Huwebes, Mayo 25, 2023

ANG MISYON NG WALANG HANGGAN AT DAKILANG PARI

1 Hunyo 2023
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari (A)
Genesis 22, 9-18 (o kaya: Hebreo 10, 4-10)/Salmo 39/Mateo 26, 36-42 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1655) The Agony in the Garden by Adriaen van de Velde (1636–1672), as well as the actual work of art itself from a Private collection made available through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This faithful photographic reproduction of the said work of art, as well as the said work of art itself, is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang Huwebes pagkaraan ng Linggo ng Pentekostes ay inilaan ng Simbahan para sa isang napakaespesyal na Kapistahan. Ito ang Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari. Napakalinaw naman kung ano ang nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa araw na ito. Sa araw na ito, ipinapaalala ng Simbahan sa atin na isa ring Pari o Saserdote si Hesus. Katunayan, sa lahat ng mga pari, ang Panginoong Hesus ay namumukod-tangi sapagkat ang pinakadakilang hain o handog ay Kaniyang inialay. Ito ay walang iba kundi ang buo Niyang sarili. 

Mayroong maraming titulo ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kilala natin Siya sa ilalim ng mga titulong "Panginoon," "Hari," "Kristo," "Mesiyas," at "Manunubos." Ilan lamang ang mga ito sa mga titulo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Subalit, tiyak na lingid sa kaalaman ng marami, maging ng maraming Katoliko, ang titulo ng Poong Jesus Nazareno bilang "Pari." Hindi naiuugnay ng marami ang titulong "Saserdote" o kaya "Pari" sa Poong Jesus Nazareno. Kaya, tiyak na bago sa pandinig ng marami ang titulo ng Panginoong Jesus Nazareno na pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito, na walang iba kundi ang titulong "Walang Hanggan at Dakilang Pari." 

Ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan ang Walang Hanggan at Dakilang Pari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Hindi biro ang kinailangang gawin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, kinailangang ihandog ng Panginoong Jesus Nazareno ang pinakadakilang handog na walang iba kundi ang buo Niyang sarili sa Krus na Banal upang iligtas ang tanan. Sa Ebanghelyo, inilarawan kung paanong inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno ang taos-puso Niyang pagtanggap sa kalooban ng Ama sa kabila ng takot at pangamba habang nanalangin at nagdurusa sa Halamanan ng Hetsemani. Buong kababaang-loob, pananalig, at lakas na inihayag ni Kristo ang taos-puso Niyang pagtanggap sa misyon at tungkuling ito bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. 

Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pasiya ng ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham na sundin nang buong kababaang-loob at pananalig ang iniutos ng Diyos sa kabila ng hirap nito. Napakahirap ng ipinagawa sa kanya ng Diyos. Ang utos ng Diyos ay ihandog ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac sa bundok na Kanyang ituturo sa lingkod Niyang ito. Bilang gantimpala, isinugo ng Panginoong Diyos kay Abraham ang isa sa Kanyang mga anghel upang awatin at pigilin siya sa pagpatay sa kanyang anak na si Isaac at ipinagkalooban siya ng isang lalaking tupa upang ihandog ito kapalit ng kanyang anak (Genesis 22, 11-13). Mahirap ang ginawa ni Abraham, subalit higit na mahirap ang ginawa ni Jesus Nazareno na inilarawan sa alternatibong Unang Pagbasa at pati na rin sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. 

Hindi biro ang hirap ng pagtupad ng Poong Jesus Nazareno sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Katunayan, ang pagtupad Niya sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ay ang tanging dahilan kung bakit tinatawag at kinikilala Siya sa titulong "Walang Hanggan at Dakilang Pari." Siya lamang ang naghandog ng pinakadakilang alay na walang iba kundi ang buo Niyang sarili sa Banal na Krus para sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Bagamat napakahirap ang Kanyang ginawa bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, ipinasiya pa rin Niya itong tuparin nang buong kababaang-loob at pananalig. Iyan ang Poong Jesus Nazareno, ang Walang Hanggan at Dakilang Pari. 

Dahil sa ginawa ng Poong Jesus Nazareno bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari, ang palagiang pag-aalay ng mga panalangin para sa mga pari ay napakahalaga. Hindi biro ang kailangang gawin ng mga pari. Mula noon hanggang ngayon, walang pari sa kasaysayan ng Simbahan ang hindi nakaranas ng hirap sa pagsunod sa halimbawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa kanilang pagsisikap na tularan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Walang Hanggan at Dakilang Pari, maraming ulit silang sinusubukan at tinutukso sa bawat sandali ng kanilang ministeryo at tungkulin bilang mga paring Kanyang tinawag at hinirang para sa Kanyang Simbahan. Kaya naman, lagi tayong pinakikiusapan ng Simbahan na laging manalangin para sa mga pari. 

Tanging ang Poong Jesus Nazareno lamang ang Paring Walang Hanggan at Dakila. Sa kabila ng hirap at sakit dulot ng misyon at tungkuling ito, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na tuparin ang Kanyang misyon at tungkulin bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Inihandog Niya ang pinakadakilang hain na nagdulot ng kaligtasan para sa sangkatauhan - ang Kanyang buong sarili. Hindi ipinagdamot ng Poong Jesus Nazareno ang Kanyang sarili sapagkat hinangad Niya tayong iligtas. Patunay lamang ito na tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento