Sabado, Pebrero 26, 2022

ANG ATING TUGON

25 Marso 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 11, 26-38 



Isang mahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang ginugunita at ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ginugunita sa masayang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang pagtalima ng Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Tinanggap ni Maria ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Niloob ng Diyos na ang Mahal na Birheng Maria ay maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus na Kanyang Bugtong na Anak. Ang tugon ni Maria sa kalooban ng Diyos ay "Oo." Ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos na humirang sa kanya sa lahat ng mga babae. 

Ang kaganapang ginugunita sa maringal na Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay isinalaysay sa Ebanghelyo para sa nasabing Pista. Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos. Ang kanyang tugon sa kalooban ng Diyos ay "Oo." Ang "Oo" ng Mahal na Ina ay sagisag ng kanyang pagtalima at pagsuko sa Diyos. Isinasantabi ng Mahal na Birhen ang kanyang mga binuong plano para sa kanyang sarili upang ang kalooban ng Diyos ay matupad. Ang "Oo" ni Maria sa kalooban ng Diyos ay taos-puso at kusang-loob. 

Niloob ng Diyos na matupad sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ang propesiyang inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inihayag ni Propeta Isaias sa kanyang propesiya na isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Niloob ng Diyos na si Maria na isang simpleng dalaga mula sa Nazaret ay gumanap sa dalagang tinukoy sa propesiya ni Propeta Isaias. Sa kabila ng bigat ng papel na ito, taos-puso pa ring ibinigay ni Maria ang kanyang "Oo" sa Diyos. Buong kababaang-loob niyang piniling tanggapin at tuparin ang tungkuling bigay sa kanya ng Diyos. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan kung paanong si Hesus ay tumalima nang buong kababaang-loob sa kalooban ng Ama. Ipinasiya ni Hesus na ibigay ang Kanyang taos-pusong pag-"Oo" sa kalooban ng Ama. Tulad ni Maria, ipinasiya ni Hesus na mangyari ang niloob ng Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundo - upang matupad sa pamamagitan Niya ang kaligtasan ng sangkatauhang niloob ng Diyos. Si Hesus ay dumating upang iligas sa sangkatauhan dahil niloob ito ng Ama. 

Lagi tayong tinatanong araw-araw: ibibigay ba natin sa Diyos ang ating "Oo?" Ano ang ating tugon sa kalooban ng Diyos? 

Biyernes, Pebrero 25, 2022

ANG DIYOS NA NAGBIBIGAY NG PAG-ASA

20 Marso 2022 
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9 


Mula noong nagsimula ang panahon ng Kuwaresma sa araw ng Miyerkules ng Abo, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa misteryo ng awa ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoong Diyos dahil sa Kanyang awa. Dahil sa Kanyang awa, niloob ng Panginoong Diyos na pagkalooban tayo ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Kaya naman, ang panawagan ng Simbahan sa mga mananampalataya sa panahong ito ng Kuwaresma ay magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon. 

Sa Linggong ito, binibigyan ng pansin ang pag-asang kaloob ng Diyos. Isang biyaya mula sa Diyos ang pag-asa. Ang pag-asang kaloob ng Diyos ay para sa ikabubuti ng lahat. Ang pag-asang ito ay isang pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang pag-asang kaloob ng Diyos ay sumasalamin sa Kanyang awa. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng Diyos ng pag-asang magbalik-loob sa Kanya dahil hangad Niyang matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Iyan ang ating Diyos. Ayaw Niya tayong mapahamak. Dahil dito, patuloy Niyang binibigyan ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya ang bawat isa sa atin. 

Ang talinghagang isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo sa Linggong ito ay tungkol sa misteryo ng habag ng Diyos. Kung paanong ang may-ari ng ubasan ay nagpakita ng konsiderasyon para sa puno ng igos na walang bunga sa loob ng mahabang panahon dahil sa pakiusap sa kanya ng tagapag-alaga nito, gaya ng nasasaad sa talinghaga ni Hesus, gayon din naman, ang Diyos ay laging nagpapakita ng habag at awa sa lahat ng tao. Ang Diyos ay tunay ngang maawain at mahabagin sa lahat. Dahil ang Diyos ay tunay ngang maawain at mahabagin, hindi Siya tumitigil sa pagbibigay ng pag-asa sa lahat upang makapagbagong-buhay at makapagbalik-loob sa Kanya. Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa mundo, mayroong pag-asa para sa atin na magbagong-buhay at maging banal dahil sa awa ng Diyos. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (Salmo 102, 8a). Kung paanong inihayag ng Diyos kay Moises sa Bundok ng Horeb ang Kanyang awa para sa mga Israelita sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa at kung paano Niya ginawa ang mga mabubuting bagay na inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, lagi Niyang ipinapakita sa tanan ang Kanyang awa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng pag-asa. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay na mapalad dahil ang ating Diyos ay nagbibigay ng pag-asa. Ang Diyos na ating sinasamba ay puspos ng awa at habag para sa atin. Dahil sa Kanyang habag at awa, binibigyan Niya tayo ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Hindi Siya titigil sa paghatid ng pag-asa sa atin habang namumuhay at naglalakbay pa tayo dito sa mundo.

Huwebes, Pebrero 24, 2022

ISANG PUSONG TAPAT AT NAKIKINIG

19 Marso 2022 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51) 


Patris Corde ("Puso ng Isang Ama") ang temang pinagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Taon ni San Jose na ipinagdiriwang mula sa ika-8 ng Disyembre 2020 hanggang sa ika-8 ng Disyembre 2021. Ang temang ito ay hango mula sa Liham Apostolika ng kasalukuyang Santo Papa na si Papa Francisco para sa taong iyon. Si Papa Francisco mismo ang nagdeklara sa nasabing taon sa pagninilay at pagpaparangal kay San Jose bilang paggunita sa Ika-150 Anibersaryo ng Pagdeklara sa kanya bilang Pintakasi at Tagapagtanggol ng Simbahan. 

Sa nasabing Liham Apostolika, pinagtuunan ng pansin ni Papa Francisco ang pagiging mapagmahal ni San Jose kay Hesus bilang Kanyang ama-amahan sa lupa. Bagamat ipinaglihi si Hesus sa sinapupunan ng Birheng Maria lalang ng Espiritu Santo, gaya ng nasasaad sa eksenang itinatampok sa Ebanghelyo ni San Mateo sa araw na ito, inibig pa rin Siya ni San Jose na may puso ng isang ama. Ganyan rin ang ginawa sa kanya ni Hesus. Kahit na alam ni Hesus na nagmula Siya sa langit, inibig pa rin Niya si San Jose bilang Kanyang ama sa mundong ito. Kaya naman, nasasaad sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas na itinatampok rin sa araw na ito na ang Batang Hesus ay umuwi sa Nazaret kasama sina Maria at Jose at naging isang masunuring anak (2, 51a). Iyan ang puso ni San Jose. Iyan ang pag-iibigan nina Hesus at San Jose bilang anak at ama. 

Mayroong dahilan kung bakit tinaglay ni San Jose ang puso ng isang ama. Si San Jose ay nagkaroon ng puso ng isang ama dahil ang kanyang puso ay tapat at nakikinig sa Diyos. Tinaglay ni San Jose ang isang pusong tapat at nakikinig. Iyan ang dahilan kung bakit nasasaad sa wakas ng isa sa mga tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito na "sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon" (Mateo 1, 24a). Ang pasiyang ito ni San Jose ay isa lamang patunay na ang kanyang puso ay isang pusong tapat at nakikinig. Tapat siyang nakinig at tumalima sa utos ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay sa lupa. Dahil lagi siyang nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos nang buong katapatan sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa lupa, nagkaroon siya ng puso ng isang ama. 

Tampok rin sa araw na ito ang puso nina Haring David at Abraham. Ang dalawang ito na naging mga ninuno ni San Jose ay nagtaglay rin ng isang pusong tapat at nakikinig sa Diyos. Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pangako ng Diyos kay Haring David. Ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Haring David sapagkat lagi siyang tapat at handang makinig sa Kanya. Kahit na may mga pagkakataon kung saan nagkasala siya laban sa Diyos, katulad na lamang ng kanyang pakikiapid kay Bat-seba, ipinasiya pa rin niyang maging tapat sa Diyos. Lagi siyang handang makinig sa Diyos nang buong katapatan sa bawat sandali ng kanyang buhay sa mundo. Ginawa rin ito ng ama ng pananampalataya na si Abraham. Sa Ikalawang Pagbasa, ang pananalig ni Abraham ay binigyan ng pansin ni Apostol San Pablo. Bagamat napakahirap para sa kanya na unawain ang kalooban ng Diyos, nanalig pa rin si Abraham. Nanalig si Abraham na mayroong magagawa ang Diyos para tuparin ang pangakong ito. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Abraham na maging tapat at handang makinig sa Diyos. 

Isang pusong tapat at handang makinig. Iyan ang pusong tinaglay ni San Jose. Dahil diyan, nagkaroon siya ng puso ng isang ama. Katulad ni San Jose, magkaroon nawa tayo ng isang pusong laging tapat at handang makinig sa kalooban ng Diyos. 

Sabado, Pebrero 12, 2022

ANG PANGAKO NG KRUS AT PAGKABUHAY

13 Marso 2022  
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1 (o kaya: 3, 20-4, 1)/Lucas 9, 27-38 


Bagamat itinatampok sa Ebanghelyo para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ang binibigyan ng pansin ay ang Kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa loob ng apatnapung araw ng panahon ng Kuwaresma, pinaghahandaan natin ang ating mga sarili para sa pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na kung wala ang Krus ni Hesus, walang Muling Pagkabuhay. Hindi magkahiwalay ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Magkaugnay ang dalawang ito. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa mangyayari sa mga mananatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. Sabi ni Apostol San Pablo na bibigyan sila ng isang panibagong katawan. Ang kanilang katawan ay magiging maluwalhati at dakila katulad ni Kristo (Filipos 3, 21). Ang dahilan kung bakit iyon ang gantimpalang kanilang tatanggapin pagdating ng araw ay dahil nakamit ni Kristo ang kaluwalhatian at tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ni Hesus ang kaluwalhatiang ito sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabagong-Anyo. 

Katunayan, ito ang pinag-usapan nina Hesus, Moises, at Elias sa sandaling iyon. Ang pagkamit ng tagumpay at kaluwalhatian ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay ay ang paksa ng Kanyang usapan kila Moises at Elias. Ito ay isang napakahalagang detalye sa salaysay ni San Lucas tungkol sa kaganapang ito sa buhay ni Hesus. Tanging si San Lucas lamang ang nagbanggit nito sa mga sinotikong manunulat ng Mabuting Balita. Sa pamamagitan nito, isinalungguhit ni San Lucas ang ugnayan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. 

Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako kay Abraham na noon ay tinawag na Abram. Ipinangako Niya kay Abraham na magmumula sa kanya ang isang napakalaking lahi. Magiging kasindami ng mga bituin sa langit ang magiging anak at apo ni Abraham (Genesis 15, 5). Kung paanong ang Diyos ay nangako kay Abram na mas kilala ngayon bilang si Abraham na magkakaroon siya ng maraming anak at apo, gayon din naman, ipinangako Niya sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na walang iba kundi si Kristo Hesus na masasaksihan ng tanan ang kaligtasan dulot ng Kanyang tagumpay at kaluwalhatian.

Ang pangako ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ay muling ipinapaalala sa atin sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Ang pangakong ito ay ang biyaya ng kaligtasang dulot ng tagumpay at kaluwalhatian ng Diyos na nakamit at nasaksihan ng lahat sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Sa Krus Mo at Pagkabuhay, kami'y tinubos Mong tunay. Poong Hesus, naming mahal, iligtas Mo kaming tanan ngayon at magpakailanman. 

Biyernes, Pebrero 11, 2022

APATNAPUNG ARAW NG PAGLALAKBAY KASAMA SI HESUS

6 Marso 2022 
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13 


Mayroong apatnapung araw ang panahon ng Kuwaresma. Kaya naman, ang opisyal na pangalan ng panahong ito ay "Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay." Sa loob ng apatnapung araw na ito, ang Simbahan ay nananawagan sa lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos, inihahanda natin ang ating mga sarili para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos. 

Subalit, bukod sa pagiging panahon na inilaan ng Simbahan para sa taimtim at taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbalik-loob sa Panginoong Diyos, ang panahong ito ay inilaan rin sa paglalakbay kasama Siya. Sa panahong ito, inaanyayahan tayo na maglakbay kasama si Hesus sa ilang. Sa pamamagitan ng paglalakbay na ito kasama ang Panginoong Hesukristo, mahahanap natin ang tunay nating mga sarili. Ang tunay nating pagkakilanlan. Ano naman iyon? Tayong lahat, bagamat mga makasalanan, ay tinanggap at itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil kay Kristo Hesus. Ang katotohanang ito tungkol sa ating pagkakilanlan ang pupukaw sa atin na tahakin ang daan o landas pabalik sa Kanya. 

Kaya naman, sa Ebanghelyo, si Hesus ay naglakbay patungo sa ilang. Dinala Siya sa ilang ng Espiritu Santo. Doon sa ilang, napagtagumpayan ni Hesus ang panunukso ni Satanas. Sa kabila ng kahinaan ng Kanyang Katawan dahil apatnapung araw Siyang nanatili sa ilang na walang pagkain o inumin, tinutulan at nilabanan ni Hesus nang buong katapatan sa Ama ang mga tukso ng demonyong nais Siyang samantalahin sa oras na mahina ang Kanyang Katawan. Hindi nagpatalo si Hesus sa tatlong tukso ng demonyo dahil nanatili pa rin Siyang tapat sa Ama. 

Ano naman ang kinalaman ng tagumpay ni Hesus laban sa mga tukso ng demonyo sa Kanyang paglalakbay sa ilang? Paano nauugnay ang dalawang ito? Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ni Hesus na maglakbay tungo sa ilang upang mag-ayuno at manalangin. Subalit, pinili Niyang magtungo sa ilang dahil iyon ang kalooban ng Ama. Dinala Siya sa ilang upang pagtagumpayan ang tukso. Sa pamamagitan ng Kanyang tagumpay laban sa mga tukso ng demonyo sa ilang, ipinakita ni Hesus ang tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan. Iyon ang dahilan kung bakit naglakbay si Hesus patungo sa ilang. 

Hindi lamang ang paglalakbay ni Hesus sa disyerto ang paglalakbay na itinatampok at nais bigyan ng pansin sa Linggong ito. Ang paglalakbay ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako ay ipinaalala ni Moises sa mga tao sa Unang Pagbasa. Ito ang tuntuning ibinigay niya sa mga tao tungkol sa kanilang sasambitin sa tuwing ihahandog ang unang bunga ng pananim. Sa gayon, maaalala ng mga tao kung bakit nila ito ginagawa. Ginagawa ito para sa Panginoong Diyos na umakay sa kanila sa kanilang mahabang paglalakbay tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako.  

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa isang napakahalagang katangiang dapat taglayin ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa - pananalig. Ito rin ang binigyan ng pansin sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan" (Salmo 90, 15b). Kailangan nating manalig sa Diyos. Ang dahilan kung bakit ay ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa paliwanag na ito, sinabi ni Apostol San Pablo na ang bawat tao ay nananalig "sa pamamagitan ng kanilang puso" (Roma 10, 10). Ito ang kailangan natin bilang mga Kristiyano upang maipahayag natin nang taos-puso ang ating "Oo" sa paanyaya ng ating Panginoong Hesus na maglakbay kasama Niya. 

Inaanyayahan tayo ng panahon ng Kuwaresma na maglakbay kasama si Hesus nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin muli ang katotohanan tungkol sa ating mga sarili. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin ng Ama na angkinin tayo bilang Kanyang mga anak. Gaano man kalaki o kaliit ang ating pananalig, ibigay pa rin natin ang ating "Oo" sa paanyayang ito ni Kristo. 

Huwebes, Pebrero 10, 2022

TAIMTIM AT TAOS-PUSONG PAGBALIK SA DIYOS

2 Marso 2022 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Ang panawagan ng Simbahan sa tuwing sasapit ang Kuwaresma taun-taon ay hindi nagbabago. Ang laging panawagan ng Simbahan sa lahat ng mga mananampalataya sa tuwing sasapit ang apatnapung araw na ito ay magbalik-loob sa Diyos. Bagamat lagi naman ito ang panawagan ng Simbahan sa mga mananampalataya anuman ang oras, panahon, o taon, lalo itong binibigyan ng pansin tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay.  

Sa unang araw ng panahon ng Kuwaresma, ang Miyerkules ng Abo, ang lahat ng mga mananampalataya ay pinaaalalahanan tungkol sa katotohanan ng ating buhay. Ang bawat isa sa atin ay mga mortal na tao lamang. Sa mundong ito, walang imortal na tao. Ang buhay ng bawat tao dito sa mundo ay pansamantala lamang. May wakas o katapusan ang ating buhay dito sa mundo. Sa madaling salita, mamamatay rin tayo pagdating ng panahon. Masakit man sabihin ito, subalit iyan ang katotohanan. Iyan ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa ating buhay. Memento mori

Kaya naman, isa sa dalawang talata mula sa Banal na Kasulatan ang sinasabi ng pari sa bawat mananampalataya sa Rito ng Paglalagay ng Abo. Ang isa sa mga talatang maaaring sabihin ng pari sa ritong ito ay mula sa isa sa mga pangaral ng Panginoong Hesukristo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 15). Ang isa naman ay mula naman sa Matandang Tipan: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). Iyan ang muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Miyerkules ng Abo na unang araw ng panahon ng Kuwaresma. 

Ito ang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nakiusap ang Diyos sa Kanyang bayan na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi dapat patagalin ang pakikipagkasundo sa Diyos. Habang ang bawat isa sa atin ay mayroong hininga pa, dapat tayong magbalik-loob sa Diyos. Sa Ebanghelyo, idiniin ni Hesus sa bahaging ito ng Kanyang pangaral na dapat maging taimtim at taos-puso ang bawat gawa sa pamamanata sa Diyos - pananalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisiuway" (50, 3a). Ang Diyos ay puspos ng awa. Katunayan, ang Diyos mismo ay ang bukal ng awa. Ang Kanyang awa ay hindi Niya ipagkakait sa sinumang dudulog sa Kanya upang hingin nito nang taos-puso. Maging taimtim at taos-puso sa paghingi ng awa at habag mula sa Diyos. Ipagkakaloob Niya ito sa atin. 

Memento mori. Mamamatay rin ang bawat isa sa atin balang araw. Habang mayroon pa tayong hininga, maglakbay tayo kasama ni Kristo. Sa ating paglalakbay kasama ni Kristo, mahanap natin muli ang katotohanan tungkol sa atin. Bagamat pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo at babalik sa lupa sa katapusan nito, inangkin tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Hesus. Maantig nawa ang ating mga puso sa katotohanang ito at pumukaw sa atin na taos-pusong bumalik sa Diyos na handang ipagkaloob ang Kanyang awa at habag sa atin. 

Sabado, Pebrero 5, 2022

SALAMIN NG PUSO

27 Pebrero 2022 
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45 


"Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Ito ang mga salita ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng Kanyang pangaral sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo ay isang bahagi lamang ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi ito kasing-haba ng Kanyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo ni San Mateo kung saan umabot ito ng dalawang buong kabanata. 

Ang mga salitang ito ng Panginoon sa wakas ng Ebanghelyo na bahagi ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Katunayan, ang mga salitang ito ni Hesus ay tulad ng mga salita sa wakas ng Unang Pagbasa. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa: "Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsasalita, [dahil] doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa" (Sirak 27, 8). Sa mga salitang ito, inilarawan ang ugnayan ng mga salitang binibigkas ng bawat tao at ng laman ng kanilang puso. 

Diretsyahang inihayag ni Hesus sa pangaral na ito na hindi maaaring paghiwalayin ang laman ng puso at ang mga salitang binibigkas ng isang tao. Para kay Hesus, ang laman ng puso ng isang tao ay nahahayag sa kanyang mga salita. Ang nilalaman ng puso ng isang tao at ang mga salitang kanyang binibigkas ay magkaugnay. Ang mga salitang namumutawi mula sa bibig ng bawat tao ay sumasalamin sa nilalaman ng kanilang puso. Ipinapahayag ng bawat tao ang tunay na laman ng kanilang mga puso gamit ang kanilang mga salita. 

Hindi lalayo ang ginawa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita siya tungkol sa tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Nahayag sa pamamagitan nito ang tunay na nilalaman ng puso ni Apostol San Pablo. Ang tunay na nilalaman o nasa kaloob-looban ng puso ni Apostol San Pablo ay walang iba kundi si Kristo. Isang patunay nito ay ang kanyang walang sawang pangangaral tungkol kay Kristo mula sa sandali ng pagkahirang sa kanya bilang apostol at misyonero, kahit na buong sigasig niya inusig ang mga unang Kristiyano dati. 

Tinatanong tayo ngayong Linggo - sino (o ano) ang laman ng ating mga puso? 

Biyernes, Pebrero 4, 2022

LUKLUKAN NI APOSTOL SAN PEDRO: BIYAYA NG PANGINOON

22 Pebrero 2022 
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro 
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 



Marahil marami ang magtataka kung bakit naglaan ang Simbahan ng isang araw para sa pagdiriwang ng isang luklukan o upuan. Kung tutuusin, ang araw na ito ay maaari namang tawaging "Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa." Kung tutuusin, iyon naman talaga ang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito, hindi ba? Ano nga ba ang mayroon sa isang luklukan? Bakit hindi na lamang tawagin ang araw na ito bilang Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa? 

Hindi naman ang literal na luklukan o upuan ang binibigyan ng pansin sa araw na ito kundi ang pagiging Unang Santo Papa ng Simbahan ni Apostol San Pedro. Isa lamang sagisag ng pagiging Santo Papa ni Apostol San Pedro ang luklukan. Hindi naman ang literal na luklukan ang ginugunita. Bagkus, ang luklukan ay tumutukoy sa posisyon at misyon ni Apostol San Pedro bilang Unang Santo Papa ng Simbahang na itinatag ni Kristo mismo. Katunayan, ang misyong ito ni Apostol San Pedro ay ibinigay sa kanya ni Kristo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagkahirang kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang itinatag ni Kristo. 

Ang pagiging unang Santo Papa ni Apostol San Pedro ay isang biyayang ipinagkaloob mismo ni Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Santo Papa ay ipinagkaloob ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging Kanyang kinatawan o bikaryo. Bilang kinatawan o bikaryo ni Kristo dito sa mundo, tungkulin ng Santo Papa na pangasiwaan at alagaan nang may pag-ibig at katapatan ang kawan ni Kristo dito sa mundo. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay akayin ang kawan ni Hesus patungo sa Kanya. Dapat rin silang maging salamin ng Mabuting Pastol na walang iba kundi si Hesus. 

Kaya naman, ang mga salita ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay maituturing na isang pakiusap o habilin para sa lahat ng mga hahalili sa kanya bilang Santo Papa ng Simbahan. Hindi lamang niya ito isinulat para sa mga kasama niya sa misyon ng pagpapalaganap ng Magandang Balita kundi para na rin sa mga papalit sa kanya bilang Santo Papa at ang mga hahalili sa iba pa niyang mga kasama. Ang kanyang pakiusap ay alagaan ang kawang ipinagkatiwala ng Panginoon (1 Pedro 5, 2). Ang kawan ay hindi kanila kundi kay Kristo. Ang tungkulin ng Santo Papa, ng mga obispo, at mga pari ay maging mabuting tagapangasiwa at pastol. 

Isang biyaya mula sa Panginoong Hesukristo ang Luklukan ni Apostol San Pedro. Sa pamamagitan nito, ipinaaalala ni Hesus na hindi Niya tayo pababayaan. 

Huwebes, Pebrero 3, 2022

MAHABAGIN TULAD NG AMA

20 Pebrero 2022 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 


"Maging mahabagin kayo [katulad] ng inyong Ama" (Lucas 6, 36). Nakasentro sa mga salitang ito ang pangaral ni Hesus na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa bawat bahagi ng Kanyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging mahabagin. Ang bahaging ito ng Kanyang mahabang pangaral ay inilaan Niya sa pagturo sa mga tao na dapat silang mahabagin sapagkat mahabagin ang Amang nasa langit. Para sa Panginoong Hesus, marapat lamang magpakita ng habag ang bawat isa sa atin sa ating kapwa-tao dahil kinahabagan rin tayo ng Diyos. 

Hindi lamang tinalakay sa pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging mahabagin sa isa't isa. Ang iba pang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon rin sa halaga ng pagiging mahabagin tulad ng ating Panginoon. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin na dapat tayo magpakita ng habag sa isa't isa katulad ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay kinahabagan ng Panginoon, kaya dapat lamang tayo magpakita ng habag sa kapwa. Iyan ang dapat nating gawin bilang mga tinanggap at itinuring ng Diyos na Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Sa Unang Pagbasa, si David ay nagpakita ng habag kay Haring Saul. Alam ni David na nais siyang patayin ni Haring Saul. Subalit, pinili ni David na huwag patayin ang hari. Katunayan, ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay ang ikalawang pagkakataong ginawa ito ni David. Sa unang pagkakataon, pinutol ni David ang laylayan ng damit ni Haring Saul sa loob ng isang kuweba. Sa ikalawang pagkakataon, hindi ginamit ni David ang sibat upang patayin si Haring Saul. Sabi na mismo ni David sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa na hindi niya papaslangin si Haring Saul kahit na niloob ng Diyos na mahulog ang hari sa kanyang mga kamay. Isa lamang ang dahilan nito - hinirang ng Diyos si Haring Saul (1 Samuel 25, 23). 

Ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay tinalakay sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng biyayang ito, nahayag ang habag ng Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang pangalawang Adan na walang iba kundi si Kristo Hesus upang maging ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pangalawang Adan na tinutukoy sa Ikalawang Pagbasa, ang biyaya ng buhay at kaligtasan ay dumating. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (102, 8a). Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay at walang hanggan. Hindi Niya ito ipinagdamot sa atin kailanman. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob at ibinuhos sa atin. Hindi rin Siya tumitigil o nagsasawa sa paggawa nito. Lagi Niya itong ginagawa nang hindi nagsasawa kailanman. 

Kung paanong ang Panginoon ay naging mahabagin sa atin, dapat rin tayong maging mahabagin sa isa't isa. Dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang habag ng Diyos na ating tinanggap. Ipalaganap natin ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Tulad ng Panginoon, huwag rin tayong magsawa sa pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob. Huwag tayong tumigil sa pagiging mahabagin katulad ng Panginoon. Iyan ang tungkulin bilang mga inangkin ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Dapat magsilbing salamin ng mahabaging Diyos ang bawat isa sa atin sa ating kapwa.