Sabado, Mayo 27, 2023

MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL KAHIT HINDI KARAPAT-DAPAT ANG KINAHAHABAGAN AT MINAMAHAL

4 Hunyo 2023 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A) 
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1741) The Trinity by Francesco de Mura from ArtDaily.com is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States of America, due to its age. 

Inilaan ng Simbahan ang Linggo kasunod ng Linggo ng Pentekostes para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sa tuwing sasapit ang taunang pagdiriwang ng nasabing Dakilang Kapistahan, tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay binibigyan ng pagkakataon upang talakayin at pagnilayan ang misteryong ito tungkol sa pagkakilanlan ng Panginoong Diyos. Ang Diyos ay iisa lamang, subalit ang tunay at nag-iisang Diyos na ating pinupuri at sinasamba bilang tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kaya naman, sa tuwing tayo ay mag-aantanda ng Krus sa simula at wakas ng ating mga dasal, ang sinasabi natin ay hindi "Sa MGA Ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo" kundi "Sa Ngalan ng Ama . . ." 

Kung magiging prangka tayo, mahirap talagang arukin, unawain, at ipaliwanag ang misteryong ito ng ating pananampalataya. Mayroon pa ngang biro na nagsasabing laging kinakabahan ang mga pari sa tuwing papalapit ng pagsapit ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos at sa pagsapit ng mismong pagdiriwang na iyon sapagkat kinakailangan nila itong ipaliwanag. Bagamat isa itong biro lamang, hindi maipagkakailang mahirap itong ipaliwanag nang lubos. Mayroong hangganan ang isipan at pang-unawa ng tao. Hindi kayang unawain at ipaliwanag ng tao ang lahat ng bagay at misteryo. 

Sa kabila ng mga hangganan at limitasyon ng ating mga isipan at pang-unawa bilang mga taong namumuhay sa mundong ito, ipinasiya ng tunay at nag-iisang Diyos na ipakilala ang Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ng Banal na Santatlo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagpasiyang magpakilala sa atin bilang Tatlong Personang bumubuo sa kaisa-isang Diyos na ating pinupuri, pinararangalan, pinasasalamatan, dinarakila, niluluwalhati, at sinasamba. Inilahad sa mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan para sa Dakilang Kapistahang ito ang dahilan kung bakit. Sabi ng Diyos sa Kanyang lingkod na hinirang na si Moises na tunay Siyang mapagmahal, maawain, at tapat (Exodo 34, 6). Bagamat tayong lahat ay mga makasalanang may maraming hangganan at limitasyon, ipinasiya pa rin ng Diyos na ipamalas sa atin ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay nga namang walang hanggan at dakila. Sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, muling pinagtuunan ng pansin at isinalungguhit ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Ipinaalala sa atin sa Banal na Ebanghelyo na kusang-loob ang pasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang sangkatauhan dahil tunay ang Kanyang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Panginoong Diyos. Hindi ito isang kathang-isip lamang. Tunay ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Banal na Santatlo na inihayag sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Diyos Anak na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Ikalawang Pagbasa, muling ipinaalala ni Apostol San Pablo sa lahat na ang Diyos ay ang Diyos ng habag, pag-ibig, at kapayapaan (2 Corinto 13, 11). 

Hindi maaaring sabihin ninumang karapat-dapat siyang iligtas ng Panginoong Diyos o kaya naman nararapat lamang magpakilala nang lubusan sa kanya ang Diyos. Ang bawat isa sa atin ay hindi karapat-dapat sa biyaya, pag-ibig, habag, at awa ng Diyos dahil tayong lahat ay pawang mga makasalanang mayroong maraming hangganan at limitasyon. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng tunay na Diyos na ipakita sa atin ang Kanyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa. Nahayag sa atin ang dakilang biyaya, pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang Diyos ay iisa lamang. Hindi tatlo ang Diyos na ating sinasamba kundi isa. Walang ibang diyos o bathala maliban sa Kanya. Subalit, ang tunay at kaisa-isang Diyos ay binubuo ng Tatlong Persona na walang iba kundi ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kusang-loob na ipinasiya ng Banal na Santatlo na ipahayag ang dakilang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa, dahil sa pag-ibig para sa atin na inihayag sa tanan sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat, nagpakita pa rin sa atin ng tunay at dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ang Banal na Santatlo sa atin. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mismo ay ang patunay nito. 

Biyernes, Mayo 26, 2023

HINDI MALIIT NA BAGAY

2 Hunyo 2023
Biyernes ng Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Paggunita kina San Marcelino at San Pedro, mga martir 
Sirak 44, 1. 9-13/Salmo 149/Marcos 11, 11-26 

Screenshot: QUIAPO CHURCH OFFICIAL - 6PM #OnlineMass (May 20, 2023) 

Mahaba-haba ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Katunayan, mayroong tatlong bahagi ang salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Itinampok sa unang bahagi ng Ebanghelyo ang pagsumpa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa isang puno ng igos na walang bunga. Bagamat hindi pa panahon ng igos noong mga araw na yaon, ang nasabing puno ng igos na madahon ay isinumpa pa rin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang mga nagtitinda ng kalapati, nagpapalit ng salapi, at mga namimili ay pinalayas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Templo. Sa ikatlo at huling bahagi ng Mabuting Balita, natagpuang wala nang buhay ang puno ng igos na isinumpa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa unang bahagi ng Mabuting Balita. 

Isang napakahalagang detalye sa salaysay sa Ebanghelyo ang panahon kung kailan ang puno ng igos ay isinumpa ni Jesus Nazareno. Nabanggit ito sa unang bahagi pa lamang ng salaysay sa Mabuting Balita. Maliwanag na binanggit sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo na hindi pa panahon ng igos sa araw at sandaling isinumpa ng Poong Jesus Nazareno ang puno ng igos (Marcos 11, 13). Kaya, maaari rin nating tanungin, bakit naman ito ipinasiyang gawin ng Panginoong Jesus Nazareno? Bakit mukhang nawalan o naubusan ng pasensya ang Mahal na Poong Jesus Nazareno? Hindi ba Niya ito batid? Kung tutuusin, maaari na lamang Siya magtungo sa ibang pook o lugar upang makahanap ng igos o anumang pagkain. Parang isang maliit na bagay lang naman ito. Bakit Niya itong ginawang problema? 

Oo, maaaring magsitungo ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa ibang lugar o pook upang makahanap ng ibang makakain. Subalit, ito ay higit pa sa pagkain. Bagkus, ito ay tungkol sa oras ng Panginoong Diyos. Ang oras ng Diyos ay iba sa oras ng tao. Huwag nating kakalimutan, hindi inaaasahan ng mga tao na si Jesus Nazareno ay ang mismong Mesiyas at Manunubos na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa takdang panahon. Inaaasahan nga nilang darating si Kristo, ngunit hindi nila akalaing si Jesus Nazareno ay ang Kristo. Bukod pa riyan, ang Poong Jesus Nazareno lamang ay ang tanging nakakaalam kung ano ang mangyayari sa Kanya sa mga susunod na araw sa lungsod ng Herusalem. Walang ibang tao ang nakakaalam, liban kay Jesus Nazareno. 

Darating at dadalaw sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandali at oras na hindi natin aasahan (Mateo 24, 44; Marcos 13, 35). Hindi lamang iyan tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon kundi ito ay tungkol rin sa Kanyang palagiang pagdalaw sa bawat sandali ng ating buhay. Ang oras at sandaling dadalaw sa ating buhay ang Panginoong Jesus Nazareno ay hindi mahuhulaan ninuman. Ito ang ipinapaalala Niya sa lahat sa pamamagitan ng puno ng igos na Kanyang isinumpa. 

Sa Unang Pagbasa, pinarangalan ang mga naging tapat sa Panginoong Diyos habang namumuhay sila sa lupa. Ang punong ito ay isinalungguhit rin sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Kinalulugdan ng Diyos ang mga hinirang Niyang tapat sa Kanya. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Panginoong Jesus Nazareno sa araw na ito. Nais Niya tayong maging tapat sa Kanya nang taos-puso. Habang namumuhay pa tayo dito sa mundong ito, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. 

Hindi maliit na bagay ang ginawa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa puno ng igos sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ipinapaalala sa atin na darating Siya sa mga oras at sandaling hindi natin inaaasahan. Pagdating ng oras ng Kanyang pagdalaw sa atin, o kaya naman sa oras ng Kanyang muling pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, ano ang Kanyang makikita sa ating mga puso? 

Huwebes, Mayo 25, 2023

ANG MISYON NG WALANG HANGGAN AT DAKILANG PARI

1 Hunyo 2023
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari (A)
Genesis 22, 9-18 (o kaya: Hebreo 10, 4-10)/Salmo 39/Mateo 26, 36-42 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1655) The Agony in the Garden by Adriaen van de Velde (1636–1672), as well as the actual work of art itself from a Private collection made available through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This faithful photographic reproduction of the said work of art, as well as the said work of art itself, is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang Huwebes pagkaraan ng Linggo ng Pentekostes ay inilaan ng Simbahan para sa isang napakaespesyal na Kapistahan. Ito ang Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari. Napakalinaw naman kung ano ang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Sa araw na ito, ipinapaalala ng Simbahan sa atin na isa ring Pari o Saserdote si Hesus. Katunayan, sa lahat ng mga pari, ang Panginoong Hesus ay namumukod-tangi sapagkat ang pinakadakilang hain o handog ay Kaniyang inialay. Ito ay walang iba kundi ang buo Niyang sarili. 

Mayroong maraming titulo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kilala natin Siya sa ilalim ng mga titulong "Panginoon," "Hari," "Kristo," "Mesiyas," at "Manunubos." Ilan lamang ang mga ito sa mga titulo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, tiyak na lingid sa kaalaman ng marami, maging ng maraming Katoliko, ang titulo ng Poong Jesus Nazareno bilang "Pari." Hindi naiuugnay ng marami ang titulong "Saserdote" o kaya "Pari" sa Poong Jesus Nazareno. Kaya, tiyak na bago sa pandinig ng marami ang titulo ng Panginoong Jesus Nazareno na pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito, na walang iba kundi ang titulong "Walang Hanggan at Dakilang Pari." 

Ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan ang Walang Hanggan at Dakilang Pari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Hindi biro ang kinailangang gawin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, kinailangang ihandog ng Panginoong Jesus Nazareno ang pinakadakilang handog na walang iba kundi ang buo Niyang sarili sa Krus na Banal upang iligtas ang tanan. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno ang taos-puso Niyang pagtanggap sa kalooban ng Ama sa kabila ng takot at pangamba habang nanalangin at nagdurusa sa Halamanan ng Hetsemani. Buong kababaang-loob, pananalig, at lakas na inihayag ni Kristo ang taos-puso Niyang pagtanggap sa misyon at tungkuling ito bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. 

Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pasiya ng ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham na sundin nang buong kababaang-loob at pananalig ang iniutos ng Diyos sa kabila ng hirap nito. Napakahirap ng ipinagawa sa kanya ng Diyos. Ang utos ng Diyos ay ihandog ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac sa bundok na Kanyang ituturo sa lingkod Niyang ito. Bilang gantimpala, isinugo ng Panginoong Diyos kay Abraham ang isa sa Kanyang mga anghel upang awatin at pigilin siya sa pagpatay sa kanyang anak na si Isaac at ipinagkalooban siya ng isang lalaking tupa upang ihandog ito kapalit ng kanyang anak (Genesis 22, 11-13). Mahirap ang ginawa ni Abraham, subalit higit na mahirap ang ginawa ni Jesus Nazareno na inilarawan sa alternatibong Unang Pagbasa at pati na rin sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. 

Hindi biro ang hirap ng pagtupad ng Poong Jesus Nazareno sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Katunayan, ang pagtupad Niya sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ay ang tanging dahilan kung bakit tinatawag at kinikilala Siya sa titulong "Walang Hanggan at Dakilang Pari." Siya lamang ang naghandog ng pinakadakilang alay na walang iba kundi ang buo Niyang sarili sa Banal na Krus para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Bagamat napakahirap ang Kanyang ginawa bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, ipinasiya pa rin Niya itong tuparin nang buong kababaang-loob at pananalig. Iyan ang Poong Jesus Nazareno, ang Walang Hanggan at Dakilang Pari. 

Dahil sa ginawa ng Poong Jesus Nazareno bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, ang palagiang pag-aalay ng mga panalangin para sa mga pari ay napakahalaga. Hindi biro ang kailangang gawin ng mga pari. Mula noon hanggang ngayon, walang pari sa kasaysayan ng Simbahan ang hindi nakaranas ng hirap sa pagsunod sa halimbawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa kanilang pagsisikap na tularan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Walang Hanggan at Dakilang Pari, maraming ulit silang sinusubukan at tinutukso sa bawat sandali ng kanilang ministeryo at tungkulin bilang mga paring Kanyang tinawag at hinirang para sa Kanyang Simbahan. Kaya naman, lagi tayong pinakikiusapan ng Simbahan na laging manalangin para sa mga pari. 

Tanging ang Poong Jesus Nazareno lamang ang Paring Walang Hanggan at Dakila. Sa kabila ng hirap at sakit dulot ng misyon at tungkuling ito, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na tuparin ang Kanyang misyon at tungkulin bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Inihandog Niya ang pinakadakilang hain na nagdulot ng kaligtasan para sa sangkatauhan - ang Kanyang buong sarili. Hindi ipinagdamot ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili sapagkat hinangad Niya tayong iligtas. Patunay lamang ito na tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. 

Sabado, Mayo 20, 2023

EBANGHELISASYON ANG ATING MISYON

31 Mayo 2023 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 17th century) La Visitazione by Antiveduto Grammatica (1571–1626), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakatuon sa halaga ng Ebanghelisasyon. Sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang malayong paglalakbay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen mula sa kanyang bahay sa bayan ng Nazaret sa Galilea patungo sa bahay ng kanyang kamag-anak na walang iba kundi si Elisabet ay taimtim na pinagninilayan. Hindi lamang dinala ng Mahal na Birhen ang kanyang sarili noong dinalaw niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet kundi dinala rin niya ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno na kaniyang dala-dala sa kaniyang sinapupunan. Katulad ni Maria, nagdadalantao rin sa mga sandaling yaon si Elisabet. Dinala si Elisabet sa kanyang sinapupunan ang sanggol na si San Juan Bautista sa mga sandaling yaon. 

Isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo ang mahalagang kaganapang itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. Malayo ang nilakbay ni Maria upang dalawin si Elisabet. Subalit, tunay ngang natatangi ang kanyang pagdalaw na ito na isinalaysay ng manunulat ng Mabuting Balitang si San Lucas sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung ikukumpara sa mga nakaraan niyang pagdalaw sa kamag-anak niyang ito. Bagamat ang pagiging payak, maamo, at mababang-loob ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nanatili pa rin, hindi mapagkakailang tunay ngang naiiba ang pagdalaw na ito. Dumalaw siya sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadala sa sanggol na si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan bilang babaeng hinirang at itinalaga upang maging Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa mga oras na yaon, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay dumalaw bilang Kaban ng Bagong Tipan sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Ang Salita o Verbong ito ay dumating upang ihayag ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan. 

Bago dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi si Jesus Nazareno, hinirang at inatasan ng Panginoong Diyos ang mga propeta ng Lumang Tipan bilang mga tagapaghatid ng Kanyang mga mensahe sa Kanyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Si Propeta Sofonias ay isang halimbawa ng maraming mga propetang hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan. Tiyak na nagdulot ng tuwa sa bayang Israel ang mga salitang inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Sofonias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Hinirang sila ng Panginoong Diyos upang maging tagapaghatid ng Kanyang mensahe. Ginawa rin ito ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo. Katunayan, ang ginawa ni Maria sa Ebanghelyo ay higit pa sa ginawa ng lahat ng mga Propeta sa Lumang Tipan. Ito ay dahil dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang mismong Salita o Verbong nagkatawang-tao na si Jesus Nazareno. 

Sa alternatibong Unang Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito, isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa dapat maging asal ng mga tunay at tapat na saksi ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dapat maging maibigin at mabuti ang lahat ng mga tunay at tapat na saksi ni Kristo. Ang kabutihan at kabanalan ay dapat lamang pairalin at isabuhay ng mga tunay at tapat na saksi ng Poong Jesus Nazareno. Ito ay dahil sa mga salitang nasasaad sa Salmo para sa araw na ito: "Kapiling n'yo ang butihing Poong Banal ng Israel" (Isaias 12, 6b). Bilang mga Kristiyano at deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, mayroon tayong tungkuling dapat gampanan. Maging Kanyang mga saksi. Subalit, hindi sapat ang mga salita lamang. Bagkus, dapat rin natin itong ipakita sa mga gawa. 

Mayroon tayong misyon at tungkulin bilang mga Kristiyano at mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ating misyon at tungkulin na dapat natin tuparin at gampanan bilang mga Kristiyano at mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay sumaksi at magpatotoo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Isinagawa ito ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ni Propeta Sofonias, gayon din ni Apostol San Pablo, at higit sa lahat, ginawa rin ito ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na siyang Kaban ng Bagong Tipan. Handa ba tayong gawin rin ito gaya nila? 

Biyernes, Mayo 19, 2023

ANG INA NG DIYOS AY INA RIN NG SIMBAHAN

29 Mayo 2023 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 87/Juan 19, 25-34 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 16th century) Madonna in Glory by Bernardino Campi  (1520–1591), as well as the actual painting itself from an unidentified location, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less, including the United States, due to its age. 

Matapos ipagdiwang ang huling araw ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay na walang iba kundi ang Linggo ng Pentekostes na siyang kaarawan ng Simbahan, itinatampok at pinagninilayan ng Simbahan ang titulo ng Mahal na Inang si Mariang Birhen bilang Ina ng Simbahan. Ang Mahal na Birhen ay may maraming mga titulo at gampanin. Subalit, tunay ngang naiiba at natatangi ang kanyang titulo bilang Ina ng Simbahan sapagkat siya mismo ay ang Ina ng Diyos. Ang Ina ng tunay na Simbahan ay ang mismong Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazarenong ating ipinangakong Panginoon at Manunubos. 

Pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang pagiging kaloob ni Maria. Isa siyang kaloob sa Simbahan. Ang katotohanang ito ay maliwanag na ipinapahiwatig ng titulo at gampaning "Ina ng Simbahan." Dahil sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos, niloob Niyang maging bahagi tayo ng Kanyang pamilya. Nahayag ito sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, habang nakabayubay sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo, ay nagpakita ng pag-ibig, habag, at kagandahang-loob sa Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang kusang-loob na paghabilin sa kanya sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ang Apostol na si San Juan ang kumatawan sa Simbahan sa mga sandaling yaon.

Inilahad sa Unang Pagbasa ang pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos matapos malugmok ang tao sa kasalanan sapagkat sinuway nina Adan at Eba ang Kanyang utos na huwag kainin ang ipinagbabawal na bunga. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay darating sa pamamagitan ng isang babae. Sa Ebanghelyo, ipinakilala ang babaeng yaon. Ang babaeng yaon ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen na nagsilang sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na nakabayubay sa Krus na si Jesus Nazareno. Sa alternatibong Unang Pagbasa, ang Mahal na Birheng Maria ay taimtim na nanalangin kasama ang mga apostol habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo. Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, ang katotohanang ito ay isang mabuti at magandang balita para sa atin bilang Simbahan (Salmo 87, 3). Ang Ina ng Diyos ay ang atin ring Ina. 

Ang Ina ng Diyos ay Ina rin ng Simbahan. Ito ang katotohanang nais ipaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. Nangyari ito dahil sa pag-ibig, habag, at kagandahang-loob ng Diyos para sa atin na nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Si Mariang Birhen ay ang ating Ina dahil hindi siya ipinagdamot ni Jesus Nazareno mula sa atin. Kusang-loob Niyang ibinilang tayo sa Kaniyang pamilya. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob Niya, ibinilang tayo ng Poong Jesus Nazareno bilang Kanyang mga kapamilya.

Huwebes, Mayo 18, 2023

IBUBUKAS BA NATIN ANG ATING MGA SARILI SA ESPIRITU SANTO?

28 Mayo 2023 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1750s) Pentecost by Josef Ignaz Mildorfer  (1719–1775), as well as the actual work of art itself from the Hungarian National Gallery through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and origins where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer, including the United States, due to its age. 

Ang Linggong ito ay isang napakahalagang araw para sa Simbahan. Buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, Linggo, 50 araw makalipas ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang kanyang kaarawan. Ito ay walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Penekostes. Sa araw na ito, ginugunita ng Simbahan ang katuparan ng pangakong binigkas ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol bago Siya umakyat sa langit. Matapos ang pag-akyat sa langit ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno, ang mga apostoles ay bumalik sa Herusalem upang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo. Sa araw ng Pentekostes, natupad ang pangako ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa kanila. Mula noong pumanaog sa kanila ang Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes, hindi sila natakot na magpatotoo tungkol kay Kristo Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ipinagpapatuloy ng Simbahan ang misyong ito sa kasalukuyan. 

Isinentro ni Apostol San Pablo ang kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa para sa maringal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito ang pagtulong ng Espiritu Santo sa Simbahan. Siya ang nagkakaloob ng iba't ibang biyaya sa atin (1 Corinto 12, 4). Dahil sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Espiritu Santo, mayroon tayong lakas at pananalig na ipagmalaki si Hesus sa tanan bilang tunay nating Panginoon at Tagapagligtas, katulad ng sabi ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito (1 Corinto 12, 3b). Malakas nating ipinagmamalaki ang Poong Jesus Nazareno bilang tunay nating Panginoon at Manunubos dahil pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa ating lahat upang maging malakas at tunay ang ating pananalig at pagsaksi kay Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang kaganapang ginugunita sa araw na ito na siya ring kilala bilang kaarawan ng Simbahan, ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol noong araw ng Pentekostes. Ang sandaling ito ay nagdulot at naghatid ng isang malaki at napakahalagang pagbabago sa mga apostol. Mula sa pagiging mga duwag, sila'y naging mga magigiting na saksi ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagpakita sa mga apostol upang ihatid sa kanila ang Kanyang kapayapaan at ang Espiritu Santo (Juan 20, 22-23). 

Tinanggap ng mga apostol nang buong kababaang-loob ang pamamamatnubay, gabay, at tulong ng Espiritu Santo, gaya ng ibinilin sa kanila ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Dahil sa Espiritu Santo, nagbago sila. Nagkaroon sila ng lakas ng loob na ipagmalaki at ipakilala sa lahat ang Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na dapat lamang panaligan, sampalatayanan, at sambahin ng lahat. Tayo rin ba ay magbubukas ng ating mga sarili sa patnubay, gabay, at pagtulong ng Espiritu Santo katulad ng mga apostol? Ibubukas ba natin ang mga sarili natin sa mga biyayang Kaniyang kaloob? 

Linggo, Mayo 14, 2023

DAHILAN NG GALAK AT TUWA

26 Mayo 2023 
Paggunita kay San Felipe Neri, pari 
Biyernes sa Ikapitong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 25, 13b-21/Salmo 102/Juan 21, 15-19 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1700s) Saint Philip Neri in Glory Among Angels by Francesco Conti, as well as the actual work of art itself in the Museum of Fine Arts in Strasbourg, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Hindi natin masisisi kung marami sa atin ang sanay na'ng makakita ng mga imahen o larawan ng mga Santo na laging seryoso. Kung mayroon mang imahen o larawan ng mga Santong nakangiti, bihira lamang. Halos isang emosyon lamang ang ipinapakita ng mga larawan o imahen ng maraming mga Santo. Ano ang emosyong iyon? Ito ay walang iba kundi ang pagiging seryoso. Kaya, hindi natin masisisi kung mayroong ilan sa atin na nagulat nang malamang Santong Pintakasi ng galak at tuwa ang Santong ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na walang iba kundi si San Felipe Neri. 

Bakit si San Felipe Neri ay kinikilala ng Simbahan bilang Santong Pintakasi ng galak at tuwa? Gumagamit siya ng mga naakatawang biro sa kanyang mga pakikipaghalubilo sa mga taong kanyang pinaglilingkuran. Ang laging paksa ng mga nakakatawang biro niyang ito ay walang iba kundi ang kanyang sarili. Ginagawa niyang katawa-tawa ang kanyang sarili sa mga nakakatawang birong ito tungkol sa kanyang sarili. Lagi itong ginagawa ni San Felipe Neri upang paalalahanan ang kanyang sarili na huwag maging mapagmataas at mayabang nang sa gayon ay mapanatili ang kanyang kababaang-loob na tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakakatawang biro tungkol sa kanyang sarili bilang mga paalala para sa kanya na panatilihin ang kanyang kababaang-loob upang manatiling kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos, inihahayag ni San Felipe Neri na ang Panginoong Diyos ang tanging dahilan kung bakit siya puspos ng galak at tuwa. Ang galak at tuwa ni San Felipe Neri ay katulad ng galak at tuwa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Hindi kaloob ng mundong ito ang galak at tuwang ito. Bagkus, ito ay biyayang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. 

Nakasentro sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang galak at tuwang bigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Diretsyahang inilarawan ni Porcio Festo kina Haring Agripa at Berenice na nagsitungo sa Cesarea upang madalaw at mabati nila siya ang natatanging dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay nakabilanggo sa Unang Pagbasa. Kahit inihahatid ni Apostol San Pablo ang galak at tuwang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoong Hesukristo, hindi siya tinanggap at binalak litisin at isakdal ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan ng mga Hudyo sa Herusalem. Iyon nga lamang, dahil sa estado ni Apostol San Pablo bilang isang mamamayan ng Roma, pinanindigan niyang magpalitis sa Emperador dahil iyon ang kanyang karapatan. Sa Salmong Tugunan, buong linaw at lakas na inihayag ng mang-aawit ang dahilan kung bakit ang tanan ay dapat matuwa - ang Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, ipinagkaloob ng Panginoong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay kay Apostol San Pedro ang biyaya ng galak at tuwang nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng pagtatanong nang tatlong ulit sa Kanyang apostol na ito kung Siya ba'y tunay niyang iniibig. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na walang mali o masamang tumawa, lalung-lalo na kapag ang tanging dahilan ng ating galak at tuwa ay walang iba kundi ang ating Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na galak at tuwa. Katulad ni San Felipe neri, magalak at matuwa tayo sa Poon. 

Sabado, Mayo 13, 2023

LAGI NATING KASAMA SA BAWAT SANDALI ANG MULING NABUHAY NATING POON AT HARING UMAKYAT SA LANGIT

21 Mayo 2023 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1700), Christi Himmelfahrt (Ascension of Christ) by François-Alexandre Verdier (1651–1730), as well as the actual work of art itself from the Kunsthistorisches Museum in Vienna, Austria, is in the Public Domain ("No Copyright") in its area of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1730. This faithful photographic reproduction of the said painting, as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Apatnapung araw matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay, umakyat sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng isang hudyat na nagwakas na ang Kanyang misyon sa mundong ito bilang Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangakong ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan pagdating ng panahong Siya mismo ang nagtakda. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Matapos Siyang muling mabuhay at bago Siya umakyat sa langit, nagpakita Siya sa mga apostol nang paulit-ulit nang sa gayon ay lalo pang lumalim ang kanilang paniniwala at pananalig sa Kanya. 

Isinalaysay ang mahalagang pangyayaring ito sa buhay ng Panginoong Hesukristo na nagsisilbing hudyat ng wakas ng Kanyang misyon at tungkulin dito sa mundo bilang Mesiyas at Manunubos na ipinangkaloob ng Diyos sa Unang Pagbasa. Sa Salmo, ang ating pansin ay itinuon sa tunay na pagkaklinlan ng Nazarenong si Kristo Hesus. Ang tunay na Panginoon at Hari ay dumating sa mundo upang iligtas ang sangkatauhang kinahahabagan, iniibig, at kinakalingang tunay sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Matapos ang Kanyang misyon, umakyat Siya sa Kanyang kaharian sa langit sa saliw ng iba't ibang mga tugtugin at awitin ng mga anghel. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang nasa langit ang Diyos Anak na si Hesus, ang tunay na Panginoon, Manunubos, at Haring walang hanggan. 

Subalit, sa Ebanghelyo, ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Jesus Nazareno ay hindi isinalaysay. Inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan para sa Linggong ito ang wakas ng Ebanghelyo ni San Mateo kung saan isinalaysay ng nasabing manunulat ng Banal na Ebanghelyo ang pagpapakita ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol sa Galilea. Sa sandaling iyon, isinagawa ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang dakilang pagsusugo sa mga apostol sa iba't ibang mga bansa sa mundong ito upang gawing Kanyang mga alagad ang lahat ng mga bansa sa mundo (Mateo 28, 19). Sa wakas ng salaysay ng Ebanghelyo ni San Mateo, inihayag nang malakas ni Kristo Hesus ang Kanyang pangako na palagi Niya silang sasamahan hanggang sa wakas ng sanlibutan (Mateo 28, 20). Matapos bigkasin nang malakas at malinaw ni Jesus Nazareno ang pangakong ito para sa mga apostol na mga unang bumuo sa tunay at nag-iisang Simbahang Kanyang itinatag, nagwakas ang salaysay ng Banal na Ebanghelyo ayon kay San Mateo. Ang Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit ay hindi diretsyahang binanggit. Sa tatlong sinotikong Ebanghelista, si San Mateo ang tanging Ebanghelistang hindi nagsulat nang diretsyo tungkol sa kaganapang ito. 

Bakit hindi binaggit ni San Mateo ang Pag-Akyat ng Poong Jesus Nazareno? Mula sa simula hanggang sa wakas ng kanyang Ebanghelyo, maliwanag na itinutuon ni San Mateo ang ating mga pansin sa pagiging "Emmanuel" o pagiging laging kasama ng ating Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kahit na nakaluklok Siya sa Kanyang trono sa langit, sinasamahan pa rin tayo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Lagi pa rin Niya tayong sinasamahan at dinadamayan. Hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Kaya nga, sa simula ng kanyang salaysay ng Mabuting Balita, binanggit ni San Mateo ang isa sa mga propesiya ni Propeta Isaias kung saan ipinakilala niya ang Mesiyas bilang "Emmanuel" na nangangahulugang "Ang Diyos ay sumasaatin" (Isaias 7, 14; Mateo 1, 23). Hanggang sa huli, ito ang nais bigyan ng pansin ni San Mateo. Ang Panginoong Jesus Nazareno na nabuhay na mag-uli ay nagpapatunay na kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Diyos. Lagi Niya tayong sasamahan dahil tunay Niya tayong iniibig, kinaaawaan, kinahahabagan, at kinakalinga. 

Kahit na Siya'y nakaluklok sa Kanyang maringal na trono sa Kanyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit, sa kanan ng Ama, hindi tayo pababayaan ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ang maringal Niyang Pag-Akyat sa Langit ay hindi nangangahulugang iiwanan at pababayaan na Niya tayo. Bagkus, lagi pa rin Niya tayong sasamahan hanggang wakas. 

Biyernes, Mayo 12, 2023

ANG GALAK NA HINDI MAAAGAW

19 Mayo 2023 
Biyernes sa Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 18, 9-18/Salmo 46/Juan 16, 20-23a 

Screenshot: "LIVE: Daily Mass - May 10, 2022 (12:10pm)", The Manila Cathedral (Facebook and YouTube

Tinatalakay ng mga Pagbasa para sa araw na ito ang galak dulot ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay matapos ang Kanyang pagkamatay sa Banal na Krus, idinudulot sa atin ng Poong Jesus Nazareno ang biyaya ng Kanyang galak. Ang galak na Kanyang kaloob sa atin ay hindi katulad ng galak na ipinagkakaloob ng mundong ito. Higit na dakila ang galak na ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno kaysa sa galak na inaalok at ipinagkakaloob sa atin ng mundong ito. Dito sa mundong ito, ang galak ay pansamantala lamang katulad nito. Ang galak naman na kaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay walang hanggan. Matatamasa natin ang biyayang ito nang buo sa wakas ng ating buhay dito sa mundong ito. Kailangan lamang natin mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos dito sa lupa nang sa gayon ay ating maihanda ang ating mga sarili para sa buhay na walang hanggan sa langit. 

Sa Ebanghelyo, isinentro ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Kanyang pangaral sa tunay na galak na Kanyang kaloob sa tanan. Inihayag Niyang hindi maagaw mula sa mga tapat Niyang lingkod na nananalig, sumasampalataya, sumasamba, sumasaksi, at umiibig sa Kanya ang galak na Kanyang kaloob (Juan 16, 22). Hindi ito katulad ng galak na kaloob ng mundong ito na madaling agawin at pansamantala lamang. Ang biyayang ito ni Jesus Nazareno ay mananatiling nakadikit sa atin sa mga puso ng mga nananalig, sumasampalataya, sumasaksi, at nagmamahal sa Kanya nang may taos-pusong katapatan. Ito ang galak na kusang-loob na ipinagkaloob ng Panginoon kay Apostol San Pablo na nakabilanggo sa Unang Pagbasa. Naghatid Siya ng pangako sa nakabilanggo Niyang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo. Ang pangakong ito ay Kanyang tinupad sa pamamagitan ng paglaya ni Apostol San Pablo. Dahil sa Panginoon, si Apostol San Pablo ay napuspos ng tunay na galak. Ang biyayang ito ay buong kababaang-loob at pananalig na tinanggap ni Apostol San Pablo mula sa bukal nito na walang iba kundi ang Panginoon. Ito ang tanging biyayang pumupukaw at umuudyok sa atin na makiisa sa awiting inilahad sa Salmo para sa araw na ito. Kung tutuusin, ito rin ay isa sa mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Panginoong Jesus Nazareno ang biyayang ito sa atin. Sa pamamagitan nito, inihayag Niya ang Kanyang loobin na pagindapatin tayong maghandog ng papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Ang tunay na galak ay ang galak na hindi maagaw mula sa atin. Hindi matatagpuan dito sa mundong ito kung saan ang lahat ng bagay na makikita rito ay pansamantala lamang. Guguho, maglalaho, at mawawala rin ang mga iyon pagdating ng takdang panahon. Matatagpuan lamang natin ang biyayang ito, ang tunay na galak, sa Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob sa atin dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. 

Huwebes, Mayo 11, 2023

KAHIT SINO, MAAARING MAGING BANAL

15 Mayo 2023 
Paggunita kay San Isidro Labrador, magsasaka (para sa buong Pilipinas) 
Mga Gawa 16, 11-15/Salmo 149/Juan 15, 26-16, 4a 


Marahil marami ang mga magugulat kapag nalaman nilang hindi naman isa sa mga pintakasi ng Pilipinas si San Isidro Labrador. Tiyak na pamilyar para sa marami sa atin ang pangalang "San Isidro Labrador." Iyon nga lamang, tiyak na hindi alam ng marami na hindi naman siya isa sa mga Santong pintakasi para sa Pilipinas. Katunayan, kung babasahin natin ang Leksyonaryo para sa Misa at kapag dumating tayo sa bahagi kung saan inilahad ang mga Pagbasa para sa 15 Mayo na matatagpuan sa bahaging tinatawag na "Hanay ng mga Banal," katulad na lamang ng iba pang mga Santo at Santa ng Simbahan, mapapansin nating nakasulat sa tabi ng pangalan ng banal na pagdiriwang sa araw na ito (15 Mayo), "Paggunita kay San Isidro, magsasaka," ang mga salitang "Para sa Pilipinas." Ito ay kahit hindi naman siya pintakasi ng bansa. 

Sa totoo lamang, masasabi nating si San Isidro Labrador ay tunay ngang malapit sa puso ng maraming mga Pilipinong Katoliko, lalo na yaong mga magsasaka. Bagamat nagmula siya sa ibang bansa, Espanya, naiuugnay ng maraming mga Pilipino ang kanilang mga puso at sarili kay San Isidro Labrador. Katulad ng marami sa atin, hindi isinilang sa isang mayamang pamilya si San Isidro Labrador. Ipinanganak si San Isidro Labrador sa isang mahirap o dukhang pamilya. Ang kanyang hanap-buhay o trabaho ay pagsasaka. Lagi siyang tumutungo sa bukid upang magsaka. Naging mahirap ang buhay para kay San Isidro Labrador. Subalit, sa kabila ng mga hirap sa buhay sa daigdig, ipinasiya pa rin ni San Isidro Labrador na maging banal sa paningin ng Diyos. 

Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa pamamagitan ng Santong ginugunita sa araw na ito, si San Isidro Labrador, na kahit sino ay maaaring mapabilang sa hanay at kasamahan ng mga banal sa langit. Ang pagiging banal ay hindi lamang para sa mga pari, obispo, madre, at Santo Papa. Pati mga layko, maaaring maging banal. Bukod pa riyan, hindi lamang para sa mga mayayaman ang pagiging banal. Ang magsasakang si San Isidro Labrador ang patunay nito. Mayaman man o mahirap, maaaring maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang pagtanggap ng isang babaeng mula sa Tiatira na nagngangalang Lydia sa pananampalatayang ipinangangaral nina Apostol San Pablo. Bagamat maraming mga sinaunang Kristiyano ang inuusig noon, kusang-loob pa ring ipinasiya ni Lydia na tanggapin ang pananampalatayang Kristiyano at mapabilang sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Muling Nabuhay na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, si Hesus ay patuloy na nangaral sa Kanyang mga alagad tungkol sa pagtulong ng Espiritu Santo sa kanilang misyon at tungkulin bilang Kanyang Simbahan. Tutulungan ng Espiritu Santo ang mga apostol na maging tapat sa kanilang misyon at banal bilang mga saksi ng Poong Jesus Nazareno sa kabila ng mga paghihirap at pag-uusig na kanilang haharapin at titiisin. Hindi lamang papatnubayan at gagabayan ng Espiritu Santo ang mga apostol sa tuwing ang Poong Jesus Nazareno ay kanilang ipapakilala sa mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundong ito sa pamamagitan ng kanilang mga pangaral tungkol sa Banal na Ebanghelyo, kundi bibigyan rin Niya sila ng lakas na manatiling tapat sa Kanya bilang pagsasabuhay ng kanilang mga ipinangangaral. Sa pamamagitan nito, ang Panginoon ay mapupuspos ng galak dahil ipinasiya ng mga apostol at ng mga henerasyong sumunod sa kanila bilang bahagi ng Kaniyang Simbahan na manatiling tapat sa kanilang paglilingkod at pagsamba sa Kanya hanggang wakas sa pamamagitan ng pagiging banal, katulad na lamang ng inilarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. 

Ang pagiging banal ay para sa lahat. Ito ang paalala ng Simbahan para sa atin sa pamamagitan ng pagtatampok sa halimbawa ni San Isidro Labrador sa araw na ito. Hindi kinakailangang mayaman ang isang tao upang makarating sa langit. Kailangan lamang niyang tanggapin ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang ipinasiyang gawin ni San Isidro Labrador sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa mundong ito bilang isang magsasaka. Habang patuloy tayong nagsusumikap sa mga trabaho at hanap-buhay upang mapaganda ang ating buhay sa lupa, huwag nating kalimutang piliin ang kabanalan sa bawat sandali ng ating buhay upang ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit ay matamasa natin sa wakas ng ating buhay dito sa mundong ito. 

Sabado, Mayo 6, 2023

GALAK NA DULOT NG PATNUBAY

14 Mayo 2023 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21

Tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ang galak na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sabi ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na sa Kanyang pamamagitan ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo upang maging Patnubay ng mga apostol at ng Simbahan (Juan 14, 16-18). Bagamat lilisanin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mundong ito, hindi Niya iiwanan at pababayaang maging ulila ang Kanyang Simbahan. Ang Patnubay na ipinagkaloob ng Ama sa pamamagitan mismo ni Kristo, ang ating Nuestro Padre Jesus Nazareno, na walang iba kundi ang Espiritu Santo ay ang patunay ng pangakong ito. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito kung paanong ang Simbahan ay ginabayan ng Espiritu Santo noon pa man. Hindi pinabayaan ng Espiritu Santo ang Simbahan kailanman. Ang Simbahan ay lagi Niyang tinulungan, pinatnubayan, at ginabayan. Sa Unang Pagbasa, maliwanag na inilarawan kung paanong ang mga apostol ay tinulungan ng Banal na Espiritu sa kanilang misyon bilang mga pinuno ng Simbahang sumasaksi sa Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Ang Espiritu Santo ang tumulong kay Apostol San Felipe nang tumungo siya sa Samaria upang mangaral tungkol sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang Mabuting Balitang ito tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ay kusang-loob namang tinanggap ng mga taga-Samaria. Sa wakas ng salaysay ng Unang Pagbasa, nang dumating sina Apostol San Pedro at San Juan, bininyagan ang mga taga-Samaria sa Kabanal-banalang Ngalan ni Kristo Hesus at tinanggap nila nang kusang-loob ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 8, 16-17). Ang pagtulong ng Espiritu Santo, ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo, na kusang-loob na ibinigay ng Ama sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang maging ating Patnubay ay tinukoy ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niya na mas mainam para sa atin bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan na magdusa dahil gumawa ng mabuti, kung niloloob ito ng Diyos, kaysa magdusa dahil gumawa ng masama (1 Pedro 3, 17). Dahil sa pamamatnubay ng Espiritu Santo, nakakagawa ng mabuti at banal ang mga tapat na deboto at lingkod ng Panginoon. 

Hinihikayat sa Linggong ito na maging bukas sa pamamatnubay ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Tutulungan, papatnubayan, at gagabayan tayo ng Espiritu Santo sa landas ng buhay upang makamit natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Tuturuan Niya tayo kung paanong maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos nang sa gayon ay matamasa natin sa wakas ng ating pansamantalang pamumuhay at paglalakbay sa mundong ito ang walang hanggang buhay at ligaya sa langit. 

Ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay isang paanyaya para sa lahat ng mga tunay na tapat sa Diyos. Inaanyayahan tayo ng mang-aawit ng Salmo para sa Linggong ito na sumigaw at umawit nang may galak sa Panginoon. Magiging taos-puso ang ating pagsigaw at pag-awit ng papuri, parangal, at pagsamba sa Diyos kung magiging bukas tayo sa pamamatnubay ng Espiritu Santo. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na maging taos-puso sa pagsamba, pananalig, at pagsampalataya sa nag-iisang Diyos na tunay at totoo na walang iba kundi ang Banal na Santatlo na binubuo ng Ama, Anak na si Jesus Nazareno, at Espiritu Santo. 

Ninanais nga ba nating mapuspos ng tunay na galak, pag-asa, at pagmamahal para sa Diyos? Nais nga ba nating maging taos-puso ang ating debosyon, pamamanata, pagmamahal, pananampalataya, pananalig, pagpupuri, pasasalamat, at pagsamba sa Diyos? Buksan natin ang ating mga sarili sa pamamatnubay ng Espiritu Santo. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ay laging tutulungan, papatnubayan, at gagabayan ng Banal na Espiritu upang tunay nga tayong maging banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Biyernes, Mayo 5, 2023

KATOTOHANAN TUNGKOL SA EBANGHELISASYON

13 Mayo 2023 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 16, 1-10/Salmo 99/Juan 15, 18-21 

Screenshot: "LIVE: Feast of Our Lady of Fatima" [TV Maria and National Shrine of Our Lady of Fatima (Valenzuela City) Facebook pages], May 13, 2022

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain ang pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata ng Fatima na sina Sor Lucia at ang magkapatid na sina San Francisco at Santa Jacinta Marto noong 1917. Sa araw na ito noong 1917, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay nagpakita sa tatlong batang ito sa Fatima. Ang nasabing aparisyon ay sinundan ng lima pang aparisyon hanggang sa 13 Oktubre ng taon ring yaon kung kailan naganap ang Himala ng Araw. Sa pamamagitan ng mga pagpapakitang ito, ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay naging tagapaghatid ng habag at pag-ibig ng Diyos. Isang pahiwatig nito ay ang kanyang pakiusap o hiling na ugaliing dasalin ng bawat mananampalatayang Katoliko ang Santo Rosaryo para sa kapayapaan sa buong daigdig. 

Tinalakay sa mga Pagbasang ito ang katotohanan tungkol sa pagiging tagahatid at saksi ng Mabuting Balita. Bilang Simbahan, inaatasan tayo ng Diyos na ipalaganap sa iba't ibang panig ng daigdig ang Mabuting Balita. Mayroon tayong responsibilidad na maging mga buhay na saksi ng dakilang pag-ibig, habag, at awa ng ating Panginoong Diyos na kusang-loob Niyang inihayag sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, hindi lahat ay magbubukas ng puso at loobin sa mensahe ng Banal na Ebanghelyo. 

Nagsalita ang mang-aawit ng Salmong Tugunan para sa araw na ito tungkol sa pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang panawagan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay handugan ang Panginoong Diyos ng papuri at parangal sa pamamagitan ng masasayang pag-awit sa Kanya. Ang lahat ng mga pagpapalang kaloob ng Panginoong Diyos ay sumasalamin sa Kanyang kabutihan, pag-ibig, habag, at awa para sa atin bagamat tayo ay mga makasalanang hindi karapat-dapat sa mga pagpapalang ito. Katunayan, sa pamamagitan rin ng iba pang mga panalangin gaya na lamang ng Santo Rosaryo, mga Dalangin ng Banal na Awa (Chaplet of the Divine Mercy), at pati ang pinakamataas na uri ng panalangin na walang iba kundi ang araw-araw na pagdaraos ng Banal na Misa, ang Diyos ay ating binibigyan at inaalayan ng papuri, parangal, pasasalamat, at pagsamba. Sumaksi sa pag-ibig, kabutihan, habag, at awa ng Panginoon ang mang-aawit na itinatampok sa Salmong Tugunan para sa araw na ito sa pamamagitan ng kanyang awiting ito na may kalakip na paanyaya para sa ating lahat. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong tinanggap si Apostol San Pablo at ang iba pa niyang mga kasamang misyonero ng Simbahan sa iba't ibang bayang kanilang pinuntahan. Katunayan, sa isang pangitain sa wakas ng Unang Pagbasa, inihayag sa kanya ng Panginoong Diyos na pati ang mga taga-Macedonia ay naghahangad na mapakinggan at matanggap ang Banal na Ebanghelyo at maging mga bahagi rin ng tunay na Simbahan. Ito ang layunin ng Simbahan. Makilala ng tanan ang Panginoong Jesus Nazarenong Muling Nabuhay, mapakinggan ang Kanyang kuwento at pati na rin ang Kanyang mga mensahe, aral, at utos tungkol sa pagiging banal at kalugud-lugod sa Diyos, at maging bahagi ng Simbahan. Dahil dito, maging sa kasalukuyan, hindi tumitigil ang Simbahan sa pagiging saksi ni Kristo. 

Iyon nga lamang, hindi lahat ng mga tao sa mundong ito ang tatanggap ng anumang pagpapatotoo sa Banal na Ebanghelyo ng Poong Jesus Nazareno. Ang Poong Jesus Nazareno mismo ang nagsabi sa Ebanghelyo para sa araw na ito na ang mga apostol at ang mga susunod sa kanila sa Simbahan ay kapopootan ng sanlibutan sapagkat mayroon silang ugnayan sa Kanya. Tapat rin sila sa ugnayang ito katulad mismo ni Jesus Nazareno. Dahil sa kanilang ugnayan sa Poong Jesus Nazareno at ang kanilang taos-pusong katapatan sa Kanya, uusigin rin sila ng sanlibutan gaya ng pag-uusig sa Kanya (Juan 15, 18). Ito ang katotohanan tungkol sa atin bilang Simbahan. May mga sandaling makakaranas tayo ng pagtakwil at pag-uusig dahil tapat tayo kay Kristo. 

Para sa marami, mahirap tanggapin ang Banal na Ebanghelyo ng pagliligtas ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Mas madali para sa kanila na tanggapin at sundin ang ilang mga kilalang personalidad, lalung-lalo na ang mga kilalang personalidad sa pulitika. Hindi na nila susuriin kung mabuti o masama ang nais nilang ipalaganap. Basta na lamang nila tatanggapin at susundin ang mga iniuutos nila. Handa pa nga silang maging tagapagpalaganap at tagapaghatid ng mga utos at mensahe ng mga personalidad na ito, kahit na ang mga nasabing aral, utos, tagubilin, at mensahe ay wala namang idudulot na mabuti. Magbubulag-bulagan rin sila kapag nabisto ang pagiging abusado ng mga kilalang personalidad, lalung-lalo na yaong mga pulitikal na personalidad at pinuno. 

Mabuti pa yaong mga masisikat na personalidad, lalung-lalo na yaong mga pulitikal na personalidad, tatanggapin, susuportahan, papanigan, at susundin pa rin. Bagamat hindi naman sila nagpapalaganap ng kabutihan para sa tanan, kahit na mga abusado sila, susuportahan pa rin sila. Hindi sila uusigin at itatakwil. Subalit, ang mga tapat na lingkod ng Mahal na Poon na sumasaksi sa Kanya, hindi nila tatanggapin. Itatakwil at uusigin pa sila ng marami sa lipunan sa kasalukuyan. Isang patunay nito ang mga paring nagsasalita laban sa katiwalian. Kapag nagsasalita ang mga pari laban sa katiwalian, kahit wala naman silang binabanggit na pangalan, sila pa ang kikilalanin at tatawaging masama ng marami. Hindi ba masama ang katiwalian, pagnanakaw, at walang hustisiyang pagpatay sa mga inosente? Bakit kaya ipinapasiya ng marami na tirahin at usigin yaong mga tumitindig laban sa kawalan ng katarungan, lalo't higit yaong mga paring nagpapaalala na labag sa mga utos ng Panginoong Diyos ang mga gawaing ito na tunay nga namang kasuklam-suklam sa Kanyang paningin? 

Bagamat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating pagiging mga makasalanan, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na ipakita sa atin ang Kanyang awa, habag, pag-ibig, at kabutihan para sa atin. Ito ang dahilan kung bakit si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, ay naghandog ng Kanyang buhay sa Krus na Banal at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw para sa ating ikaliligtas. Ito rin ang dahilan kung bakit mula 13 Mayo hanggang 13 Oktubre noong 1917 ay anim na ulit na nagpakita sa tatlong bata sa Fatima ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang iparating ang kanyang pakiusap, mensahe, at hiling para sa lahat ng mananampalataya na laging dasalin ang Santo Rosaryo para sa ikapagkakamit ng kapayapaan, pagsisihan at talikdan ang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos, at maging banal at kalugud-lugod sa Diyos. 

Dumating ang Panginoong Jesus Nazareno sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Ito ang Mabuting Balitang ipinangaral at pinatotohanan ng mga apostol na patuloy pa ring isinasagawa ng Simbahan sa kasalukuyan. Mula Mayo hanggang Oktubre noong taong 1917, anim na ulit na nagpakita sa tatlong batang pastol sa Fatima ang Mahal na Inang si Mariang Birhen upang maging paalala ng awa, habag, kabutihan, at pag-ibig ng Diyos na labis-labis na nasusugatan dahil sa mga kasalanan ng tao. Ang mga mensahe, aral, at utos na ito ng Banal na Ebanghelyo ng Panginoon ay kusang-loob ba nating tatanggapin at susundin? Ipapalaganap rin ba natin ito, gaya na lamang ng ginawa ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Fatima noong 1917, kahit mahirap? 

Huwebes, Mayo 4, 2023

KATANGIAN NG MGA DEBOTONG TUNAY NA UMIIBIG SA MULING NABUHAY NA POONG JESUS NAZARENO

12 Mayo 2023 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 15, 22-31/Salmo 56/Juan 15, 12-17 


Tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa araw na ito ng Biyernes sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ang dahilan kung bakit nating isinasagawa ang iba't ibang mga rito ng Simbahan. Bukod sa pagdiriwang ng Banal na Misa na siyang pinakamataas na uri ng panalangin, mayroon tayong iba pang mga gawain na lagi nating isinasagawa bilang mga esprituwal na pagsasanay katulad na lamang ng mga prusisyon at mga Nobenaryo. Mayroong isang malalim na dahilan, na maaari rin ituring na isang maikling buod, kung bakit lagi nating ginagawa ang mga ito. 

Sa Unang Pagbasa, ipinarating sa mga Kristiyano sa Antioquia, sa Siria, at Cilicia ang naging pasiya ng sinaunang konesho ng Simbahan na pinangunahan ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro. Ang mga Kristiyanong ito ay mga Hentil. Naakit sila sa Kristiyanismo. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng mga Hentil na ito na taos-pusong tanggapin ang pananampalatayang Kristiyanong buong sigasig na ipinangaral at ipinalaganap ng mga apostol at ng iba pa nilang mga kasama sa Simbahan noon at maging bahagi ng Simbahan. Ang pasiya ng Simbahan ay magbigay ng utos at paalala sa mga Kristiyanong Hentil na layuan ang iba't ibang uri ng kasamaan, katulad na lamang ng inilarawan sa gitna ng Unang Pagbasa, at tahakin ang landas ng kabanalan (Mga Gawa 15, 28). 

Ang paalalang ito na naging bunga ng idinaos na konseho sa Herusalem na itinampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay hindi lamang para sa mga Hentil na taos-pusong nagpasiyang magpabilang sa Simbahan noon kundi ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano sa mga sumunod pang henerasyon, kasama rito ang henerasyon sa kasalukuyan. Ito ang patuloy na ipinapaalala sa atin ng Simbahan araw-araw. Dapat tayong mamuhay nang banal at mabuti. Piliin natin ang kabutihan at kabanalan sa bawat sandali ng ating buhay. 

Inilarawan sa pangaral ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit dapat tayong mamuhay nang banal at mabuti araw-araw. Sa Ebanghelyo, ang pinakamahalagang utos ay inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol. Malakas Niyang inihayag sa mga apostol ang Kanyang utos na ito: "Mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig Ko sa inyo" (Juan 15, 12). Dahil sa pag-ibig, ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno ang utos na ito. Ito rin ang dahilan kung bakit namatay sa Kabanal-banalang Krus at nabuhay na mag-uli pagsapit ng ikatlong araw para sa atin si Jesus Nazareno na ating mabuti, mahabagin, at mapagmahal na Poong Señor. Bagamat hindi naman Niya ito kinailangang gawin iyon dahil sa ating pagiging makasalanan, kusang-loob pa rin Niya itong ipinasiyang gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Iyan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Kaya naman, ang palagiang panawagan at paalala ng Simbahan para sa ating lahat ay tahakin ang landas ng kabanalan at kabutihan. Ito ang daan patungong langit. Lagi nating piliin ang kabanalan at ang kabutihan. Ang unang hakbang nito ay ang pagpili sa pag-ibig. Hindi ang romantikong pag-ibig kundi ang pag-ibig gaya ng pag-ibig ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Mahalin ang Diyos at ang kapwa. Kapag pag-ibig ng Muling Nabuhay na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang taos-puso nating ipinasiyang isabuhay at ipalaganap, isinasabuhay natin ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw na ito ng Biyernes sa loob ng banal na panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay: "Sa gitna ng mga bansa sabihing 'D'yos ay Dakila!'" (Salmo 56, 10a). Malakas nating inihahayag sa pamamagitan ng gawaing ito ang taos-puso at dalisay nating pag-ibig at pagsamba sa Diyos. 

Nais ba nating lumalim pa ang ating debosyon sa Poong Jesus Nazareno? Tuparin at sundin nang buong kababaang-loob at nang taos-puso ang Kanyang utos na umibig katulad ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang Kanyang pag-ibig para sa atin ay ating ipalaganap. Ito ang magpapatunay tunay nga tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ating Panginoong Muling Nabuhay. Mga debotong tunay ngang umiibig, namamanata, sumasampalataya, nananalig, at sumasamba sa Kanya nang taos-puso. Ito ang dapat nating gawing layunin at pagsikapang gawin. 

Hindi porket sumasampa sa andas o karo ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kapag ilalabas ang Kanyang banal na imahen mula sa Simbahan ng Quiapo para iprusisyon, lalung-lalo na tuwing ika-9 ng Enero man galing Luneta o kaya naman pagsapit ng Biyernes Santo mula sa mismong Basilika, ay nangangahulugang isa na siyang ganap na deboto ng Señor. Walang silbi ang "debosyon" sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung hanggang prusisyon lamang tayo, lalung-lalo na kung wala naman tayong balak tahakin ang daan o ang landas ng kabanalan pagkatapos noon. Ang pagsasama sa mga prusisyon, lalo na sa mga prusisyon ng Nazareno, at ang palagiang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon sa Banal na Misa, hindi lamang tuwing sasapit ang araw ng Biyernes kundi pati na rin tuwing araw ng Linggo at sa mga araw ng Pistang Pangilin, ay maging daan nawa para sa atin patungo sa pagtahak sa landas o daan patungong langit, ang landas ng kabanalan. Pahintulutan nawa natin ang Poong Jesus Nazareno na dumarating sa atin sa pamamagitan ng tinapay at alak sa Misa na gawin tayong mga banal at mabuting saksi ng Kanyang pag-ibig at habag. Kapag ito ang ating isinagawa, pinatutunayan nating tunay at tapat tayo sa ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Bilang mga deboto ng Poong Jesus Nazareno, pahintulutan nawa natin Siya na laging dumarating sa anyo ng tinapay at alak sa Banal na Misa na baguhin tayo at gawin tayong mga banal at mabuting saksi at tagapagpalaganap ng Kanyang pag-ibig at habag. Sa pamamagitan nito, lalo nating binibigyan ng higit na papuri, pasasalamat, parangal, paggalang, at pagsamba ang Panginoong Diyos. Ito ang magpapatunay ng ating tapat na debosyon sa Poong Jesus Nazareno.