Miyerkules, Oktubre 31, 2018

PAG-IBIG: UGAT NG MGA UTOS NG DIYOS

4 Nobyembre 2018 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34 


Ang pinakamahalagang utos ay inihayag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Unang inihayag ni Moises ang pinakamahalagang utos sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Muling inihayag ni Hesus ang pinakamahalagang utos sa Ebanghelyo bilang tugon sa katanungan ng isa sa mga eskriba sa Kanya. Ang pinakamahalagang utos - ibigin ang Panginoong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip; at ibigin ang kapwa gaya ang sarili. Ibinubuod ng pinakamahalagang utos ang Sampung Utos ng Diyos. Iyon naman ang ugat at diwa ng Sampung Utos - pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at kapwa. Iyon ang nais ituro ng mga utos ng Diyos. 

Binanggit sa Ikalawang Pagbasa ang minsanang paghahandog ng sarili ng Dakilang Saserdoteng si Hesus para sa ating lahat. Ang Panginoong Hesus ang haing walang kapintasan. Siya ang perpektong hain. Ipinasiya ng Panginoong Hesus na ihain ang buo Niyang sarili sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Kahit na hindi naman Niya kailangang gawin iyon dahil wala Siyang dungis ng kasalanan, ipinasiya pa rin Niyang gawin iyon. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang Kanyang pagmamahal para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat, ipinasiya ng Panginoong Hesukristo na ihandog ang Kanyang sarili sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Ang krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang dakilang larawan ng Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Tunay na mapagmahal ang Diyos. Ang Diyos ang bukal ng pag-ibig. Siya ang unang umibig, tulad ng sinabi ni Apostol San Juan sa kanyang unang sulat (4, 19). Ang Kanyang pag-ibig ay tunay na ganap at walang hanggan. Ang Kanyang pag-ibig ay hinding-hindi mapapantayan ninuman. Siya lamang ang makakapagbigay ng pag-ibig na walang hanggan. Pinatunayan Niya nang paulit-ulit ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ang pinakadakilang ginawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig ay ang pagsugo Niya kay Kristo Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas natin. Si Kristo na Kaniyang Bugtong na Anak ay ibinigay sa atin upang maging ating Manunubos. Ito'y Kanyang ginawa sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus at ng muli Niyang Pagkabuhay. 

Kaya naman, inuutusan ng Panginoon ang bawat isa na umibig. Ibigin Siya nang higit sa lahat ng bagay at ibigin ang kapwa kung paanong iniibig ang sarili. Tayong lahat ay inuutusang magpalaganap ng pag-ibig. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos sapagkat ilang ulit Niyang inihayag ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Nararapat rin lamang na ang kapwa'y ibigin natin sapagkat nilikha rin silang kawangis ng Diyos tulad natin. Mahirap mang gawin ito, kailangan pa rin nating ito. Kung nahihirapan tayong umibig ng kapwa, paano pa kaya ang umibig sa Diyos? Ang kapwa, nakikita natin. Ang Diyos, hindi nakikita ng ating mga mata na bahagi ng ating mga katawang lupa. Papaanong magiging madali ang umibig sa Diyos na 'di nakikita ng ating mga mata kung nahihirapan tayong umibig ng kapwa-taong nakikita ng ating mga mata? 

Mapapatunayan lamang natin na tayo'y tunay na kapanig at tapat sa Diyos kung susundin natin ang Kanyang utos na umibig. Ibigin Siya nang higit sa lahat at ibigin ang kapwa kung paanong minamahal natin ang ating mga sarili. Gaano mang kahirap tuparin ang mga ito dahil sa mga tukso sa buhay, kung tunay nating minamahal ang Diyos, tutuparin pa rin natin ito. Hindi man ito sasapat para sa mga pagkakataong inihayag ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat, ang pagtupad sa Kanyang utos ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. May gantimpala ang Diyos para sa mga tunay na umiibig sa Kaniya nang buong katapatan - ang buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa kalangitan. 

Inuutusan tayo ng Panginoon na umibig. Ano ang ating tugon? 

Martes, Oktubre 30, 2018

TANGING HANGARIN

2 Nobyembre 2018 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito. Tingnan ang mga pagbasa sa mga bilang 1031-1035 sa Leksyonaryo - Salita ng Diyos)
Mga Panaghoy 3, 17-26/Salmo 25/Filipos 3, 20-21/Mateo 11, 25-30 


Sa Araw ng mga Kaluluwa, pinagtutuunan ng pansin ang ating pananagutan bilang mga Kristiyanong naglalakbay dito sa daigdig - ang pag-aalay ng mga panalangin para sa mga yumaong Kristiyano. Tungkulin natin ang ipagdasal ang mga yumao, lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Hindi na sila makakapagdasal para sa kanilang mga sarili sapagkat tapos na ang kanilang oras dito sa lupa. Kaya naman, umaasa sila sa ating mga panalangin upang matapos na ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo at nang makapasok na rin sila sa langit kung saan sila'y makakahimlay nang mapayapa sa piling ng Diyos magpakailanman. 

Tulad nating lahat, ang mga kaluluwa sa Purgatoryo ay umaasa lamang sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pag-asa sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong ang pag-asa ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At sa Ebanghelyo, inaanyayahan ng Panginoong Hesus ang lahat ng mga napapagal na lumapit sa Kaniya upang makasumpong ng kapahingahan. Sa pamamagitan ng paanyayang ito para sa lahat, inihayag ni Hesus ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Siyang nagdulot ng pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay ay puspos ng habag at kagandahang-loob. Ang Kanyang habag at kagandahang-loob ang dahilan kung bakit tayong lahat ay iniligtas sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ito rin ang dahilan kung bakit Niya ipinangakong maghahanda Siya ng mga silid sa Kanyang kaharian sa langit (14, 2). 

Iisa lamang ang inaasam-asam ng mga kaluluwa sa Purgatoryo - matamasa ang pangako ng walang hanggang kapahingahan sa langit. Tulad nating lahat, umaasa sila na makapakinabang sa pangako ng kalangitan. Wala silang ibang hangarin kundi ang makahimlay sa piling ng Panginoon magpakailanman. Nais nilang mamuhay na puno ng ganap na kaligayahan, kasaganaan, at buhay na walang hanggan sa langit. Kaya naman, umaasa sila sa ating mga panalangin. Umaasa sila na sa pamamagitan ng ating mga panalangin, mapapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo upang makahimlay sila sa piling ng Panginoon magpakailanman sa langit. Sa tulong ng ating mga panalangin, mararanasan nila nang buo ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon sa Kanyang piling magpakailanman.

Lunes, Oktubre 29, 2018

KABILANG BUHAY

1 Nobyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 


Isa sa mga bagay na isinalungguhit sa Kredo ay ang kasamahan ng mga banal. Ang kasamahan ng mga banal sa langit ay napakahalaga sa ating pananampalataya. Sila ang bumubuo sa tinatawag na "Simbahang Nagtagumpay." Ang mga salitang ito sa huling bahagi ng Unang Pagbasa ang nagsalarawan sa kanila, "Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig." (7, 14) Nanatili silang tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa wakas ng kanilang buhay dito sa lupa. Kaya naman, sila ngayon ay nasa piling ng Diyos sa langit. Lagi silang nananalangin para sa ating lahat na bumubuo sa Simbahang naglalakbay dito sa lupa.

Ang pangangaral ni Hesus tungkol sa pagiging banal o mapalad na inilahad sa Ebanghelyo ay sinikap isabuhay ng mga banal sa langit noong sila'y naglalakbay dito sa lupa. Sa kabila ng lahat ng mga pang-aakit ng kamunduhan, pinili pa rin nilang manatiling tapat sa Panginoon hanggang wakas. Ang kanilang pagsisikap na isabuhay ang mga aral ni Hesus ang naghayag ng kanilang katapatan sa Kanya hanggang sa wakas ng kanilang buhay dito sa lupa. Kaya naman, ang pangako ng walang hanggang kaligayahan at kaginhawaan sa piling ng Panginoon sa kalangitan ay tinatamasa nila. Ang pangako ng langit ang gantimpala ng Panginoon sa lahat ng mga banal para sa kanilang katapatan sa Kanya hanggang wakas. 

Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Wika ni Apostol San Juan sa pinakahuling bahagi ng Ikalawang Pagbasa na ang mga may pag-asa kay Kristo ay nagpapakalinis (3, 3). Ipinakita nila ang kanilang pag-asa kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Kaniyang mga turo't aral noong sila'y naglalakbay sa lupa. Pinili nila ang kadalisayan. Pinili nila si Kristo na Siyang puno ng kalinisan. Kahit na sila'y makasalanan, pinili pa rin nilang mamuhay nang malinis tulad ni Kristo. Kaya naman, ang lahat ng mga banal ay nasa langit kung saan walang marumi roon. Ang langit ay puno ng kalinisan pagkat ang Diyos na bukal ng kalinisan ay nananahan at naghahari roon magpakailanman. 

Mula sa langit, ang kasamahan ng mga banal ay may ginagawang mahalaga para sa atin. Tayong lahat ay lagi nilang ipinapanalangin. Ang ating mga panalangin ay isinasama nila sa kanilang mga panalangin. Ang ating pagluhog sa Panginoong Diyos ay pinagtuunan ng pansin sa Salmo. Tiyak ay marami tayong ipinamamanhik sa ating mga panalangin sa Diyos. Subalit, sa ating pagluhog sa Diyos, hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang lahat ng mga banal sa langit. Ang lahat ng ating mga intensyon ay kasama sa kanilang mga panalangin. 

Ang kasamahan ng mga banal ang nagpapatunay na totoong may langit. Ang buhay na walang hanggan sa langit ay tunay at hindi kathang-isip. Ang kamatayan dito sa lupa ay hindi katapusan ng bawat isa. Bagkus, sa katapusan ng buhay ng bawat tao sa daigdig, nagsisimula ang isang bagong yugto para sa lahat. At ang yugtong ito na papasukin ng bawat tao sa katapusan ng kanilang buhay sa lupa ay ang walang hanggan. Iyan ang magpakailanman. 

Ipinapaalala sa ating lahat na hindi tayo mamumuhay magpakailanman dito sa lupa. Ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Mga manlalakbay lamang tayo sa daigdig na ito. Kaya naman, kung nais nating matamasa ang pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit, tularan natin ang mga banal sa langit. Sila ang nagsisilbing mga huwaran para sa ating lahat. Tulad nating lahat, naranasan nila ang lahat ng mga tukso't pang-aakit ng laman habang sila'y nasa lupa. Subalit, ipinasiya nilang sumunod at manatiling tapat sa Panginoon hanggang wakas. Kung iyan ang gagawin natin, makakamit natin ang pangako ng Panginoon - ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. 

Lunes, Oktubre 22, 2018

HUWAG SUMUKO

28 Oktubre 2018 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 31, 7-9/Salmo 125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapagaling ni Hesus sa isang bulag na lalaki na nagngangalang Bartimeo. Iisa lamang ang hinangad si Bartimeo noon - ang makakita nang maayos. Kaya naman, nang mabalitaan niyang si Hesus ay dumaraan sa lugar kung saan siya'y nagmamalimos, agad na nagmakaawa sa Kanya si Bartimeo. At ang kahilingan ni Bartimeo ay ipinagkaloob ni Hesus. Tinupad ni Hesus ang matagal nang pinangarap ni Bartimeo na makakita nang maayos. 

Sa pamamagitan ng pagmamakaawa nang paulit-ulit kahit na siya'y pinagsasabihan ng mga tao, ipinakita ni Bartimeo ang kanyang pananalig kay Hesus. Hindi tumigil si Bartimeo sa pagmamakaawa kay Hesus. Bagkus, ipinagpatuloy niya ang kanyang pagmamakaawa hanggang sa siya'y mapansin ng Panginoon. Ang pananalig ni Bartimeo sa Panginoong Hesus, ang Dakilang Saserdote na hinirang ng Ama na siyang pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pagninilay sa Ikalawang Pagbasa, ang nag-udyok sa kanya na huwag sumuko at maging matiyaga sa pagmamakaawa sa Kanya. Ang kanyang pagtitiyaga na kitang-kita sa kanyang paulit-ulit na pagmamakaawa kay Hesus ay nagbunga. Ito ang nagpatunay na tunay siyang nanalig sa Panginoong Hesukristo. 

Kagalakan ang hatid ng pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga kabilang sa bayan ng Diyos ay aakayin Niya pabalik sa tunay nilang tahanan. Kabilang na rito ay ang mga bulag, pipi, at iba pang may kapansanan. Ang mga bulag, pipi, at iba pang may kapansanan ay makikinabang rin sa pangako ng Diyos. Hindi sila ipagdadamot ng Diyos. Hindi ipinagkakait sa kanila ang pagpapalang kalakip ng pangako ng Diyos. Lagi silang kasama sa mga makikinabang sa Kanyang mga pangako sapagkat ang Kanyang pagkalinga sa kanila ay hinding-hindi magwawakas. Ang Diyos ay hinding-hindi nandadamot sa mga mahihirap at isinasantabi ng lipunan. Lagi Niyang kinukupkop at inaaruga ang mga nasa abang kalagayan. 

Mayroon tayong Diyos na mahabagin at hindi nagtatangi. Hindi Niya ipinagkakait ang Kanyang biyaya sa sinuman. Ang Kanyang biyaya ay para sa lahat ng tao. Ang estado ng bawat tao sa lipunan ay hindi Niya ginagawang pamantayan para sa pakikinabang sa Kanyang mga pagpapala. Ang lahat ng mga tao'y inaanyayahan Niyang makinabang sa Kanyang kagandahang-loob. Sa mata ng Diyos, ang lahat ng tao dito sa lupa ay pantay-pantay at mahalaga. 

Tulad ni Bartimeo sa Ebanghelyo, huwag nating isuko ang ating pananalig sa Diyos. Huwag tayong tumigil sa pagbibigay ng ating pananalig sa Diyos. Patuloy nating ibigay ang ating pananalig sa Diyos. Ipagpatuloy natin ang pagiging matiyaga at matapat sa ating pagsasabuhay ng ating pananalig sa Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya nang buong katapatan. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga hindi sumusuko sa Kanya. 

Lunes, Oktubre 15, 2018

PUMARITO BILANG LINGKOD

21 Oktubre 2018 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 53, 10-11/Salmo 32/Hebreo 4, 14-16/Marcos 10, 35-45 


"Naparito ang Anak ng Tao hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang Kanyang buhay para sa ikatutubos ng lahat." (10, 45) Winika ni Hesus ang mga salitang ito sa mga alagad sa wakas ng Ebanghelyo. Ito'y naganap matapos hiniling nina Apostol Santo Santiago at San Juan sa Kanya na ibigay sa kanila ang karangalang maupo sa Kanyang tabi sa Kanyang kaharian sa langit - isa sa kanan at isa sa kaliwa. Nagalit ang sampung alagad sa magkapatid na Santiago at Juan nang marinig ang kanilang hiniling sa Panginoong Hesukristo. Para sa sampung alagad, hindi nagpakita ng kahit kaunting kahihiyan man lamang ang magkapatid. Ang kakapal ng kanilang mga mukha. Nayabangan sila sa magkapatid kaya gayon na lamang ang galit ng sampung alagad sa mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sino ba sila para ipagkaloob sa kanila ang karangalang yaon? 

Itinuro ni Hesus sa mga alagad na dapat nilang pairalin ang kultura ng kababaang-loob. Tulad ng Panginoong Hesus na buong kababaang-loob na bumaba sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan, ang mga apostol ay tinuturang mamuhay nang may kababaang-loob bilang mga lingkod. Si Hesus ay hindi pumarito upang idakila at itaas ang sarili kundi upang maglingkod nang may kababaang-loob. At iyon ang halimbawang ipinakita ni Hesus bilang Panginoon at Guro. Ang halimbawang ipinakita ni Hesus ay hindi lamang para sa mga apostol kundi para sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Ang kababaang-loob ni Hesus ay inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Sa pahayag na ito, si Hesus ay inilarawan bilang isang nagdurusang lingkod. Inihayag ni Isaias na maraming hirap at pighati ang Kanyang dadanasin. Sabi sa pahayag na ito na niloob ng Diyos na magbata ng maraming hirap at sakit ang Kanyang Lingkod upang mapatawad ang lahat ng mga kasalanan sa pamamagitan nito. Alang-alang sa pagdurusa ng Kanyang Lingkod, patatawarin Niya ang lahat ng tao mula sa kani-kanilang mga kasalanan (53, 11). At ang mga salitang ito ay natupad sa bundok ng Kalbaryo. Buong kababaang-loob na tinanggap ni Hesukristo ang malagim na pagdurusa't kamatayan sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 

Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob na tinanggap at niyakap ng Dakilang Saserdoteng si Hesus. Sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos, ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at yakapin ang ating pagkatao, maliban sa pagkakasala. Ipinasiya Niyang harapin ang mga tukso sa buhay tulad ng bawat isa sa atin. Subalit, sa halip na magpatalo sa tukso, nilabanan at pinagtagumpayan Niya ang mga ito. At nanatili Siyang masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa Kanyang pagkamatay sa krus. Kahit na maaari Niyang gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang maging iba sa atin, hindi Niya iyon ginawa. Bagkus, ang ating pagkatao ay buong kababaang-loob na tinanggap at niyakap ni Kristo. At nang maging tao, buong kababaang-loob Niyang inihain ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan. At tunay ngang kahanga-hanga ang Kanyang ginawa para sa atin. 

Si Hesus ay nagpakita ng kababaang-loob sa kabila ng Kanyang pagka-Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob, tayong lahat ay Kanyang iniligtas. Ang mga pagkakasala natin ay nagkaroon ng kapatawaran. Nahayag sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan, buong kababaang-loob na hinarap at tinanggap ni Hesus ang kamatayan sa krus alang-alang sa ating lahat. 

Hindi lamang para sa mga apostol ang utos ng Panginoong Hesus. Ang bawat isa'y inuutusan ng Panginoong Hesus na magpakita ng kababaang-loob tulad Niya. Ang pagtalima sa utos ng Panginoon ay nagpapahayag ng pagmamahal at pagpanig sa Kanya. Naipapahayag ng bawat isa ang kanyang pag-ibig at pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang atas. 

Lunes, Oktubre 8, 2018

ANO ANG MAS MATIMBANG?

14 Oktubre 2018
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 7, 1-11/Salmo 89/Hebreo 4, 12-13/Marcos 10, 17-30 (o kaya: 10, 17-27)


May tanong ang mga Pagbasa para sa atin. Nais itanong sa atin ng mga Pagbasa kung ano ang pipiliin natin. Ano ang mas matimbang para sa atin? Ano ang mga bagay na pinahahalagahan natin? Iyan ang mga katanungang ibinibigay sa atin ng mga Pagbasa upang pagnilayan nang taimtim. Ang ginagawang pagbibigay ng tanong na ito sa atin ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay napakalinaw dahil ito ang pinagtutuunan ng pansin ng nilalaman ng mga ito. 

Ang pagpili ni Haring Solomon sa Karunungan kaysa sa anumang kayamanan sa lupa ang pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Ang kuwentong ito ay isinalaysay rin sa ikatlong kabanata ng Unang Aklat ng mga Hari, gayon din sa unang kabanata ng Ikalawang Aklat ng mga Cronica. Sa simula ng kanyang pagkahari sa Israel, tinanong ng Diyos si Solomon kung ano ang kanyang hiniling at ito'y Kanyang ipagkakaloob sa kanya. Sa halip na humiling ng kayamanan at kapangyarihan, Karunungan ang hiniling ni Solomon. At sabi sa Unang Pagbasa na mas matimbang pa ang Karunungan kaysa sa kalusugan o kagandahan (7, 10). Ang pagpapahalaga ni Solomon sa karunungan ay walang katulad. Para sa kanya, ang Karunungan ay higit na mahalaga kaysa anumang bagay dito sa mundo. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtatagpo ni Hesus at ng lalaking mayaman. Ang lalaking mayaman ay napuno ng kalungkutan matapos sabihan siya ni Hesus na talikuran ang kanyang mga kayamanan at ipamigay ang mga ito sa mga mahihirap kung kaya't umalis na lamang siya. Naging masunurin siya sa Kautusan, subalit hindi niya magawang ibenta't ipamigay ang lahat ng kanyang kayamanan. Kung siya ang tatanungin, mas mahirap ang ipinapagawa sa kanya ng Panginoong Hesus kung ito'y ikukumpara sa ipinapagawa ng Kautusan. Para sa kanya, mas mahalaga ang kanyang mga kayamanan at hindi niya kayang pakawalan ang mga ito. 

Hindi madali ang ipinapagawa ng Panginoong Hesukristo. Napakahirap ang mga ipinapagawa Niya. Napakahirap tanggapin ang mga kundisyong ibinibigay Niya sa bawat isa. Kapag sinabi ng isang tao na napakadaling magsakripisyo para lang kay Kristo, siya'y nagsisinungaling. Hindi madaling magsakripisyo. Katunayan, walang sakripisyong madali. Ang lahat ng sakripisyo ay mahirap gawin. At batid iyon ng lalaking mayamang nagtanong kay Hesus sa Ebanghelyo. Hindi niya kinayang bitawan ang kanyang mga kayamanan dito sa lupa. Higit niyang pinahalagahan ang mga iyon kaysa anumang bagay. Hindi niya kayang isakripisyo ang lahat ng iyon.

Totoo nga ang sinasabi sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa. Nasasaad roon na higit na matalas kaysa alinmang patalim ang Salita ng Diyos (4, 12). Hindi layunin ng Salita ng Diyos na laging magbigay ng tuwa't aliw sa bawat tao. Sa halip, ang tunay na layunin ng Salita ng Diyos ay ihayag sa lahat ang niloloob ng Panginoon. At ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay may kalakip na sakripisyo. Maraming sakripisyo ang kailangan nating gawin, lalo na ang pagbitiw at pagtalikod sa mga kagustuhan natin. Napakasakit isipin yaon, sa totoo lang. Tatalikuran ang ating mga kagustuhan sa buhay para magbigay kaluwalhatian sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban Niya. Nais nating sumunod sa kalooban ng Diyos, subalit ayaw nating bitawan ang mga hangarin natin sa mundo. Mahirap na sakripisyo iyan para sa bawat isa sa ating lahat. Walang sinumang tao dito sa daigdig ang makapagsasabing hindi siya nahirapang magsakripisyo. 

Kaya, ang mga katanungang iniiwan sa atin ngayong Linggo - ano ang mas matimbang? Ano nga ba ang (mga) pinahahalagahan natin? Kailangan nating pagnilay-nilayan nang buong kataimtiman ang mga ito. 

Biyernes, Oktubre 5, 2018

WALANG KONTRAHAN

7 Oktubre 2018 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Genesis 2, 18-24/Salmo 127/Hebreo 2, 9-11/Marcos 10, 2-16 (o kaya: 10, 2-12) 


Sa mga Pagbasa, isang napakahalagang aral ang itinuturo sa atin. Ang aral na ito ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang loobin ng Diyos ay hindi dapat tutulan o palitan ninuman. Walang sinumang tao dito sa mundo ang may kapangyarihang magpawalang-bisa sa mga atas at niloloob ng Diyos. Ang mga tunay na Kristiyano ay ang mga tumutupad at tumatalima sa mga utos ng Diyos. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang paglikha kay Eba. Ang Diyos ay kumuha ng isang tadyang mula kay Adan upang gamitin sa paglikha kay Eba. Ang kuwentong ito ang basehan ng turo tungkol sa pagiisang-dibdib. Magsasama at magiging iisa sa paningin ng Panginoong Diyos ang isang lalaki at isang babae. Ang babaeng si Eba ay nilikha upang maging kasama't katulong ng lalaking si Adan. Niloob ng Diyos na isang lalaki't isang babae ay magsasama bilang magkabiyak ng puso habambuhay.  

Pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa ang isa sa mga titulo ni Hesukristo - ang titulo ng Dakilang Saserdote. Ang Panginoong Hesukristo ay kilala rin bilang Dakilang Saserdote sapagkat ang Kanyang paghahain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ay walang katulad at hindi mapapantayan. Inihain ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa, ang paghahain ng sarili ni Hesus sa Kalbaryo ay niloob ng Ama (2, 9). Masakit man para sa Ama na masilayan mula sa kalangitan ang pag-aalay ng sarili ni Kristo sa krus, niloob pa rin Niya itong mangyari dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ng Panginoong Hesukristo sa krus noong unang Biyernes Santo. 

Binigyang katibayan ng Dakilang Saserdoteng si Hesus ang bisa ng turo tungkol sa kasal sa Ebanghelyo. Ipinaalala ni Hesus ang aral tungkol sa kasal mula sa aklat ng Genesis. Sabi ni Hesus na ang pagiisang-dibdib ay napakasagrado at napakahalaga sa simula't sapul. Inihayag ng Panginoong Hesus na niloob ng Diyos na ang isang lalaki at isang babae ay magsasama-sama at magiging isa sa Kanyang paningin. Kaya naman ang diborsyo ay labag sa kalooban ng Diyos. Hindi kalooban ng Diyos na magkahiwalay ang mga magkabiyak ng puso. Niloob ng Diyos na ang mga mag-asawa'y mamuhay na puno ng pagmamahalan at katapatan bilang isa hanggang sa wakas ng kanilang buhay dito sa lupa. Dagdag pa ni Hesus, "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." (10, 9) At iyon ang nagaganap sa Sakramento ng Kasal. Sa Sakramento ng Pagiisang-Dibdib o Kasal, isang lalaki at isang babae ay pinagsasama't pinag-iisa ng Diyos. 

Sa simula pa lamang, ang habambuhay na pagsasama ng isang lalaki at isang babae bilang magkabiyak ng puso ay niloob ng Diyos. Sa simula pa lamang, hinangad ng Diyos na makapamuhay nang malaya bilang mga anak Niya ang bawat isa. Kaya naman, ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang ibubo ang Kanyang Dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at kaligtasan ng lahat. Ang lahat ng iyon ay niloob ng Diyos na mangyari. 

Anuman ang loobin ng Diyos ay hindi dapat tutulan. Kung tunay tayong mga Kristiyano, dapat nating tanggapin ang kalooban ng Diyos. Dahil ang kalooban ng Diyos ay walang kapantay at walang katulad. Anuman ang loobin ng Diyos na Siyang bukal ng lahat ng kadakilaan at kabanalan ay Kanyang mapangyayari. Ang loobin ng Diyos ay dapat nating tanggapin at sundin nang buo nating puso't kaluluwa. Hindi dapat kontrahin ang kalooban ng Diyos.