiram lamang sa atin. Hindi tayo ang may-ari ng ating buhay kundi ang Diyos. Ipinahiram ng Panginoon sa bawat isa sa atin ang biyaya ng buhay na tunay Niyang pinapahalagahan. Ang biyayang ito na Kanyang pinapahalagahan ay dapat rin nating pahalagahan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong nagpagaling si Hesus ng dalawang tao. Kung tutuusin, ang isa sa mga ito ay hindi isang pagpapagaling kundi isang kaso ng pagbibigay-buhay sa isang namatay. Binuhay Niya ang isa sa dalawang babae sa Ebanghelyo. Ang unang himalang ginawa ng Panginoong Hesus ay ang pagpapagaling sa isang babaeng labindalawang taong dinudugo. Gumaling siya matapos niyang hipuin ang damit ng Panginoong Hesukristo. Kasunod noon ay ang pagbibigay-buhay sa anak ni Jairo. Ang anak ni Jairo ay binuhay ni Hesus mula sa mga patay. Kahit patay na, binuhay siyang muli ni Hesus. 

Sa mga eksena sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang kapangyarihang magbigay ng buhay sa tao at pagalingin ang kalusugan ng bawat isa. Si Hesus ay patunay na ang Diyos ay Diyos ng mga buhay. Siya ang Diyos ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Ang buhay ng bawat isa sa atin sa daigdig ay galing sa Kanya. Siya rin ang may kapangyarihang pagalingin tayo mula sa iba't ibang karamdaman o sakit.

Bakit pinili Niyang gawin ito para sa tao? Bakit Niya pinagaling ang babaeng labindalawang dinudugo? Bakit Niya binuhay ang anak ni Jairo mula sa mga patay? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na si Kristo Hesus ay naparito upang yumaman ang lahat sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan (2 Corinto 7, 9). Ipinasiya Niyang maging dukha alang-alang sa sangkatauhan. Si Hesus, ang tunay na mayaman na nagmula sa langit, ay dumating sa daigdig na ito bilang isang dukha upang ang lahat ay maging mayaman. Si Kristo Hesus ay nagpaka-dukha upang maging mayaman ang lahat. Paano Niya tinulungan ang lahat na maging tunay na mayaman? Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sarili. Hindi ipinagdamot ni Hesus ang Kanyang sarili sa lahat. Bagkus, ibinigay Niya ang buo Niyang sarili alang-alang sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa krus upang tayong lahat ay mabuhay. 

Puwedeng-puwedeng pabayaan na lamang ni Hesus ang lahat ng tao dito sa daigdig na mamatay na lamang. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang bumaba sa lupa bilang isang taong dukha, maliban sa kasalanan, alang-alang sa atin. Ang Kanyang kayamanan sa langit ay Kanyang iniwan alang-alang sa atin. Ginawa ito ni Hesus upang ituro sa lahat na tunay ngang buhay ang nasa langit at hindi mga bangkay. Ang langit ay hindi lugar ng mga bangkay kundi tahanan ng mga buhay na tapat sa Diyos. Ang mga tapat sa Panginoong Diyos ay namumuhay sa langit magpakailanman. Pinapatunayan nito na ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. 

Huwebes, Hunyo 10, 2021

ISANG NAPAKAHALAGANG SANDALI

24 Hunyo 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Ang pagdiriwang ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo sa daigdig na kilala rin bilang Pasko ng Pagsilang ay ipinagdiriwang ng Simbahan taun-taon tuwing ika-25 ng Disyembre. Ang pagdiriwang ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay ipinagdiriwang naman ng Simbahan pagsapit ng ika-8 ng Setyembre ng bawat taon. Subalit, hindi lamang ang pagsilang sa daigdig ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria ang ipinagdiriwang ng Simbahan taun-taon. Bagkus, mayroong isa pang tao na binigyan ng ganitong karangalan ng Simbahan. Ang taong iyon ay walang iba kundi si San Juan Bautista. Inilaan ng Simbahan ang ika-24 ng Hunyo ng bawat taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. 

Tiyak na alam natin ang dahilan kung bakit taun-taon nating ipinagdiriwang ang pagsilang sa daigdig ni Hesus na kilala rin natin bilang Pasko tuwing ika-25 ng Disyembre. Si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas. Tiyak na nauunawaan rin natin ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang pagsilang sa daigdig ng ating Mahal na Inang si Maria. Si Maria ang Ina ng ating Tagapagligtas na si Kristo at ang ating Ina. Ibinigay ni Kristo si Maria sa atin upang maging ating Ina rin. Bukod sa pagiging Ina ng ipinangakong Manunubos, si Maria ay Ina rin ng Simbahan. Subalit, tiyak na mayroong ilang tao na magugulat kapag nalaman nilang ang pagsilang sa daigdig ni San Juan Bautista ay ipinagdiriwang rin natin bilang isang Simbahan. Tiyak na may ilang taong mapapatanong kung bakit ang pagsilang sa daigdig ni San Juan Bautista ay ipinagdiriwang rin ng Simbahan. 

Inilaan ng Simbahan ang ika-24 ng Hunyo ng bawat taon para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista dahil sa kanyang papel sa kasaysayan ng pagligtas ng Panginoong Diyos sa sangkatauhan. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo ang misyon na ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging tagapagpauna o tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Bilang tagapagpauna ng Panginoong Hesukristo, inihanda ni San Juan Bautista ang bayang Israel para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagbibinyag sa Ilog Jordan. Iyan ang nagbibigay ng halaga sa kapanganakan ni San Juan Bautista sa daigdig. Ang kapanganakan ni San Juan Bautista sa daigdig ay isang napakahalagang yugto sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa kanyang misyon bilang tagapaghanda ng daraanan ni Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas. 

Kaya naman, buong manghang napatanong nang ganito ang mga dumalo sa pagtutuli ng sanggol na si San Juan Bautista: "Magiging ano kaya ang batang ito?" (Lucas 1, 66). Namangha ang mga dumalo sa nasabing okasyon sapagkat napagtanto nilang napakaespesyal ang batang ito. Matapos masaksihan ang lahat ng mga nangyari sa salaysay sa Ebanghelyo, lalo na ang pagsasalita ni Zacarias matapos ibigay ang pangalan ng sanggol, napagtanto nilang mayroong dahilan ang pagsilang ng nasabing sanggol. Napakahalaga ang mangyayari sa sanggol na si San Juan Bautista sa kanyang paglaki. Sabi nga mismo ni San Lucas na napakalinaw na "sumasakanya ang Panginoon" (1, 66). 

Sabi sa simula ng Unang Pagbasa: "Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang at hinirang Niya ako para Siya'y paglingkuran" (Isaias 49, 1). Bago pa isilang sa daigdig, alam na ng Panginoon kung sino ang Kanyang pipiliin upang maging tagapaghanda ng daraanang Kanyang tatahakin. Alam rin ng Diyos kung kanino mapupunta ang papel ng tagapagpauna ng ipinangakong Tagapagligtas bago pa siya isilang sa mundo. Kay San Juan Bautista ibinigay ng Diyos ang papel na ito. Naiplano na Niya ito bago pa man ito mangyari. 

Bakit ang pagsilang ni San Juan Bautista sa daigdig ay isang napakahalagang yugto sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan? Dahil sa papel na ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang papel na ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang kanyang kamag-anak na si Hesus ay ang dahilan kung bakit isang napakahalagang kaganapan ang kanyang pagsilang sa mundo. 

Biyernes, Hunyo 4, 2021

HINDI PANGKARANIWAN ANG KANYANG KAPANGYARIHAN

20 Hunyo 2021 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 38, 1. 8-11/Salmo 106/2 Corinto 5, 14-17/Marcos 4, 35-41 



Matapos pigilin ni Hesus ang unos, napatanong ang mga apostol sa isa't isa sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo: "Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?" (Marcos 4, 41). Ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo ay naghatid ng mangha sa Kanyang mga alagad. Hindi nila inakala na si Hesus na Anak ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ay nagtataglay ng isang hindi pangkaraniwang uri ng kapangyarihan. Alam nilang mahusay mangaral sa mga tao at puno ng karunungan si Hesus. Ngunit, hindi nila akalaing mayroon Siyang kakaibang uri ng kapangyarihan na tinataglay. 

Sino nga ba Siya? Si Hesus na puno ng karunungan at mahusay mangaral sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos ay mayroong kapangyarihang utusan ang kalikasan. Sino nga ba ito? Mukha Siyang karaniwan, subalit mayroon Siyang taglay na kakaibang uri ng kapangyarihan. Paano nga ba nagawa ni Hesus na isang simpleng taong mula sa Nazaret na patigilin ang isang unos? Hindi lang puno ng karunungan at mahusay magsalita sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos ang Nazarenong ito na ang Ngala'y Hesus. Sino nga ba talaga Siya? 

Bagamat namuhay Siya nang payak katulad ng karaniwang tao, maliban na lamang sa pagkakasala, hindi pangkaraniwan si Hesus. Ang Panginoong Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Hindi lamang Siya isang salamangkero na mahusay ring magsalita at magturo sa mga tao. Hindi salamangka ang ginawa ni Hesus sa Lawa ng Galilea. Bagkus, Siya ang Anak ng Diyos. Si Hesus ay ang Diyos na dumating sa daigdig na ito upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang Diyos ay nagsalita tungkol sa Kanyang sarili sa Unang Pagbasa. Ang mga salita ng Panginoong Diyos kay Job sa Unang Pagbasa ay maituturing nating isang pagpapakilala ng Kanyang sarili. Inilarawan ng Diyos ang Kanyang mga ginawa mula noong nilikha Niya ang mundong ito sa Unang Pagbasa. Muling naipamalas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan sa kalikasan sa Ebanghelyo. Ginawa Niya ito sa Ebanghelyo dahil ito ang hiling ng mga apostol sa Kanya. 

Huwag nating lilimutin na ang pinakadakilang gawa ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Kristo Hesus ay hindi ang pagpapatigil sa unos. Ang pinadakilang gawa ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay nabanggit ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagtubos sa sangkatauhan ay ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. 

Kakaiba si Hesus. Namuhay Siya nang karaniwan nang Siya'y namuhay dito sa mundo. Subalit, hindi pangkaraniwan ang kapangyarihang Kanyang taglay. Isa lamang ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay mayroong hindi pangkaraniwang kapangyarihan. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ay Diyos katulad at kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo. 

Huwebes, Hunyo 3, 2021

PAANO MAGING KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN NG DIYOS?

13 Hunyo 2021 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34 


Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang kanyang pinakananais ay maging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos (2 Corinto 5, 9). Ang dahilan kung bakit nais niyang maging kalugud-lugod sa Diyos ay kaniya ring nasabi sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo na mayroon siyang lakas ng loob na iwanan ang kanyang katawan "upang manirahan sa piling ng Panginoon" (2 Corinto 5, 8). Nais niyang makapiling ang Panginoong Diyos. Ang tanging naisin ni Apostol San Pablo ay makapiling ang Diyos. Iyon ang kaisa-isang dahilan kung bakit buong kababaang-loob na naglingkod bilang saksi at misyonero ni Kristo si Apostol San Pablo sa mga lugar na kanyang pinuntahan. Wala siyang inaksayang oras o sandali upang paglingkuran ang Diyos. 

Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay nakasentro sa isang paraan ng pagiging kalugud-lugod sa Diyos. Katunayan, ang paraang ito ay ang sentro o ang bukal ng pagiging kalugud-lugod sa paningin ng ating Panginoong Diyos. Ito ang nasa puso ng pagiging kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Iyon ay walang iba kundi ang pagiging mababang-loob. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga lingkod na tapat sa Kanya. Isa sa mga katangian ng mga lingkod ng ating Panginoong Diyos na Kanyang kinalulugdan ay ang kanilang pagkakaroon ng kababaang-loob. Ang Panginoon ay tunay ngang nalulugod sa kababaang-loob ng Kanyang mga tapat na lingkod. 

Ito ang dahilan kung bakit ang larawan ng isang mababang punongkahoy ay ginamit ng Diyos sa Kanyang pahayag sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel sa Unang Pagbasa. Isa lamang ang ibig sabihin ng pahayag na ito ng Diyos sa bayang Israel na Kanyang ipinasabi kay propeta Ezekiel. Darating ang panahon kung kailan magiging isang malayang bansa muli ang bayang Israel. Magwawakas ang panahon ng pagkakatapon sa Babilonia. Ang mga Israelita ay babalik din sa Herusalem balang araw. Muling dadakilain ng Panginoong Diyos ang Kanyang bayan na siyang "pinakakakaunti sa lahat" (Deuteronomio 7, 7). Hindi isang malaking bansa o bayan ang pinili ng Diyos upang maging Kanya kundi isang maliit na bayan na walang iba kundi ang Israel. Sa kabila ng paulit-ulit nilang pagsuway sa Kanya, pinili pa rin sila ng Diyos. Pinili pa rin ng Diyos na ibigin at lingapin ang Israel bilang Kanyang bayan. 

Katulad na lamang ng pahayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa, gumamit rin si Hesus ng larawan ng isang maliiit na bagay sa Ebanghelyo. Tampok sa Ebanghelyo ang mga talinghaga ni Hesus tungkol sa binhing inihasik sa bukid at ang butil ng mustasa. Sa pamamagitan ng mga talinghagang ito, lalo na ang talinghaga tungkol sa butil ng mustasa, inilarawan ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang Kanyang paglingap at pag-ibig para sa mga nasa abang kalagayan. Ang mga nasa abang kalagayan o mga maliliit ay Kanyang itinatampok at dinadakila sa panahong Kanyang itinakda. 

Bakit nga ba idinadakila ng Diyos ang mga aba? Iyan ay dahil sa Kanya umaasa ang mga aba. Nananalig at umaasa sa Kanya ang mga nasa abang kalagayan. Ipinagkakatiwala nila sa Panginoong Diyos ang lahat. Lagi silang namumuhay nang may kababaang-loob. Lagi silang kumakapit sa Panginoon. Ang kanilang kababaang-loob ay tanda ng kanilang katapatan sa Kanya. Sila'y nananalig at umaasa sa Panginoon dahil sa kanilang katapatan sa Kanya. Kumakapit sila sa Kanya dahil sa kanilang katapatan sa Kanya. Batid nilang tapat ang Panginoon magpakailanman. Dahil dito, ibinibigay din nila sa Kanya ang kanilang katapatan na nahahayag sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob. 

Gaya ng sabi sa awit ng Mahal na Birheng Maria, ang Magnificat, "Itinataas [ng Diyos] ang mga nasa abang kalagayan" (Lucas 1, 52). Isa lang ang ibig sabihin nito. Ang Diyos ay nalulugod sa mga aba. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob dahil inihahayag nila ang kanilang katapatan sa Kanya. Ang hangarin nilang maging mga tapat na lingkod ng Panginoon hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa ay nahahayag ng kanilang kababaang-loob. 

Nais ba nating maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Mamuhay nang may kababaang-loob.